Ingatan ang Kalusugan
Kung iingatan mo ang kalusugan mo, makatutulong ito para maging mas mahusay ka sa mga gawain sa iskul—at mas masigla pa.
MAKATUWIRAN lang na ingatan mo ang katawan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. (Awit 139:14) Ipaghalimbawang may kotse ka, pero hindi mo naman ito minamantini. Di-magtatagal at masisira ito. Puwede ring mangyari iyan sa katawan mo. Ano ang kailangan ng katawan mo para manatili itong malusog?
Pahinga.
Kung kulang ka sa tulog, magmumukha kang pagód, manlalambot, matutuliro, at made-depress pa nga. Pero kung sapat ang tulog mo, magiging masigla ka. Bibilis din ang paglaki mo, huhusay ang paggana ng utak mo, lalakas ang immune system mo, at magiging mas masayahin ka. Makukuha mo ang lahat ng iyan nang walang kahirap-hirap—matulog ka lang!
Tip: Kung posible, gawing regular ang oras ng pagtulog mo sa gabi.
Nutrisyon.
Mabilis lumaki ang mga tin-edyer. Halimbawa, sa pagitan ng edad 10 at 17, nadodoble ang timbang ng karamihan sa mga lalaki. Bigla rin ang paglaki ng mga kabataang babae. Habang lumalaki ang katawan, kailangan nito ng masustansiya at nakapagpapalakas na pagkain. Tiyakin na naibibigay mo sa iyong katawan ang kailangan nitong nutrisyon.
Tip: Laging mag-agahan. Kung kakain ka bago pumasok sa iskul, makatutulong ito para humusay ang iyong konsentrasyon at memorya.
Ehersisyo.
Sinasabi ng Bibliya na “ang ehersisyo ay mabuti sa iyong katawan.” (1 Timoteo 4:8, Contemporary English Version) Ito ay nagpapatibay ng mga kalamnan at buto, nagpapasigla, kumokontrol ng timbang, nagpapatalas ng isip, nagpapalakas ng immune system, nakakabawas ng stress, at nagpapaganda ng mood. At siyempre, enjoy rin itong gawin, dahil puwede mong gawin ang ehersisyong gusto mo!
Mahalagang tandaan: Ang sapat na pahinga, tamang nutrisyon, at katamtamang ehersisyo ay tutulong sa iyo na maingatan ang iyong kalusugan. At kung malusog ka, tutulong ito para maging mas mahusay kang estudyante. *
Simulan mo na ngayon! Magkaroon ng makatuwirang iskedyul sa pag-eehersisyo. Irekord ang mga oras ng tulog mo pati ang mga kinakain mo sa loob ng isang buwan, at tingnan kung may kailangan kang baguhin.
“Kapag nagwo-walking ako, pakiramdam ko’y mas sumisigla ako—kahit nga pagód ako nang simulan ko ito.”—Jason, New Zealand.
“Ang katuwiran ko, ginawa ng Diyos ang pagkain para magpalusog sa ating katawan, at gusto ko na puro masusustansiya ang pumasok sa katawan ko!”—Jill, Estados Unidos.
“Nagdya-jogging ako nang tatlong beses sa isang linggo, at nagbibisikleta ako o naglalakad nang dalawang beses sa isang linggo. Kapag nag-eehersisyo ako, mas sumisigla ako at nawawala ang stress ko.”—Grace, Australia.
^ par. 9 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kalusugan, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.