Humingi ng Tulong
“May mabubuting kaibigan kami sa aming kongregasyon. Mapagmahal sila at matulungin. Para silang mga tunay na kapamilya.”—LIZAAN, ISANG INA NA MAY DALAWANG ANAK NA TIN-EDYER.
Ang hamon.
“Ang pinakamalaking hamon sa akin,” ang sabi ni Alina, na may dalawang maliliit na anak na lalaki, “ay y’ong pagod at y’ong kulang na kulang ang panahon ko.” Ang sitwasyon ni Alina ay karaniwan na sa mga nagsosolong ina. Kaya naman marami sa mga nagsosolong magulang ang nagpapatulong sa iba—sa mga taong hindi sila mahihiyang hingan ng tulong.
Mga mungkahi.
Humingi ng tulong sa mapagkakatiwalaang mga kamag-anak at kaibigan. Gumawa ng listahan ng mga taong mahihingan mo ng tulong, ito man ay para sa pag-aalaga ng iyong anak, transportasyon, pagmamantini ng bahay, o emosyonal na suporta. At regular na i-update ang listahan mo. Alamin din kung ano ang maitutulong sa iyo ng mga ahensiya ng gobyerno at ng mga pribadong ahensiya na nagkakawanggawa.
Si Renata, na isang Saksi ni Jehova, ay tinulungan ng mga kapuwa niya Saksi. “Lagi silang handang tumulong sa akin,” ang sabi niya. “Nang matrangkaso ako at ang dalawa kong anak na babae na parehong siyam na taon, hindi ako makapagluto. Nang mabalitaan ito ng mga kakongregasyon namin, may pumupunta sa amin araw-araw para magdala ng pagkain.” Ang gayong kabaitan ay nagpapaalala sa sinasabi ng Bibliya sa 1 Juan 3:18: “Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”
Puwede ka bang tulungan ng dati mong asawa? Kung ang isa pang magulang, kadalasa’y ang ama, ay may karapatang makasama ang mga anak, responsable, at handa namang tumulong, puwede kang magpatulong sa kaniya. Tutal, kailangan ding makasama ng mga bata ang kanilang ama. *
Turuan ang iyong mga anak na tumulong. Kapag binibigyan mo ang iyong mga anak ng mga gawaing angkop sa edad nila, tinutulungan mo ang iyong sarili at pati na sila. Ang pagtatrabaho ay nakatutulong sa iyong mga anak na maging responsable, at kung mahusay silang magtrabaho, malaking tulong ito kapag adulto na sila.
^ par. 6 Dapat ikapit ng mga Kristiyanong magulang ang mga simulain ng Bibliya hangga’t maaari kung ipinahihintulot ng mga kalagayan at isipin ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Dapat ding igalang ang desisyon ng korte.