Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Mo Bang Ipagyabang ang Iyong mga Pag-aari?
“Magsuot lang ng branded na jeans o anumang branded na gamit, ang taong walang kumpiyansa ay puwedeng magpantasyang ‘Hindi ako basta-basta, at kung duda ka, tingnan mo ang brand ng suot ko!’”—Chaytor D. Mason, sikologo.
PARA hangaan ng iba, ipinagyayabang ng ilan ang kanilang mga branded na damit o iba pang mamahaling pag-aari. Sa isang bansa sa Asia, “gustung-gusto ng mga kamakailan lang yumaman ang mga luho—imported na handbag mula sa France, sports car mula sa Italy—at gustung-gusto nilang magyabang [ng kanilang kayamanan],” ang sabi ng artikulo sa The Washington Post.
Hindi naman masama na mag-enjoy ka sa perang pinaghirapan mo. Ang sabi ng Bibliya: “Ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Eclesiastes 3:13) Pero tama bang ipagyabang, o idispley, ang ating mga pag-aari? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
“Ang Mayayaman ay Maraming Kaibigan”
Kapag ipinagyayabang ng mayayaman o ng mga nagkukunwaring mayaman ang kanilang pag-aari, anong uri ng mga kaibigan ang naaakit nila? Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa likas na ugali ng tao: “Ang mga dukha’y iniiwasan, pati ng mga kapitbahay, ngunit ang mayayaman ay maraming kaibigan.”—Kawikaan 14:20, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Kaya naman ang “maraming kaibigan” ng mayayaman ay kaibigan ng kanilang kayamanan, at hindi nila mismo. Ang kanilang pagkakaibigan ay salig sa pansariling interes, pati ang kanilang pagbobolahan. Tinatawag ng Bibliya ang gayong pambobola na ‘balatkayo para sa kaimbutan,’ o kasakiman.—1 Tesalonica 2:5.
Kaya tanungin ang sarili, ‘Anong klaseng mga kaibigan ang gusto ko? Mga kaibigang mahal ako dahil sa aking mga pag-aari o mga tunay na kaibigang mahal ako dahil sa magaganda kong katangian?’ Ipinakikita ng Bibliya na maaaring depende sa ikinikilos natin kung sino ang gustong makipagkaibigan sa atin.
“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
Ang isa pang problema sa pagyayabang ng kayamanan ay makikita sa ulat ng Bibliya tungkol kay Haring Hezekias, na nabuhay sa sinaunang Jerusalem. Minsan, ipinakita ni Hezekias sa mga dignitaryong Babilonyo “ang lahat ng masusumpungan sa kaniyang kabang-yaman.” Tiyak na humanga ang mga ito sa dami ng kayamanan niya. Pero maaaring nakadama rin sila ng kasakiman anupat hinangad na makuha iyon. Pagkaalis nila, buong-tapang na sinabi ni propeta Isaias kay Hezekias na darating ang araw na lahat ng kayamanan niya ay “dadalhin nga sa Babilonya.” Walang anumang matitira. At iyon nga ang nangyari! Paglipas ng ilang taon, bumalik ang mga Babilonyo at hinakot ang lahat ng kayamanan ng pamilya ni Hezekias.—2 Hari 20:12-17; 24:12, 13.
Sa ngayon, kung ipagyayabang ng isa ang kaniyang mga pag-aari, posible ring maiwala niya ang mga ito, o ang ilan dito. Ayon sa isang ulat tungkol sa krimen at kaligtasan sa Mexico: “Ang pagyayabang ng kayamanan ay nakaaakit sa mga magnanakaw sa Mexico City. Takaw-pansin ang pagsusuot ng mamahaling alahas, relo, at ang pagpapakita ng maraming pera.” Mas mabuting sundin ang payo ng Bibliya na huwag “ipagyabang” ng isa ang kaniyang kayamanan. (Jeremias 9:23) “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin (o, mababang-loob),” ang sabi sa Kawikaan 11:2.
Tingnan ang Magagandang Katangian ng Iba
Sa halip na maging mapagmataas, ang mababang-loob na tao ay nagpapahalaga sa magagandang katangian at kakayahan ng iba. Sinasabi sa Filipos 2:3: “Huwag kayong padala sa pagtatalo o kayabangan, kundi maging mapagpakumbaba nawa ang bawat isa at ipalagay ang iba na mahalaga pa kaysa sarili.” (Biblia ng Sambayanang Pilipino) Mababasa naman sa Galacia 5:26: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.”
Gusto mo ba ng mga kaibigang mahal ka dahil sa iyong mga pag-aari o mga kaibigang mahal ka dahil sa magaganda mong katangian?
Gayundin, alam ng mga taong may makadiyos na karunungan na ang pagiging di-makasarili at paggalang sa isa’t isa ang pundasyon ng tunay na pagkakaibigan, at hindi ito nasisira kahit mawala ang kayamanan ng isa. Sa halip, lalo itong tumitibay sa paglipas ng panahon. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon,” ang sabi sa Kawikaan 17:17. Higit sa lahat, sinisikap ng isang matalinong tao na mapaluguran ang Diyos. Alam niyang hindi tumitingin ang Diyos sa panlabas na anyo ng isa kundi sa “lihim na pagkatao ng puso”—sa ating tunay na pagkatao. (1 Pedro 3:4) Kaya sinisikap niyang linangin ang magagandang katangian na tinatawag sa Bibliya na “bagong personalidad.” (Efeso 4:24) Ang ilan dito ay binabanggit sa Mikas 6:8: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”
Sa ngayon, ang kahinhinan, o kababaang-loob, ay hindi na pinahahalagahan, at hindi na ito ipinagtataka ng mga nag-aaral ng Bibliya. Bakit? Nang talakayin ng Bibliya ang “mga huling araw,” inihula nito na ang karamihan ay magiging “sakim, palalo, mayabang, . . . at mapagmataas.” (2 Timoteo 3:1-5, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Sa ganiyang kapaligiran nababagay ang mga nagyayabang ng kanilang mga pag-aari. Pero hinihimok tayo ng Diyos na ‘layuan ang ganitong mga tao’ para hindi tayo mahawa sa kanila.