Umasa sa Tulong ng Diyos
“Nang iwan kaming mag-iina ng aking asawa, nanalangin ako sa Diyos na tulungan kami. Dininig niya ako. Hindi kami nagkulang ng anuman. Tinulungan niya kami at pinatnubayan.”—MAKI, JAPAN.
SA PANAHON ngayon na materyalistiko ang maraming tao, kakaunti na ang umaasa sa Diyos. Pero interesado sa atin ang Maylalang at gusto niyang maging maligaya tayo. Ganiyan mismo ang sinabi niya sa Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. . . . Talagang tutulungan kita.”
Tinalakay sa naunang artikulo kung paano tayo tinutulungan ng Diyos sa pamamagitan ng mabubuting pamantayan na nasa Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Pero hindi lang basta nagbibigay ng patnubay ang Bibliya. Itinuturo din nito ang kahanga-hangang personalidad ng Diyos at ang pag-ibig niya sa atin. Kaya napatunayan ng maraming Kristiyanong magulang—nagsosolo man o hindi—na sa pagsunod sa mga payo ng Bibliya, nararanasan natin mismo ang kabutihan ng Diyos.
Robert, Austria: “Ang Diyos na Jehova ay mas mahusay na ama o ina kaysa sa sinumang magulang. Alam niya ang kailangan ng ating mga anak, at alam niya kung paano sila poprotektahan. Kaya lagi akong nananalangin sa kaniya kasama ng anak kong babae.”
Ayusa, Japan: “Tuwang-tuwa akong makita na nagtitiwala kay Jehova ang anak kong lalaki kapag sinasabi niyang, ‘Tutulungan po tayo ni Jehova, magiging ayos din ang lahat.’”
Cristina, Italy: “Kapag parang hindi ko kayang ayusin ang isang problema, nananalangin ako kay Jehova at ipinauubaya ito sa kaniya. Agad akong mapapanatag dahil alam kong malulutas ang problema sa pinakamahusay na paraan.”
Laurentine, France: “Masasabi kong pinagpapala ako ni Jehova bilang nagsosolong magulang. Talagang tumutulong siya sa mga napipighati at sa mga walang ama o ina.”
Keiko, Japan: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi. Nais niyang ipakita ang kaniyang malasakit sa lahat ng pamilya, kumpleto man ang magulang o hindi.”—Gawa 10:34.
Ang habag at malasakit ng Diyos sa atin ay makikita sa pananalita ni Jesu-Kristo: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo . . . , sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28-30) Talagang nais ni Jesus at ng kaniyang Ama sa langit, ang Diyos na Jehova, na makadama tayo ng kaginhawahan sa ilalim ng kanilang maibiging pangangalaga. Mababasa sa Awit 34:8: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” Oo, gusto ng Diyos na mapatunayan mo mismo na mabisa ang mga payo niya, at na hangad niya ang pinakamabuti para sa iyo. Tatanggapin mo ba ang kaniyang maibiging paanyaya?