Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sabi ng mga Magulang

Ang Sabi ng mga Magulang

Ang Sabi ng mga Magulang

Napapaharap sa mga bagong hamon ang maraming magulang kapag naging tin-edyer ang mga anak nila. Paano mo tutulungan ang iyong anak sa pagharap sa yugtong ito ng buhay​—na maaaring hindi madali kapuwa sa kaniya at sa iyo? Pansinin ang sinabi ng ilang magulang mula sa iba’t ibang bansa.

MGA PAGBABAGO

“Noong bata pa ang anak kong lalaki, sinusunod niya ang mga payo ko nang walang tanung-tanong. Pero noong tin-edyer na siya, parang nawalan siya ng tiwala sa awtoridad ko. Kinukuwestiyon niya ang sinasabi ko pati ang paraan ng pagsasabi ko nito.”​—Frank, Canada.

“Hindi na gaanong makuwento ngayon ang anak ko. Kailangan ko pa siyang tanungin para lang magkuwento. At ang hirap niyang pasagutin. Sasagot naman siya​—pero maghihintay ka muna.”​—Francis, Australia.

“Napakahalaga na maging mapagpasensiya. Kung minsan, gusto na naming sigawán ang mga anak namin, pero mas mabuti pa rin ang maging mahinahon at kausapin sila!”​—Felicia, Estados Unidos.

PAG-UUSAP

“May pagkakataon na masyadong defensive ang tin-edyer kong anak na babae, at kung minsan ay iniisip niya na pinag-iinitan ko siya. Kailangan kong ipaalala sa kaniya na mahal ko siya, magkakampi kami, at na kapakanan niya ang nasa isip ko!”​—Lisa, Estados Unidos.

“Noong bata-bata pa ang mga anak ko, open sila sa akin at nalalaman ko agad ang nasa loob nila. Ngayon, kailangan kong maging maunawain at ipakitang nirerespeto ko sila. Iyan lang ang paraan para magsabi sila sa akin ng niloloob nila.”​—Nan-hi, Korea.

“Hindi sapat na basta pagbawalan ang mga tin-edyer na gawin ang isang bagay. Kailangan naming makipagkatuwiranan sa kanila at makipag-usap nang puso sa puso. Para magawa iyan, dapat na handa kaming makinig sa sasabihin nila, kahit pa kasama roon ang mga bagay na ayaw naming marinig.”​—Dalila, Brazil.

“Kapag kailangan kong ituwid ang anak kong babae, ginagawa ko iyon nang kaming dalawa lang at hindi sa harap ng iba.”​—Edna, Nigeria.

“Kung minsan, kapag nakikipag-usap ako sa anak kong lalaki, nakakakita ako ng mga dapat gawin sa bahay, kaya hindi tuloy ako makapakinig na mabuti sa kaniya. Napapansin niya iyon, at siguro isang dahilan ’yon kung bakit hindi siya gaanong nakikipag-usap sa akin. Kailangan kong matutuhang makinig na mabuti kapag nag-uusap kami para lagi siyang magkuwento sa akin.”​—Miriam, Mexico.

PAGGAWA NG SARILING PASIYA

“Takót akong hayaan ang mga anak kong tin-edyer na gumawa ng sarili nilang pasiya, at kung minsan ay nagtatalo kami dahil dito. Tapatan ko silang kinausap tungkol dito. Ipinaliwanag ko sa kanila ang pangamba ko, at sinabi rin nila sa akin kung bakit gusto nila ng higit na kalayaan. Napagkasunduan namin na papayagan ko silang gawin ang ilang bagay pero may mga limitasyon.”​—Edwin, Ghana.

“Gusto ng anak ko ng motorsiklo. Tutol na tutol ako kaya pinagalitan ko siya at sinabi ko ang lahat ng disbentaha ng pagkakaroon nito. Ni hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Nagalit siya at lalo tuloy naging desididong bumili! Kaya ibang paraan naman ang ginawa ko. Sinabi kong i-research niya ang bawat anggulo tungkol dito, kasali na ang mga panganib, gastos, at mga requirement sa pagkakaroon ng lisensiya. Sinabihan ko rin siyang humingi ng payo sa may-gulang na mga kapatid sa kongregasyon. Nakita ko na sa halip na maging masyadong mahigpit, mas mabuti kung hahayaan ko lang siyang magsalita para malaman ko ang niloloob niya.”​—Hye-young, Korea.

“Nagtatakda kami ng mga limitasyon, pero unti-unti rin namin silang binibigyan ng kalayaan. Kapag ipinakikita ng mga anak namin na responsable sila, binibigyan namin sila ng higit na kalayaan. Sa ganitong paraan, naipakikita namin na gusto talaga namin silang bigyan ng kalayaan; pero maghihigpit kami kung sisirain nila ang tiwala namin.”​—Dorothée, France.

“Hindi ko ibinababa ang standard ko. Pero kapag masunurin ang mga anak ko, pinagbibigyan ko sila. Halimbawa, kung minsan ine-extend ko ang curfew nila. Pero kapag ilang beses na silang lumampas sa curfew, may disiplinang katapat iyon.”​—Il-hyun, Korea.

“Kapag masunurin at responsable ang empleado, mas makonsiderasyon sa kaniya ang boss niya. Ganiyan din ako sa anak ko. Napapansin niya na miyentras mas responsable siya at masunurin sa limitasyong ibinigay namin, binibigyan namin siya ng higit na kalayaan. Alam ng anak ko na gaya ng isang empleado na dinidisiplina kapag hindi nito ginawa ang kaniyang responsibilidad, maaari din niyang maiwala ang kalayaang ibinigay namin kung hindi siya magiging responsable.”​—Ramón, Mexico.

[Blurb sa pahina 22]

“Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”​—Kawikaan 22:6

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

KUWENTO NG PAMILYA

“Napakagandang Karanasan ang Magpalaki ng mga Tin-edyer”

Joseph: Tin-edyer ang dalawa sa mga anak ko, at nakita ko na mahalagang pakinggan at isaalang-alang ang opinyon nila. Dahil inaamin ko kapag nagkakamali ako​—at nirerespeto ko sila kapag nag-uusap kami​—hindi sila nag-aatubiling makipag-usap sa akin. Para sa akin, napakagandang karanasan ang magpalaki ng mga tin-edyer, at dahil iyon sa patnubay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Lisa: Napansin ko noong maging tin-edyer na ang panganay namin, mas kinailangan niya ang atensiyon ko. Naaalaala ko na madalas ko siyang pinakikinggan, kinakausap, at pinatitibay. Sinasabi naming mag-asawa sa aming mga anak na puwede nilang sabihin sa amin ang niloloob nila at na igagalang namin ang kanilang damdamin. Sinisikap kong sundin ang matalinong payo ng Santiago 1:19 na maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”

Victoria: Si Mommy ang best friend ko. Siya na ang pinakamabait at pinakamapagmahal na taong nakilala ko​—at ganiyan siya sa lahat. Napakatotoo niyang makitungo sa mga tao. Wala siyang katulad.

Olivia: Mapagmahal at bukas-palad si Daddy. Matulungin siya sa iba kahit hindi kami mayaman. Seryoso siyang tao, pero marunong din siyang mag-enjoy. Napakahusay niyang ama, kaya buti na lang siya ang daddy ko!

“Hinding-hindi Boring ang Buhay Namin!”

Sonny: Kapag may problema ang mga anak namin, pinag-uusapan namin ito bilang pamilya. Open kami sa isa’t isa, at nagpapasiya kami ayon sa mga simulain ng Bibliya. Tinitiyak din namin ni Ynez na ang nakakasama ng mga bata ay mababait at may-gulang. Kaibigan nila ang mga kaibigan namin, at kaibigan din namin ang mga kaibigan nila.

Ynez: Sinisikap namin na maging laging busy, at lagi kaming magkakasama sa mga gawain. Bilang mga Saksi ni Jehova, abala kami sa ministeryo, sa personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, at sa pagboboluntaryo​—gaya ng pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Pero may panahon din kami sa paglilibang. Hinding-hindi boring ang buhay namin!

Kellsie: Talagang nakikinig si Daddy, at kinokonsulta muna niya ang buong pamilya bago gumawa ng mahahalagang pasiya. Palaging nandiyan si Mommy kapag kailangan ko ng tulong​—o kahit ng makakausap lang.

Samantha: Ipinadarama sa akin ni Mommy na napakahalaga ko sa kaniya at mahal na mahal niya ako​—sinasadya man niya ito o hindi. Nakikinig siya at nagmamalasakit. Hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay ang pagkakaibigan namin.

[Mga larawan]

Pamilya Zapata: Kellsie, Ynez, Sonny, at Samantha

Pamilya Camera: Joseph, Lisa, Victoria, Olivia, at Isabella

[Larawan sa pahina 22]

Ang mga magulang ay puwedeng magbigay ng kalayaan, pero nagtatakda rin sila ng makatuwirang mga limitasyon