Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matalinong Paghawak ng Iyong Pera—Paano?

Matalinong Paghawak ng Iyong Pera—Paano?

Matalinong Paghawak ng Iyong Pera​—Paano?

MAY tatlong bagay na puwedeng gawin sa pera: (1) Gastahin ito, (2) ipunin ito, o (3) ibahagi ito sa iba. Lahat ng ito ay nangangailangan ng pagbabadyet.

Sa pagbagsak ng ekonomiya kamakailan, nakita natin na napakahalagang maging mahusay sa pagbabadyet. Ano ba ang isang badyet? Sa maikli, ito’y pagtantiya kung paano gagastusin ang kita ng isang indibiduwal, isang pamilya, isang negosyo, o isang gobyerno.

Proyekto ng Pamilya

Paano ka gagawa ng badyet? “Ang lahat ng miyembro ng pamilya,” ang sabi sa aklat na Budgeting, ni Denise Chambers, “ay dapat na kasama sa paggawa ng badyet para lahat ay makadama ng obligasyong makipagtulungan.” Sa pana-panahon, dapat mag-usap ang buong pamilya para imonitor ang badyet nila. Kasiya-siyang proyekto ng pamilya ang paggawa ng epektibong badyet habang sinisikap ng bawat isa na huwag gumasta nang higit sa kita ng pamilya.

Sa paggawa ng badyet, ang ilan ay gumagamit ng isang computer program. Ang iba naman ay gumagamit ng lapis at papel na hinati sa dalawang kolum. Ang isang kolum ay para sa kita, at ang isa naman ay para sa gastusin. Huwag ding kalilimutang isama sa badyet ang buwanang halaga para sa taunang bayarin, gaya ng income tax at marahil para sa pagbabakasyon.

Isang subók na paraan ng pagbabadyet ang paggamit ng mga sobre o folder na may markang “Pagkain,” “Renta,” “Transportasyon,” “Kuryente,” “Medical Bills,” at iba pa. Noon, hinahati-hati ng mga tao ang pera nila sa mga sobreng ito bawat buwan. Pero ngayon, iniisip ng marami na mas ligtas at mas madaling ideposito ang pera sa bangko at i-withdraw kapag kailangan.

Sina Jonathan at Anne, na nakatira sa Timog Aprika kasama ang dalawa nilang anak na babae, ay madalas gumamit ng folder para sa pagbabadyet. “Kung nakadeposito sa bangko ang suweldo mo,” ang sabi ni Jonathan, “mahalaga na mahigpit pa ring sundin ang ginawang badyet. Halimbawa, kung naubos na ang buwanang badyet mo para sa karne, hindi mo dapat kunin ang perang nakalaan sa savings para makabili pa ng karne.”

Si Jonathan ay dating may negosyo, pero ipinasiya niya at ng pamilya niya na magboluntaryo sa pagtatayo ng mga gusali para sa pagsamba. Dahil gusto nilang manatili sa gawaing ito, kailangan nilang magbadyet na mabuti. Regular na nag-uusap ang kaniyang pamilya para imonitor ang badyet nila at tingnan kung kailangang gumawa ng mga pagbabago.

Nakahihigit na Kaligayahan

Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pagbabahagi sa iba ng anumang tinataglay, kasama na ang panahon at lakas o kahit ang pera, ang pinagmumulan ng higit na kaligayahan. Sa abot ng makakaya mo, maaaring ito ang pinakamahusay sa tatlong paraan na binanggit sa pasimula.

Sa kaniyang aklat na The New Frugality, sinabi ni Chris Farrell na ang pag-iipon ay “isang paraan para magkaroon ng magagastos.” Inirekomenda niya: “Ang isa sa pinakakapaki-pakinabang at pinakamatalinong magagawa mo sa pera ay ang ibahagi ito sa iba.” * Sinabi pa ni Farrell: “Kung iisipin mo ang pinakamahalaga sa buhay, kadalasan nang iyon ay mga ugnayan, mga karanasan, at ang pagkadama na may naitutulong ka, hindi pera at mga pag-aari.”

Waring sang-ayon dito ang ekonomistang si Michael Wagner. Sa aklat niyang Your Money, Day One, na humihimok sa mga kabataan na magtipid, sinabi niya: “Kapag nagkusa kang tumulong sa mahihirap, ang gayong kabaitan at pagkabukas-palad ay babalik sa iyo sa iba’t ibang paraan, pero ang pinakakasiya-siya ay ang madamang nakatulong ka sa kapuwa mo.”

Ipinakikita rin ng Bibliya na ang pagbibigay ay nagdudulot ng kaligayahan. Gaya ng natalakay na, naglalaman ito ng mga simulain na makatutulong sa iyo na maging matalino sa paghawak ng pera. Talakayin natin ngayon ang pito pa sa mapananaligang mga simulaing ito.

[Talababa]

^ par. 12 Ang pera ay maaaring ibahagi sa iba sa pamamagitan ng pagreregalo o pagiging mapagpatuloy gaya ng paghahanda ng pagkain para sa mga kaibigan at kapamilya.