Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Tunguhin ng Isang Magulang?

Ano ang Tunguhin ng Isang Magulang?

ALIN sa mga sumusunod ang gusto mong kalabasan ng anak mong tin-edyer?

A. Carbon copy mo.

B. Rebelde na ayaw na ayaw matulad sa iyo.

C. Responsableng adulto na mahusay magpasiya.

May mga magulang na gusto ang Opsyon C pero baka sa ikinikilos nila ay parang Opsyon A ang gusto nila. Ipinipilit nila sa kanilang anak na tin-edyer ang pamantayan nila, halimbawa, kung anong karera ang kukunin. Ang resulta? Magkaroon lang siya ng kaunting kalayaan, gagawin niya ang kabaligtaran ng ipinagagawa sa kaniya. Kaya naman maraming magulang na nagtatanim ng Opsyon A ang umaani ng Opsyon B.

Kung Bakit Hindi Epektibo ang Labis na Pagkontrol

Gusto mo na ang anak mong tin-edyer ay maging responsableng adulto na mahusay magpasiya. Pero paano mo maaabot ang tunguhing iyan? Isang bagay ang tiyak: Hindi makatutulong ang labis na pagkontrol sa anak. Isaalang-alang ang dalawang dahilan.

1. Ang labis na pagkontrol sa anak ay salungat sa sinasabi ng Bibliya. Nilalang ng Diyos na Jehova ang tao na may kalayaang magpasiya. Hinahayaan niya ang tao na pumili ng landas na gusto niyang tahakin, mabuti man o masama. Halimbawa, nang magkimkim si Cain ng matinding galit sa kapatid niyang si Abel, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?”​—Genesis 4:7.

Pansinin na bagaman pinayuhan ni Jehova si Cain, hindi niya ito pinilit na sumunod sa kaniya. Si Cain ang magpapasiya kung kokontrolin niya ang kaniyang galit o hindi. Ano ang matututuhan natin dito? Kung hindi pinipilit ni Jehova ang kaniyang mga nilalang na sundin siya, hindi mo rin dapat pilitin ang iyong anak na sundin ka. *

2. Kadalasan nang kabaligtaran ang nagiging resulta kapag labis na kinontrol ang anak. Ipagpalagay nang sobrang kulit ng salesman na kausap mo. Miyentras pinipilit ka niyang bumili, lalo ka namang nagmamatigas sa pagtanggi. Kahit kailangan mo ang produkto niya, malamang na ayaw mo sa paraan niya ng pagbebenta. Gustung-gusto mo nang umalis sa harap niya.

Ganiyan din ang mangyayari kapag ipinilit mo sa iyong anak na tin-edyer ang iyong mga pamantayan, paniniwala, at tunguhin. “Bibilhin” kaya niya ang mga iyon? Malamang na hindi! Sa katunayan, dahil sa pamamaraan mo, baka ang mismong kabaligtaran ng gusto mo ang mangyari, anupat ayawan niya ang mga pamantayan mo. Kadalasan, nabibigo ang mga magulang kapag labis nilang kinokontrol ang kanilang anak. Ano kaya ang puwede mong gawin?

Sa halip na lubusang kontrolin ang buhay ng anak mong tin-edyer, anupat ipinipilit sa kaniya ang mga pamantayan mo gaya ng maaaring ginagawa mo noong mas bata pa siya, tulungan mo siyang maintindihan kung bakit isang katalinuhan na gawin ang tama. Halimbawa, kung isa kang Kristiyano, ipakita sa kaniya na ang pagsunod sa mga simulain ng Diyos ay magdudulot ng mas maligayang buhay.​—Isaias 48:17, 18.

Habang ginagawa mo iyan, magpakita ng mabuting halimbawa. Ipakita ang magagandang katangian na gusto mong malinang ng anak mong tin-edyer. (1 Corinto 11:1) Ipakita rin sa iyong buhay ang mga pamantayang pinili mong sundin. (Kawikaan 4:11) Kapag natutuhan ng iyong anak na ibigin ang Diyos at ang kaniyang mga pamantayan, gagawa siya ng mahuhusay na pasiya, kahit hindi ka niya kasama.​—Awit 119:97; Filipos 2:12.

Magturo ng Praktikal na mga Kasanayan

Gaya ng binanggit sa pahina 2, darating ang araw​—nang hindi mo namamalayan​—na ‘iiwan ng iyong anak ang kaniyang ama at ina.’ (Genesis 2:24) Bilang magulang, gusto mong matiyak na ang iyong anak ay may mga kasanayan na magagamit niya kapag nagsarili na siya. Talakayin natin ang ilan sa mga kasanayan na maituturo mo sa kaniya habang nakapisan pa siya sa iyo.

Mga Gawain sa Bahay. Ang anak mo ba ay marunong nang magluto? maglaba at mamalantsa? maglinis at mag-ayos ng kuwarto niya? mag-maintain ng sasakyan at mag-repair ng maliliit na sira nito? Kapag natutuhan niya ang ganitong mga kasanayan, makakaya niyang pangasiwaan ang kaniyang sambahayan sa hinaharap. Sinabi ni apostol Pablo: “Natuto nga akong magsarili.”​—Filipos 4:11, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Pakikisama sa Ibang Tao. (Santiago 3:17) Mahusay bang makitungo sa iba ang anak mong tin-edyer? Kaya ba niyang makipag-ayos sa mga hindi niya nakakasundo? Sinanay mo ba siyang irespeto ang iba at lutasin nang mahinahon ang mga problema? (Efeso 4:29, 31, 32) Sinasabi ng Bibliya: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.”​—1 Pedro 2:17.

Matalinong Paghawak ng Pera. (Lucas 14:28) Matutulungan mo ba ang anak mong tin-edyer na matutong maghanapbuhay, magbadyet ng pera, at huwag mangutang? Sinanay mo na ba siyang mag-ipon para sa mga bagay na kailangan, maging kontento sa mga pangunahing pangangailangan, at huwag magpadalus-dalos sa pagbili? (Kawikaan 22:7) Sumulat si Pablo: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo.”​—1 Timoteo 6:8.

Ang mga tin-edyer na natutong mamuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan at naturuan ng praktikal na mga kasanayan ay naihandang mabuti sa pagkaadulto. Naabot ng kanilang mga magulang ang tunguhin nila!​—Kawikaan 23:24.

[Talababa]

^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Bantayan ng Pebrero 1, 2011, pahina 18-19.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Ano ang tunguhin mo bilang magulang?​—Hebreo 5:14.

● Ano ang responsibilidad ng anak mong tin-edyer kapag naging adulto na siya?​—Josue 24:15.

[Mga larawan sa pahina 25]

Ano ang gusto mong kalabasan ng anak mong tin-edyer?

Carbon copy mo . . .

Rebelde . . .

Responsableng adulto