Ang Pangmalas ng Bibliya
Nakaaapekto ba sa Buhay Mo ang mga Bituin?
Mahal kaya niya ako?
Magbibiyahe ba ako ngayon?
Matatanggap ba ako sa trabaho?
PARA masagot ang mga tanong na gaya ng nasa itaas, marami ang bumabaling sa astrolohiya. * Pero talaga bang nakaaapekto sa buhay mo ang mga bituin? Makatutulong ba ang mga ito para malaman mo ang iyong kinabukasan o mas makilala ang sarili mo? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Makaiimpluwensiya ba ang mga Bituin sa Ating Kinabukasan?
Naniniwala ang ilan na hindi natin matatakasan ang ating kapalaran. Sinasabi nila na nakatadhana na ang kinabukasan natin, at maisisiwalat ito ng mga bituin. Pero iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Sinasabi nito na binibigyan ng Diyos ang tao ng mapagpipilian, na nagpapakitang nakasalalay nang malaki sa kanila ang kahihinatnan nila. Halimbawa, sinabi niya sa mga Israelita: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling.”—Deuteronomio 30:19.
Sa pananalitang iyan, nilinaw ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan na nakadepende nang malaki sa kanila ang kinabukasan nila. Kung susundin nila ang mga utos niya, pagpapalain sila. Kung sila’y susuway, magdurusa sila.
Pag-isipan ito: Kung ang kinabukasan ng bawat Israelita ay nakasulat na sa mga bituin, makatuwiran bang himukin sila ng Diyos na piliin ang buhay? Makatuwiran bang papanagutin sila ng Diyos sa mga pagkilos na hindi naman pala nila kontrolado?
Malinaw ang sinasabi ng Bibliya: Ang mga nangyayari sa buhay natin ay nakadepende sa mga pasiyang ginagawa natin—hindi sa mga bituin.—Galacia 6:7.
Naiimpluwensiyahan ba ng mga Bituin ang Ating Personalidad?
Karamihan sa mga astrologo ay nagsasabing hindi sila naniniwala sa tadhana. “Tayo ang kumokontrol sa ating kahihinatnan,” ang sabi ng isang astrologo, pero sinabi rin niya: “Gayunman, ang oras ng ating pagsilang ay may impluwensiya sa magiging personalidad natin.” Ganiyan din ang paniniwala ng marami. Iniisip nila na kung may pisikal na impluwensiya sa lupa ang mga bituin at mga planeta, mayroon din itong metapisikal na epekto. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Ang Bibliya ay hindi isang aklat sa siyensiya na naglalahad ng bawat detalye tungkol sa katawan ng tao at sa uniberso. Pero ipinaliliwanag nito ang layunin ni Jehova sa paglalang ng mga bagay sa kalangitan. Binabanggit sa Genesis 1:14, 15: “Sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa kalangitan upang paghiwalayin ang araw at ang gabi at upang magsilbing tanda ng mga kapanahunan . . . Inuutusan ko silang suminag sa lupa.’”—Contemporary English Version.
Pag-isipan ito: Kung ginawa ng Diyos ang mga bituin para makaimpluwensiya sa ating personalidad, hindi ba’t sasabihin niya iyon sa atin?
Kaya ano ang ating konklusyon? Na ang mga bituin ay nilalang ng Diyos pero walang impluwensiya ang mga ito sa ating personalidad.
Mapananaligang Patnubay
Angkop lang na naisin nating alamin ang ating kinabukasan o maunawaan ang ating sarili. Pero may mas mapananaligang patnubay kaysa sa mga bituin.
Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang “Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula.” (Isaias 46:10) Mayroon siyang layunin, na talagang tutuparin niya. (Isaias 55:10, 11) Malalaman natin iyon kung magbabasa tayo ng Bibliya. Ipinaliliwanag din nito kung bakit tayo nagdurusa at kung paano wawakasan ng Diyos ang mga kalagayang nagpapahirap sa atin. *—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Ang Bibliya ang pinakamahusay na patnubay para makilala natin ang ating sarili at mapasulong ang ating personalidad. Bakit? Dahil ang pagbabasa nito ay tutulong sa atin na lubusang masuri ang ating sarili. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay “maawain,” “mabagal sa pagkagalit,” at “handang magpatawad.” (Exodo 34:6; Awit 86:5) Ganiyan din ba tayo? Matutulungan tayo ng Bibliya na makita ang ating maling kaisipan at ang mga dapat nating pasulungin.
Kaya hindi natin kailangang umasa sa mga bituin para malaman ang ating kinabukasan o makilala ang ating sarili. Mas mabuting sumangguni sa Bibliya, na “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2 Timoteo 3:16, 17.
^ par. 6 Ang astrolohiya ay ang pag-aaral tungkol sa araw, buwan, mga planeta, at mga bituin, dahil sa paniniwalang ang mga ito ay may impluwensiya sa atin at makatutulong para mas makilala natin ang ating sarili.
^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.