Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakaibang mga Nilalang sa Kagubatan ng Tasmania

Kakaibang mga Nilalang sa Kagubatan ng Tasmania

Kakaibang mga Nilalang sa Kagubatan ng Tasmania

SA ARAW, payapa at tahimik ang kagubatan. Pero sa gabi, umaalingawngaw rito ang matitinis na iyak at nakapangingilabot na mga ungal. Saan kaya galing iyon? Sa isang matapang na marsupial na may pangit na pangalan​—Tasmanian devil. Ang malalakas na hayop na ito ay tila napakabangis, lalo na kapag nag-aagawan sila sa bangkay ng hayop. Pero nagtatakutan lang naman sila.

Mabilis manimot ng bangkay sa kagubatan ang mga hayop na ito. Dahil sa kanilang malalakas na panga at matatalas na ngipin, kaya nilang lamunin ang halos lahat ng bangkay​—balat, buto, at lahat na. Sa katunayan, kayang kainin ng Tasmanian devil ang hanggang 40 porsiyento ng timbang nito sa loob lang ng kalahating oras​—maikukumpara iyan sa isang tao na kumain ng 25 kilong steak sa isang upuan!

Pero mas nakakatuwa ang maamong common wombat, isang hayop na mabilog at cute. Gaya ng ibang marsupial, ang mga babaing wombat ay may bulsa sa tiyan na pinaglalagyan nila ng sumususong anak. Pero di-gaya ng ibang marsupial, ang kanilang bulsa ay paharap sa puwitan, tiyak na para manatiling malinis ang kanilang anak habang naghuhukay sila ng lungga. Patuloy ring tumutubo ang kanilang mga ngipin​—na malaking tulong dahil ginagamit nila itong pangngatngat sa anumang sagabal sa paghuhukay. Kahit parang makupad silang tingnan, ang mga wombat ay maliksing mamulot at magsubo ng mga dahon gamit ang mga paa nila sa unahan.

Ang isa pang kakaibang nilalang ay ang platypus. Ang kakatwang hayop na ito ay may tuka at paa na gaya ng sa bibi, katawan at balahibo na gaya ng sa otter, at buntot na gaya ng sa beaver. Nangingitlog itong gaya ng manok, naghuhukay ng lungga na gaya ng wombat, at nagpapasusong gaya ng inahing oso. Kaya naman inakala ng unang siyentipikong nagsuri sa platypus na hindi ito totoo!

Bakit tayo natutuwa sa mga hayop na ito? Dahil nilikha sila ng ating Maylalang para magbigay sa atin ng kasiyahan. Sinasabi sa Bibliya na inutusan niya ang unang mag-asawa na ‘magkaroon ng kapamahalaan sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.’ (Genesis 1:28) Kapag pinagmamasdan natin ang gayong mga hayop sa kagubatan, hindi ba’t nagaganyak tayong lubos na gampanan ang atas na iyan?

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

SA LILIM NG MGA HIGANTE

Kung laki ang pag-uusapan, iilang nabubuhay na nilalang ang makatatalo sa dambuhalang mga puno ng Tasmania. Ang pinakamataas ay ang mountain ash (Eucalyptus regnans), mga punong namumulaklak na karaniwang tumataas nang hanggang 75 metro. Ang pinakamataas na ispesimen ay 99.6 na metro, mas mababa lang ng 16 na metro kaysa sa pinakamataas na puno sa daigdig, isang redwood sa California, E.U.A.

Ang isa pang puno sa kagubatan, ang Huon pine, ay kalahati lang ng taas ng karaniwang mountain ash, pero mas mahaba nang anim na beses ang buhay nito. Ayon sa tantiya ng ilang siyentipiko, maaari itong mabuhay nang mahigit 3,000 taon anupat isa ito sa mga puno na may pinakamahabang buhay. Ang “prinsipeng” ito ng mga kahoy sa Tasmania ay gustung-gusto ng mga gumagawa ng mga muwebles at bangka. Ang manilaw-nilaw na kahoy nito ay madaling putulin o hubugin at may langis na likas na preserbatibo at insect repellent. Ang ilang troso nito na nakuha sa kagubatan ay magagamit pa rin kahit daan-daang taon nang nakabuwal.

[Larawan sa pahina 10]

Tasmanian devil

[Credit Line]

© J & C Sohns/age fotostock

[Larawan sa pahina 11]

Common wombat

[Larawan sa pahina 11]

Platypus

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Wombat and platypus: Tourism Tasmania; giant tree: Tourism Tasmania and George Apostolidis