Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinaunang mga Iskolar sa Astronomiya

Sinaunang mga Iskolar sa Astronomiya

Sinaunang mga Iskolar sa Astronomiya

SA BUONG kasaysayan, ang mga tao ay namamangha habang pinagmamasdan ang araw, buwan, at mga bituin. Pinag-aaralan nila ang posisyon at galaw ng mga bagay na ito sa kalangitan at ginagamit itong basehan sa pagsukat ng haba ng mga araw, buwan, at taon.

Kabilang ang mga Arabe sa maraming tao na nagsuri sa kalangitan sa gabi. Nagsimulang sumulong ang siyensiya sa Gitnang Silangan noong ikasiyam na siglo C.E., at ang mga astronomong Arabe noong panahong iyon ay itinuring na mga eksperto sa astronomiya. Malaki ang naitulong nila sa pagsulong ng kahanga-hangang siyensiyang ito. Tingnan natin kung bakit.

Mga Payunir sa Astronomiya

Noong ikapito at ikawalong siglo C.E., lumaganap ang Islam pakanluran mula sa Arabia hanggang Hilagang Aprika at Espanya at pasilangan hanggang sa Afghanistan. Nagamit ng mga iskolar sa napakalawak na rehiyong ito ang mga kaalaman sa siyensiya ng Persia at Gresya, na may impluwensiya ng Babilonya at Ehipto.

Pagkatapos, noong ikasiyam na siglo, isinalin sa wikang Arabic ang mahahalagang akda sa siyensiya, kasama na ang mga akda ng Griegong astronomo na si Ptolemy. * Ang dinastiya ng mga Abbasid, na namahala mula sa Afghanistan hanggang sa Karagatang Atlantiko, ay kumuha ng mga Sanskrit na akda mula sa India, na punung-puno ng impormasyon tungkol sa matematika, astronomiya, at iba pang siyensiya.

Napakahalaga sa Islam ang kaalaman sa astronomiya. Bakit? Ang isang dahilan ay may kaugnayan sa kanilang pagsamba. Naniniwala ang mga Muslim na dapat silang humarap sa Mecca kapag nagdarasal, at natutukoy ng mga astronomo ang direksiyon ng Mecca mula sa anumang lokasyon. Pagsapit ng ika-13 siglo, may mga moske na umuupa ng propesyonal na astronomo, o muwaqqit, na tumutulong sa mga mananamba na malaman ang tamang oras ng pagdarasal. Gamit ang kanilang datos, natutukoy rin ng mga astronomo ang petsa ng relihiyosong mga okasyon at kaugalian, gaya ng pangingilin sa buwan ng Ramadan. Natutulungan din nila ang mga pilgrim na pupunta sa Mecca na malaman ang haba ng kanilang paglalakbay at maiplano ang pinakamabilis na ruta.

Pinansiyal na Tulong ng Gobyerno

Noong pasimula ng ikasiyam na siglo, ang pag-aaral ng astronomiya ay bahagi na ng edukasyon ng lahat ng iskolar sa Baghdad. Nagtayo roon si Caliph al-Ma’mūn ng isang obserbatoryo, at ng isa pa malapit sa Damasco. Ang kaniyang mga heograpo at matematiko ay nagsuri, naghambing, at nagtugma ng mga datos sa astronomiya mula sa Persia, India, at Gresya. May itinayo ring mga obserbatoryo sa iba pang lunsod sa Gitnang Silangan. *

Kahanga-hanga ang mga natuklasan ng mga iskolar sa mga obserbatoryong iyon. Halimbawa, noon pa mang 1031, sinasabi na ni Abu Rayhan al-Bīrūnī na posibleng ang orbit ng mga planeta ay biluhaba, hindi pabilog.

Pagsukat sa Lupa

Dahil sa paglaganap ng Islam, marami ang naging interesado sa nabigasyon at paggawa ng mapa. Sinikap ng mga kartograpo at heograpo na maging tumpak sa pagsukat, at kadalasan nang nagagawa nila ito. Para maging tumpak ang mga digri ng latitud sa mapa ng daigdig na ipinagagawa niya, si Caliph al-Ma’mūn ay nagpadala ng dalawang pangkat ng surveyor sa disyerto ng Sirya. Dala ang kanilang mga astrolabe, kahoy na panukat, at mga tali, ang dalawang pangkat ay naglakad sa magkabilang direksiyon hanggang sa maobserbahan nila na nagbago ng isang digri ang taas ng Bituing Hilaga. Ipinalagay nila na ang nilakbay na distansiya ay katumbas ng isang digri ng latitud, o 1/360 ng sirkumperensiya ng lupa. Nakalkula nila na ang sirkumperensiya nito salig sa mga polo ay 37,369 na kilometro​—napakalapit sa aktuwal na sukat na 40,008 kilometro!

Ang mga obserbatoryo sa Gitnang Silangan ay maraming kahanga-hanga at sopistikadong aparato​—mga astrolabe, quadrant, sextant, sundial, at iba pang instrumento na ginamit sa pag-aaral at pagsubaybay sa mga bagay sa kalangitan. Pagkálalakí ng ilan sa mga instrumentong ito. Ikinatuwiran ng mga gumawa nito na kung mas malaki ang instrumento, mas tumpak ito.

Ang Pamana ng Sinaunang mga Astronomo

Kahanga-hanga ang kontribusyon sa siyensiya ng mga astronomo noong Edad Medya. Pinangalanan nila at idinrowing ang mga konstelasyon, binigyan ng pangalan ang mga bituin, gumawa ng mas tumpak na mga kalendaryo, sinukat ang mga eklipse, at ginawang mas tumpak ang tsart ng galaw ng mga bagay sa kalangitan. Natutukoy nila ang posisyon ng araw, buwan, at limang nakikitang planeta sa anumang oras sa araw man o gabi​—na napakahalaga sa nabigasyon. Natutukoy rin nila kung anong oras na at nakagagawa sila ng kalendaryo batay sa posisyon ng mga bagay sa kalangitan.

Sa tulong ng mga teoriyang nabuo ng mga astronomong Arabe para ipaliwanag ang galaw ng mga planeta, halos nasolusyonan ang mga di-pagkakatugma sa modelo ng uniberso na ginawa ni Ptolemy. Kaya lang, hindi nila alam na ang araw, hindi ang lupa, ang nasa sentro ng orbit ng mga planeta. Sa kabila nito, nairekord nila nang tumpak ang galaw ng mga bituin, at ang mga natuklasan nila ay napakalaking tulong sa sumunod na mga henerasyon ng mga astronomo sa buong daigdig.

[Mga talababa]

^ Alam na noon ng mga Griego na bilog ang lupa. Ayon kasi sa obserbasyon nila, parang bumababa ang posisyon ng Bituing Hilaga sa kalangitan habang ang isa’y naglalakbay patimog.

^ Ang karamihan sa mga obserbatoryong iyon ay itinayo dahil interesado sa astrolohiya ang tagapamahala.

[Blurb sa pahina 17]

Inirekord ng mga astronomo ang galaw ng mga planeta sa maraming almanac na ginawa sa mga lupaing Muslim

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

SINAUNANG “POCKET COMPUTER”

Ang astrolabe, na nauna sa sextant, ay sinasabing “ang pinakamahalagang instrumento sa astronomiya bago naimbento ang teleskopyo.” Ginamit ito ng mga siyentipiko sa Gitnang Silangan noong Edad Medya para makalkula ang mga bagay-bagay may kinalaman sa panahon at sa posisyon ng mga bagay sa kalangitan.

Ang astrolabe ay may modelo ng kalangitan na nakaukit sa makinis na metal. Nasa pinakagilid ng instrumento ang mga digri, o kung minsa’y ang mga oras sa isang araw. Mayroon itong umiikot na kamay (alidade) na nagpapakita ng taas ng isang partikular na bituin habang hawak ito nang nakabitin. Binabasa ang tinapatang marka gaya ng pagbasa sa slide rule.

Maraming napaggamitan ang astrolabe. Nagamit ito sa pagtukoy sa mga bituin, pagkalkula sa oras ng pagsikat at paglubog ng araw, pag-alam sa direksiyon ng Mecca, pagsusurbey ng lupain, pagkalkula sa taas ng mga bagay, at sa paglalayag. Ito ang “pocket computer” noon.

[Mga larawan]

Isang astrolabe noong ika-13 siglo

Isang astrolabe quadrant noong ika-14 na siglo

[Credit Lines]

Astrolabe: Erich Lessing/Art Resource, NY; astrolabe quadrant: © New York Public Library/Photo Researchers, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Isang drowing noong ika-16 na siglo na naglalarawan sa mga astronomong Ottoman na gumagamit ng mga pamamaraang galing sa mga iskolar na Arabe

[Larawan sa pahina 18]

Globo ng kalangitan, 1285 C.E.

[Larawan sa pahina 18]

Mga pahina ng isang akdang Arabe tungkol sa mga konstelasyon, isinulat ng astronomong si ‘Abd al-Raḥmān al-Sufi, mga 965 C.E.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Pages 16 and 17: Art Resource, NY

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Manuscript: By permission of the British Library; globe: © The Bridgeman Art Library