Isang Susi Para Maintindihan ang Bibliya
“Paano n’yo nalaman na tama ang interpretasyon ninyo sa Bibliya? Puwede kasi itong bigyan ng iba’t ibang interpretasyon!”
May narinig ka na bang nagsabi niyan? Pero alam mo ba na ang Bibliya mismo ang makapagbibigay ng interpretasyon sa mga talata nito? Ang nakapalibot na mga talata ay makatutulong para maintindihan ang kahulugan ng isang pangungusap sa Bibliya. Pero kung hindi pa rin malinaw, ito ang puwedeng gawin: Ikumpara ang pangungusap na iyon sa iba pang talata ng Bibliya tungkol sa gayon ding paksa. Sa ganitong paraan, nagpapagabay tayo sa Bibliya, hindi sa sarili nating unawa.
Kunin nating halimbawa ang turo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. Nasa ibaba ang anim na talata mula sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Pansinin kung paanong nagkakatugma-tugma ang mga ito.
- “Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan.”—Awit 115:17. *
- “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.”—Awit 146:3, 4.
- “Nalalaman ng mga buháy, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay.”—Eclesiastes 9:5.
- “Hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan! . . . Ang buháy, ang buháy, siya’y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito.”—Isaias 38:18, 19.
- “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
- Tungkol sa kaibigan niyang si Lazaro na kamamatay lang, sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni’t ako’y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya’y natutulog, . . . siya’y gagaling. . . . Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.”—Juan 11:11-14.
Napansin mo bang magkakaayon ang mga talatang ito? Oo, salungat sa paniwala ng karamihan, itinuturo ng Bibliya na ang patay ay talagang patay na. Hindi sila buháy sa langit o sa iba pang dako. Sa halip, sila’y parang natutulog nang napakahimbing at walang anumang nalalaman. Kaya hindi na sila maaaring pumuri sa Diyos ni mag-isip pa nga. *
Ito ang punto: Kapag pinag-aralan natin ang Bibliya ayon sa paksa, nagiging malinaw ang mga pangunahing turo nito. Siyempre pa, ang pamamaraang ito, na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova, ay nangangailangan ng sikap at tiyaga. (Kawikaan 2:1-5) Pero sulit naman ito!
^ par. 5 Ang mga teksto ay kinuha sa Ang Biblia, na inilathala ng Philippine Bible Society.
^ par. 11 Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay ‘gigisingin,’ o bubuhaying muli, sa Kaniyang takdang panahon.—Tingnan ang Job 14:14, 15; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.