Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Ang bilang ng mga search sa Google na may salitang ‘porn’ ay natriple mula noong 2004.”​—THE ECONOMIST, BRITAIN.

“Kapag nag-asawa ang isang kabataang babae [na Russian], . . . ang posibilidad na saktan siya ng kaniyang asawa, o magkasakitan sila sa kanilang pag-aaway, ay mga 60 porsiyento.”​—MOSKOVSKIYE NOVOSTI, RUSSIA.

“Isa sa bawat pitong siyentipiko o doktor sa UK ang nakakita na ng mga kasamahan na sadyang nandoktor o nag-imbento ng datos sa panahon ng pagsasaliksik o para mailathala iyon.”​—BRITISH MEDICAL JOURNAL, BRITAIN.

“Ang bilang ng mga gumaling sa kanser sa E.U.A. ay dumami nang apat na beses mula noong 1971 anupat umabot sa bilang na mga 12 milyon . . . Ang pagdami ng mga gumaling ay maaaring dahil sa mas maagang diyagnosis, mas epektibong paggamot, at mas pinahusay na patuluyang pangangalaga.”​—UC BERKELEY WELLNESS LETTER, E.U.A.

Bago ang Pasko noong 2011, mga 100 pari at monghe ng magkakaribal na denominasyon ang nag-away-away sa Church of the Nativity sa Betlehem. “Maliit na problema lang iyon na . . . nangyayari taun-taon,” ang sabi ng isang lieutenant-colonel ng pulisya. “Walang inaresto dahil lahat naman ng nasangkot ay mga taong naglilingkod sa Diyos.”​—REUTERS NEWS SERVICE, E.U.A.

Berdeng Pader na Babagtas sa Aprika

Isang napakalaking proyekto sa Aprika, na inilunsad ng African Union noong 2007, ang naglalayong hadlangan ang paglawak ng disyerto sa pamamagitan ng isang berdeng pader. Mula Senegal sa Kanluran hanggang Djibouti sa Silangan, 11 bansa ang nagtatanim ng milyun-milyong punla ng tamang uri ng mga halaman at puno para maging kagubatan na 7,600 kilometro ang haba at 15 kilometro ang lapad. “Ang kailangan naming itanim ay mga uri ng puno na hindi pag-iinteresan ng mga nagtotroso,” ang sabi ni Aliou Guissé, propesor ng plant ecology sa Cheikh Anta Diop University sa Dakar, Senegal. Inaasahan din na ang tinamnang mga lugar ay magiging protektadong kagubatan at patuloy na maglalaan ng pagkakakitaan ng lokal na mga komunidad.

Bakit Tayo Humihikab?

Hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko kung bakit humihikab ang mga tao​—kadalasa’y maraming beses sa maghapon. Kahit ang mga sanggol sa sinapupunan ay humihikab, pati ang mga hedgehog, ostrich, ahas, at isda. Maraming teoriya tungkol dito, kadalasa’y nagkakasalungatan, pero walang isa man ang nakakumbinsi sa lahat ng mananaliksik. Ipinapalagay ng maraming siyentipiko na ang paghingang ito para makakuha ng hangin, na kadalasa’y tumatagal nang mga anim na segundo, ay nagsusuplay ng karagdagang oksiheno sa utak. Pero “hindi pa napatutunayan ng mga mananaliksik ang teoriyang ito,” ang sabi ng Science News. Ipinahihiwatig ng mga bagong pag-aaral sa mga daga na “ang paghikab ay posibleng parang thermostat, na nagpapalamig sa nag-iinit na utak.” Pero walang sinumang nakasisiguro dito.