Tradisyonal na Pagpipinta ng Kahoy sa Russia
Tradisyonal na Pagpipinta ng Kahoy sa Russia
● Gustung-gusto ng mga bumibisita sa Russia ang iba’t ibang uri ng handicraft na mabibili roon, gaya ng mga manikang matryoshka. Noon, ang karamihan sa gayong mga produktong yari sa kahoy ay ginagawa ng mga bihasang manggagawa na taganayon. Ang isang tradisyonal na uri ng pagpipinta ng kasangkapang kahoy sa Russia ay tinatawag na khokhloma.
Sa loob ng maraming siglo, ang mga Ruso ay kumakain sa magagandang mangkok na nililok at pinintahan, at gumagamit sila ng mga kutsara, tasa, at iba pang sisidlang yari sa kahoy. Ang mga ito ay kadalasan nang may disenyong halaman o hayop. May mga nayon kung saan ang lahat ng tagaroon ay gumagawa ng iba’t ibang uri ng kasangkapang kahoy.
Ang mga taganayon ay abala sa gawaing ito kapag taglamig, kung kailan walang gaanong trabaho sa bukid. Mga 200 taon o higit pa ang nakararaan, pinagkakakitaan ito nang malaki sa ilang bayan at nayon. Halimbawa, may panahon na ang lahat ng taga-Semënov ay huminto sa pagsasaka at gumawa ng halos dalawang milyong kahoy na mangkok, bandehado, tasa, at kutsara sa loob ng isang taon.
Ang mga taganayon malapit sa bayan ng Nizhniy Novgorod ay nakatuklas ng paraan para maging matibay at makintab ang mga pinintahang kasangkapan. Nakaimbento sila ng pintura at barnis na matibay sa init, at ang mga pinintahang kasangkapan ay isinasalang sa hurno. Dahil sa mataas na temperatura, ang kulay-pilak na ibabaw ng mga ito ay nagkukulay-ginto. Ang prosesong ito ay ginagamit pa rin sa mga pabrika ng khokhloma sa Nizhniy Novgorod.
Ang ilang disenyo ng khokhloma ay mga bulaklak at halaman sa kagubatan at kaparangan ng Russia, pati na rin mga ibon at isda. Madalas na makikita ang paikot na mga tendril ng damo at mga dahon na may kasamang mga prutas, gaya ng iba’t ibang uri ng berry. Karaniwan nang kinukulayan ito ng pula, itim, ginto, at berde. Sa ngayon, dahil sa mga handicraft na khokhloma, ang hapag-kainan ng mga tao sa maraming lugar sa daigdig ay napapalamutian ng magagandang kulay na makikita sa mga lalawigan ng Russia.