Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Dapat Dumalo sa mga Kristiyanong Pagpupulong?

Bakit Dapat Dumalo sa mga Kristiyanong Pagpupulong?

NAG-E-ENJOY KA BA SA MGA PULONG?

OO → IPAGPATULOY MO LANG

HINDI → ANO ANG PUWEDE MONG GAWIN?

SINASABI sa Bibliya na dapat magtipon ang mga Kristiyano para sa pagsamba. (Hebreo 10:25) Pero paano kung hindi ka talaga nag-e-enjoy doon? Paano kung ang isip mo ay nasa ibang lugar​—kahit saan huwag lang sa pulong? Subukan ang isa o higit pa sa mga sumusunod na mungkahi.

1. DUMALO NANG REGULAR

Sabi ng Bibliya: “Huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan.”​—Hebreo 10:25, Magandang Balita Biblia.

Bakit ka dapat dumalo nang regular sa pulong kahit parang hindi ka naman nag-e-enjoy doon? Dahil iyon ang kailangan mong gawin para ma-enjoy mo ang pulong! Parang ganito iyon: Paano ka magiging magaling sa isang isport​—at paano mo iyon mae-enjoy​—kung paminsan-minsan ka lang magpraktis? Ganiyan din pagdating sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kung mas madalas kang dadalo, mas huhusay ang espirituwalidad mo. At iyan naman ang magpapakilos sa iyo na palaging dumalo!​—Mateo 5:3.

Tip: Pagkatapos ng pulong, sabihin kahit sa isa man lang sa mga nagkabahagi kung ano ang nagustuhan mo sa bahagi niya. Isulat din sa isang notbuk ang isang bagay na natutuhan mo sa pulong. At dahil karamihan sa mga tinatalakay sa pulong ay tungkol sa ministeryong Kristiyano, gawin mong tunguhin na pasulungin ang kakayahan mong magpaliwanag tungkol sa iyong paniniwala. Makatutulong ito para mas mapahalagahan mo ang impormasyong ibinibigay sa mga pulong.

“Maliit pa ako, sinanay na akong dumalo nang regular sa mga pulong. Kaya kahit bata pa ako, hindi ko man lang naisip na umabsent sa pulong. Iyan pa rin ang saloobin ko hanggang ngayon.”​—Kelsey.

Tandaan: Ang mga regular na dumadalo ay mas nag-e-enjoy sa mga pulong​—at mas nakikinabang!

2. MAKINIG NA MABUTI

Sabi ng Bibliya: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.”​—Lucas 8:18.

Ayon sa mga mananaliksik, bago matapos ang araw, nalilimutan na ng karaniwang tagapakinig ang mga 60 porsiyento ng napakinggan niya. Kung ganiyan kabilis maglaho ang pera mo, hindi ba’t gagawa ka ng paraan para hindi iyon mawala sa iyo?

Tip: Umupong katabi ng mga magulang mo sa bandang unahan, kung saan mas kakaunti ang panggambala. Kumuha ng nota. Makatutulong ito sa iyo na magpokus sa may bahagi​—at magagamit mo pa iyon sa pagrerepaso.

“Dati, hiráp akong mag-concentrate sa pulong, pero hindi na ngayon. Iniisip ko palagi kung bakit ako nando’n. Hindi lang ’yon basta ritwal, gaya ng pagsisimba. Dumadalo ako para sumamba at matuto ng mga bagay na maikakapit ko sa buhay ko.”​—Kathleen.

Tandaan: Kung dadalo ka sa pulong pero hindi ka naman makikinig na mabuti, para kang pumunta sa isang handaan pero hindi ka naman kumain.

3. MAKIBAHAGI

Sabi ng Bibliya: “Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapuwa bakal, gayon pinatatalas ng isang tao ang ibang tao.”​—Kawikaan 27:17, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Bilang isang kabataan, may mahalagang papel ka sa mga pulong ng kongregasyon. Huwag isiping hindi mahalaga ang iyong pagdalo at pakikibahagi, pagkokomento man ito o pakikipagkuwentuhan sa mga kapatid.

Tip: Gawing tunguhin na makapagkomento sa pulong kahit isang beses lang. Magboluntaryong tumulong sa paglilinis o sa iba pang gawain na kailangang gawin bago at pagkatapos ng pulong, o sa panahon ng pulong. Makipagkuwentuhan sa isa na bihira mong makausap.

“Noong mga 15 anyos ako, tumutulong ako sa pag-aabot ng mikropono at pag-aayos ng stage. Kaya naman nadarama kong may naitutulong ako, at napasisigla akong dumalo at dumating sa oras. Dahil diyan, naging mas interesado ako sa espirituwal na mga bagay.”​—Miles.

Tandaan: Huwag basta umupo lang​—makibahagi! Mas masayang makibahagi kaysa maging tagamasid lang.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

INAANYAYAHAN KA!

Gusto mo bang

● Malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos?

● Maging mas mabuting tao?

● Magkaroon ng mabubuting kaibigan?

Ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay makatutulong sa iyo na magawa ang mga bagay na iyan​—at ang iba pa! Dalawang beses bawat linggo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitipon sa kanilang mga Kingdom Hall para sumamba. Walang hinihinging koleksiyon doon, at malugod na tinatanggap ang mga bisita.

Huwag palampasin ang pagkakataon! Ang mga Kingdom Hall ay ibang-iba sa mga simbahang napuntahan mo na. Sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, ang pangunahin ay ang pag-aaral ng Bibliya, at malalaman mo kung paano ka matutulungan ng Salita ng Diyos na magkaroon ng pinakamaligayang buhay na posible!​—Deuteronomio 31:12; Isaias 48:17.

Sai​—Nang una akong pumasok sa Kingdom Hall, nagulat ako dahil walang mga imahen, walang pari, at walang nanghingi sa akin ng abuloy. Binati ako ng lahat, at napanatag ako. Ang tinalakay sa pulong ay madaling maintindihan at tama. Ito ang katotohanang matagal ko nang hinahanap!

Deyanira​—Ako’y 14 anyos nang una akong dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Binati agad ako ng lahat. Pakiramdam ko, talagang mahalaga sa kanila na nando’n ako, at hindi pakitang-tao lang ang interes nila sa akin. Dahil nasiyahan ako sa pagdalo ko, hindi ako nagdalawang-isip na bumalik!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 22]

Alamin kung anu-anong materyal ang tatalakayin sa susunod na pulong ng kongregasyon. Pumili ng isang bahagi ng programa na gusto mo at . . .

GUPITIN AT KOPYAHIN

Punan bago dumalo sa pulong.

Bahagi:

․․․․․

Ang gusto kong malaman tungkol sa paksang ito:

․․․․․

Punan pagkatapos na mapakinggan ang bahagi.

Ang natutuhan ko:

․․․․․

Ang sasabihin ko sa nagkabahagi na nagustuhan ko sa bahagi niya:

․․․․․