Maging Mahusay sa Pakikipagtalastasan
“Natutuhan kong makinig, makinig, makinig, kahit pagód na pagód ako.”—MIRANDA, SOUTH AFRICA.
Ang hamon.
“Ang hamon sa akin,” ang sabi ni Cristina, “ay hindi lang y’ong makasama ang anak ko kundi pati na rin kung paano ko siya mabibigyan ng atensiyon sa dami ng gawain ko at siyempre, sa pagod na rin.”
Mga mungkahi.
Ipadama sa iyong mga anak na handa kang makipag-usap. “Sinisikap kong magpakita ng mabuting halimbawa,” ang sabi ni Elizabeth, na may limang anak, “kaya naman sinasabi sa akin ng mga anak ko ang niloloob nila. Sinasabihan ko rin sila na parating mag-uusap at huwag matutulog nang may galit sa kapatid nila. Alam din nila na ayokong hindi sila nagkikibuan.”
Huwag bale-walain ang sinasabi ng iyong mga anak. “Noong maliit pa ang anak ko,” ang sabi ni Lyanne, “napakadaldal niya kaya madalas na hindi ko siya pinapansin. Maling-mali pala ako. Nang magtin-edyer na siya, ayaw na niyang makipag-usap. Palagi ko siyang pinipilit na makipag-usap sa akin. Inilapit ko ito sa isang elder sa aming kongregasyon. Pinayuhan niya akong maghinay-hinay at huwag biglain ang aking anak. Sinunod ko ang payo niya, at unti-unting gumanda ang sitwasyon.”
Maging matiyaga. May “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita,” ang sabi sa Eclesiastes 3:7. “Kapag ayaw makipag-usap ng mga anak ko,” ang sabi ni Dulce, na may tatlong anak, “ipinaaalam ko sa kanila na nandoon lang ako kapag gusto na nilang makipag-usap.” Oo, sa halip na pilitin sila, matiyaga mo silang himuking makipag-usap sa iyo. Iyan ang payo ng Bibliya. “Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao ngunit ito’y matatarok ng isang matalino.”—Kawikaan 20:5, Magandang Balita Biblia.
Maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Si Lizaan, na sinipi sa naunang artikulo, ay nagsabi: “Natutuhan kong pigilan ang dila ko kapag may inilapit na problema ang mga anak ko. Natutuhan ko rin na huwag agad magpayo kundi magsalita nang mahinahon kapag may malulubhang problema.” Si Leasa, isang ina na may dalawang anak na lalaki, ay sumulat: “Dati, hindi ako mahusay sa pakikinig. May mga pagkakataon na parang maliit na bagay lang ang tingin ko sa problema ng mga anak ko, kaya kinailangan kong maging mas maunawain.”
“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob.” (Colosas 4:6) “Para hindi masira ang komunikasyon sa pagitan namin,” ang sabi ni Lyanne, “sinikap kong laging maging kalmado at mahinahon hangga’t maaari, kahit seryoso ang problema.”
Kung hindi mo sisikaping manatiling kalmado, baka hindi ka makapagtimpi at manigaw ka, na lalo lang magpapalala ng sitwasyon. (Efeso 4:31) Halimbawa, kung sisigawan mo ang anak mo, baka hindi na siya makipag-usap sa iyo at lumikha iyan ng mas maraming problema. “Ang bata ay parang shell,” ang sabi ni Heidi, na may tin-edyer na anak na babae. “Kapag kinakausap mo siya nang maayos at mabait, sasabihin niya ang nadarama niya. Kung sisigawan mo siya at lalaitin, ang ‘shell’ ay sasara at titigil ang komunikasyon. Para maalala ko iyan, meron akong picture ng nakabukas na shell sa pinto ng refrigerator namin.”
Kilalanin ang iyong mga anak. “Magkaiba ang dalawa kong anak na lalaki,” ang sabi ni Yasmin, na sinipi sa unang artikulo. “Ang isa ay madaldal; ang isa naman ay tahimik. Do’n sa tahimik, nakita kong mas mabuti na huwag siyang direktang komprontahin. Sa halip, kinakausap ko siya kapag may iba kaming ginagawa, halimbawa’y naglalaro ng board game, o habang may ikinukuwento siya. Sa gayong sitwasyon, mataktika ko siyang tinatanong kung ano ang palagay niya tungkol sa isang bagay.”
Paano kung naaasiwa ang isang kabataang lalaki na ipakipag-usap sa kaniyang ina ang ilang personal na bagay, gaya ng nadama ng tin-edyer na anak ni Misao. “Hindi n’yo ’ko naiintindihan,” ang sabi nito. Humingi ng tulong si Misao sa isang may-gulang at mapagkakatiwalaang brother sa kanilang kongregasyon. “Siya ang naging tagapayo ng anak ko, kaya okey na ang anak ko ngayon,” ang sabi ni Misao.
Huwag pagsamahin ang papel ng magulang at papel ng kaibigan. “Lagi kong inihihinga sa anak kong babae ang niloloob ko,” ang sabi ni Iwona, isang ina na may dalawang anak. “Alam kong mali iyon, pero nasanay na akong gano’n at kinailangan kong ituwid ang pagkakamali ko.” Bagaman gusto mong maging malapít sa anak mo, tandaan na ikaw ang magulang, ang awtoridad sa tahanan. Kapag ipinakikita mong ikaw ay kagalang-galang, may-gulang, at matatag, mas madali sa iyong mga anak na irespeto ka at sundin ang utos ng Bibliya: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.”—Efeso 6:1, 2.
“Ibigin ang [iyong] mga anak.” (Tito 2:4) Kailangan ng iyong mga anak ang pagmamahal kung paanong kailangan din nila ang pagkain at inumin! Kaya palaging ipadama sa kanila ang iyong pagmamahal—sa salita at sa gawa! Sa gayon, mas magiging panatag sila at mas handang makipag-usap at sumunod sa iyo.