Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Ano ang Isang Tunay na Lalaki?

Ano ang Isang Tunay na Lalaki?

“Tatlong taon pa lang ako nang mamatay ang tatay ko. Kung minsan, naiinggit ako sa ibang batang lalaki na may tatay na nagpapalaki sa kanila. Parang mas may kumpiyansa sila kaysa sa ’kin.”​—Alex. *

“Hindi kami close ng tatay ko. Kinailangan kong matutuhang mag-isa kung paano maging tunay na lalaki.”​—Jonathan.

GANIYAN din ba ang nadarama mo? Nag-aalala ka ba na baka hindi mo matutuhan kung paano maging isang tunay na lalaki? Kung oo, huwag masiraan ng loob!

Tingnan kung paano mo mapagtatagumpayan ang dalawang karaniwang hamon.

HAMON 1: Maling pananaw ng marami tungkol sa pagiging tunay na lalaki

Ang sinasabi ng iba:

  • Matigas ang loob ng mga tunay na lalaki; hindi sila umiiyak.
  • Ang mga tunay na lalaki ay hindi pumapayag na sabihan sila ng kanilang gagawin.
  • Ang mga lalaki ay nakahihigit sa mga babae.

Ibang pananaw: Ang kabaligtaran ng pagiging tunay na lalaki ay ang pagiging isip-bata. Nagiging tunay na lalaki ka kapag inaalis mo ang mga ugali ng bata. Sumulat si apostol Pablo: “Nang ako’y bata pa, . . . nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, . . . iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.” (1 Corinto 13:​11, Ang Biblia) Ibig sabihin, habang inaalis mo ang paraan ng pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos ng isang bata, at pinapalitan  ito ng paraan ng pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos ng taong may-gulang, pinatutunayan mo na isa kang tunay na lalaki. *

Subukan ito: Isulat sa isang papel ang sagot mo sa sumusunod na mga tanong:

  1. Anu-anong ugali ng bata ang naalis ko na?
  2. Ano pa ang puwede kong gawin para sumulong?

Iminumungkahing basahin: Lucas 7:​36-50. Tingnan kung paano pinatunayan ni Jesus na isa siyang tunay na lalaki sa pamamagitan ng (1) paninindigan sa kung ano ang tama at (2) pagrespeto sa iba​—pati na sa mga babae.

“Hanga ako sa kaibigan kong si Ken. Isa siyang tunay na lalaki​—malakas ang katawan, kontrolado ang emosyon, at mahusay ang espirituwalidad​—at mabait din. Dahil sa halimbawa niya, natutuhan kong hindi pinipintasan ng isang tunay na lalaki ang ibang tao para lang iangat ang sarili niya.”​—Jonathan.

HAMON 2: Walang positibong impluwensiya ng isang ama

Ang sinasabi ng iba:

  • Kung lumaki kang walang ama, hindi mo matututuhan kung paano maging isang tunay na lalaki.
  • Kung hindi mabuting halimbawa ang tatay mo, tiyak na matutulad ka rin sa kaniya.

Ibang pananaw: Kahit hindi maganda ang pagpapalaki sa iyo, hindi nangangahulugan iyan na mabibigo ka! Puwede mong mapabuti ang kahihinatnan mo. (Ezekiel 18:14) Puwede mong ipasiyang sundin ang payo ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Magpakalakas ka at magpakalalaki.”​—1 Hari 2:2.

Totoo, mahirap lumaki nang walang nagmamalasakit na ama​—o nang walang ama. “Napakalaking kawalan kung hindi mo nakilala ang tatay mo,” ang sabi ni Alex, na sinipi sa pasimula.  “Ako’y 25 anyos na, pero pakiramdam ko’y ngayon ko pa lang natututuhan ang mga dapat sana’y natutuhan ko noong tin-edyer ako.” Kung nadarama mo ang nadarama ni Alex, ano ang puwede mong gawin?

Subukan ito: Humanap ng mentor​—isang mabuting halimbawa ng isang tunay na lalaki. * Tanungin siya kung anong mga katangian ang mahalagang makita sa isang tunay na lalaki. Saka mo siya tanungin kung paano mo madedebelop ang mga katangiang iyon.​—Kawikaan 1:5.

Iminumungkahing basahin: Kawikaan kabanata 1-9. Pansinin ang makaamang payo na makatutulong sa isang bata para lumaki siyang marunong at makadiyos.

“Natutuwa ako sa nagiging personalidad ko. Bagaman sana’y natulungan ako ng tatay ko, maganda pa rin ang pananaw ko sa kinabukasan. Sigurado akong hindi ako mabibigo.”​—Jonathan.

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 24 Puwedeng maging mahusay na mentor ang mga elder sa kongregasyong Kristiyano.

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Ano po sa palagay ninyo ang mga katangian ng isang tunay na lalaki? Sa tingin ba ninyo ay sumusulong ako sa bagay na ito?