Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Interesado

Maging Interesado

Para maging interesado ka sa anumang gawain, kailangan mong makita ang kahalagahan nito.

ANO ang praktikal na kahalagahan ng pag-aaral sa iskul? Makatutulong ito para magkaroon ka ng karunungan, at ayon sa Bibliya, “ang karunungan ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Paano? Ipaghalimbawang maglalakad ka sa isang mapanganib na lugar. Ano ang pipiliin mo​—maglakad na nag-iisa o maglakad na kasama ang mga kaibigan mo na mapoprotektahan ka kung kinakailangan? Ang mabuting edukasyon ay tutulong sa iyo na magkaroon ng mahuhusay na “kaibigan” na palaging nasa tabi mo. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Kakayahang mag-isip. Ang pag-aaral ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng tinatawag sa Bibliya na “sentido-kumon at matinong pagpapasiya.” (Kawikaan 3:21, Contemporary English Version) Kung taglay mo ang mga kakayahang ito, malulutas mo ang sarili mong mga problema sa halip na laging humingi ng tulong sa iba.
  • Kakayahang makibagay. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na linangin ang mga katangiang gaya ng mahabang pagtitiis at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Dahil sari-saring tao ang nakakasalamuha mo sa iskul, marami kang pagkakataon na ipakita ang mga katangiang iyan, kasama na ang pagpaparaya, paggalang, at empatiya​—mga katangiang mapapakinabangan mo hanggang sa maging adulto ka.
  • Praktikal na kasanayan. Matututuhan mo sa iskul ang kahalagahan ng dedikasyon sa trabaho, na tutulong sa iyo na makakuha ng trabaho sa hinaharap at mapanatili ito. At miyentras mas lumalawak ang kaalaman mo, mas makikilala mo ang sarili mo at malalaman kung ano ang pinakamahalaga sa iyo. (Kawikaan 14:15) Sa gayon, makapaninindigan ka sa iyong mga paniniwala sa magalang na paraan.​—1 Pedro 3:15.

Mahalagang tandaan: Dahil kailangan mo ng edukasyon, hindi makatutulong ang pagpopokus sa mga bagay na inaayawan mo sa pag-aaral. Sa halip, isipin ang mga pakinabang na binanggit sa itaas. Baka nga may maisip ka pang ibang pakinabang!

Simulan mo na ngayon! Isipin ang pinakamalaking pakinabang na gusto mong makuha sa pag-aaral.