Magtakda ng Tamang Priyoridad
“Lagi akong pagód—sa kaiisip kung paano ko hahatiin ang panahon ko sa trabaho, pagpapalaki sa mga anak, espirituwal na rutin, mga gawaing-bahay, at pagpapahinga.”—YOKO, JAPAN.
Ang hamon.
“Ang pinakamalaking hamon sa akin,” ang sabi ni Miranda, isang inang may dalawang anak na lalaki, “ay maging ina na kailangang magtrabaho at maglaan ng lahat ng pangangailangan ng pamilya—sa pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal—nang walang katuwang na asawa.”
Mga mungkahi.
Isipin kung anu-ano talaga ang mahalaga sa iyo at sa iyong mga anak, at gawing priyoridad ang mga ito.
Magpokus sa inyong mga priyoridad, at dito gamitin ang inyong panahon at pera. Halimbawa, mahalaga ang kalusugan ng mga anak mo, kaya gamitin ang iyong perang pinagpaguran sa pagbili ng masusustansiyang pagkain. Mas mabuti iyan kaysa gastusin mo iyon sa pagpapagamot. Bago ka mamili, ilista na ang mga bibilhin mo para hindi ka bumili ng kung anu-ano. “Mahilig akong magluto,” ang sabi ni Roberto, na nakatira sa Estados Unidos kasama ng apat niyang anak. Ang sabi pa niya: “Natuto akong magpokus sa mga kailangan—hindi sa gusto lang—at hindi basta kailangan kundi sa talagang kailangan namin sa bawat araw.”
Gamitin ang iyong perang pinagpaguran sa pagbili ng masusustansiyang pagkain. Mas mabuti iyan kaysa gastusin mo iyon sa pagpapagamot
Idispatsa ang mga bagay na hindi na ninyo ginagamit—mga libro, damit, gadyet. Ang sabi nga ng isang nagsosolong ina: “Miyentras mas maraming gamit, mas nakaka-stress. Mas marami ka kasing gamit na lilinisin, iingatan, at aayusin. Kung gusto mong pasimplehin ang buhay ninyo, bawasan ang inyong mga abubot.”
Turuan ang iyong mga anak na iligpit ang kanilang mga gamit gabi-gabi. Huwag hayaang makalat ang inyong bahay. Ang gayong pagsasanay ay tutulong sa iyong mga anak na maging maayos sa kanilang kuwarto at maging sa bahay. Siyempre pa, para pakinggan ka nila, kailangan mong magpakita ng mabuting halimbawa.
Kahit napaka-busy mo, kailangan mong maglaan ng panahon sa iyong mga anak—hindi lang ilang oras na sinasabing quality time kundi lahat ng panahong puwede mong ibigay sa kanila. Kailangan nila ang iyong panahon at atensiyon.—Deuteronomio 6:7.
Sabay-sabay na kumain kahit isang beses lang sa maghapon, at gawing kasiya-siya ang panahong iyon. Sinabi ni Colette, isang ina na may tatlong anak: “Napagkasunduan namin na tuwing hapunan, sabay-sabay kaming kakain dahil nasa bahay kaming lahat sa mga oras na iyon. Ito ang panahon namin para magkuwentuhan at magpatibayan. Hanggang ngayon, ang hapunan ay espesyal na panahon pa rin para sa aming pamilya.”