Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Bago naimbento ang mga computer, halos imposible [para sa mga botaniko] na saliksikin ang lahat ng publikasyon bago pangalanan ang isang bagong species, kaya dumami ang mga pangalan na naulit lang.” Nadiskubre na ngayon na sa mga isang milyong pangalan na nakatala, ang mga 477,601 ay naulit lang.—SCIENCE, E.U.A.
“Anim na porsiyento lang ng mga Tsino ang nagsasabing maligaya sila.” Ang mga 39 na porsiyento ng nasurbey ay naniniwalang “ang pangunahing nagbibigay ng kaligayahan” ay “kayamanan.”—CHINA DAILY, CHINA.
“Ipinakita ng isang imbestigasyon . . . tungkol sa pagiging totoo ng mga estadistika ng krimen sa Russia na nagkaroon ng ‘lansakang palsipikasyon’ ng datos sa buong bansa.” Inakusahan ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na ‘pinagagaan nila ang tunay na sitwasyon ng krimen’ at pinasosobrahan ang bilang ng nalutas na krimen.—RIA NOVOSTI, RUSSIA.
“Isa sa bawat tatlong estudyante sa unibersidad sa kabisera ng Germany [Berlin] ang handang maging sex worker [kasama ang pagiging prostitute at sexy dancer] para matustusan ang pag-aaral nila.”—REUTERS NEWS SERVICE, GERMANY.
Pagpapaganda Bago Manganak
Dahil sa social media, nagbabago ang paraan ng mga babae ng pagbabalita na nanganak na sila. Kung telegrama ang ginagamit noon, ngayon ay “ikinakalat ng mga bagong ina ang masayang balita sa Internet,” ang sabi ng ABC, isang istasyon ng TV sa Amerika. Kadalasan, may kasama itong mga picture ng mag-ina pagkasilang ng sanggol. Dahil dito, ang mga babae sa ngayon na masyadong conscious sa hitsura nila ay nagpapaganda bago manganak, kasama rito ang pagpapa-facial, manicure, at pedicure. “Nagsasama pa nga ang iba ng hairdresser sa ospital,” ang sabi ng report. Bakit? Para maganda sila habang nanganganak, ang paliwanag ni Toni Golen, medical director ng labor and delivery ng Beth Israel Deaconess Medical Center sa Boston.
Laging Aktibo, Laging Malusog
Ang matagal na hindi pagkilos sa trabaho, paaralan, o sa harap ng TV ay nauugnay sa malulubhang sakit, ang sabi ng mga mananaliksik. Ayon sa Vancouver Sun, “kapag nakaupo ka, ang pagtatrabaho ng lipoprotein lipase, ang enzyme na tumutulong sa mga kalamnan na kunin ang taba mula sa dugo at tunawin ito, ay biglang bumabagal.” Sinabi ng pahayagang iyon na para manatiling malusog, “ang kailangan natin ay higit pa sa paminsan-minsang sesyon ng nakakahingal na ehersisyo” para sa puso. “Kailangan natin ang regular at patuluyang pagkilos, mula magaan hanggang katamtaman, para patuloy na gumana ang metabolismo.”