Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtitipid o Gagasta?

Magtitipid o Gagasta?

Magtitipid o Gagasta?

“BORING ang magtipid,” ang sabi ng marami. “Masarap bumili ng damit, electronic gadget, at iba pa.”

Apektado ka man ng paghina ng ekonomiya ng daigdig o hindi, makikinabang ka sa pagsasaalang-alang ng mga paraan kung paano ka magtitipid at kung paano ka magiging matalino sa paggasta. Pag-isipan ang mapagkakatiwalaang mga payo ng isang aklat na matagal na panahon nang nakatutulong sa milyun-milyon para maharap ang kanilang mga problema sa pera.

Tatlong Sinaunang Simulain na Mapananaligan

Sa isa sa kaniyang mga talinghaga, binanggit ni Jesus ng Nazaret ang isang mahalagang simulain sa paghawak ng pera. Sa talinghagang iyon, sinabi ng isang panginoon sa kaniyang lingkod: “Ipinasok mo sana sa bangko ang pera ko, para pagbalik ko makukuha ko ang aking pera nang may tubo.” (Mateo 25:27, New American Standard Bible) Ang sinabi ni Jesus noon ay napakapraktikal pa rin sa ngayon. Tingnan natin kung bakit.

Sa ilang bansa kamakailan, nagiging mahigit doble ang perang idineposito sa loob ng mga sampung taon. Bagaman iilang bangko lang sa ngayon ang nagbibigay ng ganiyan kataas na interes at ang interes sa pamumuhunan ay hindi laging kasintaas ng inaasahan, mahalaga pa ring mag-ipon para may madukot sa panahon ng kagipitan.

Ganiyan ang payo ng Bibliya. Sinasabi nito: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Pero hindi ka maipagsasanggalang ng pera kung wala ka namang naipon! “Magbukod ang bawat isa sa inyo,” ang sabi ng Bibliya, “ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan.”​—1 Corinto 16:2.

Kung Paano Makakatipid

Una, bago bumili ng isang mamahaling bagay, pag-isipan kung talagang kailangan mo ito.

Ikalawa, kung kailangan mo ang isang bagay, maghanap ng naka-sale o ng segunda-mano na mapapakinabangan pa. Kailangan nina Espen at Janne, mag-asawang taga-Norway, ng isang stroller para sa kanilang baby na si Daniel. Nakabili sila ng isa na halos bago pa pero sa kalahati lang ng orihinal na presyo. “Kapag hindi na iyon kailangan ni Daniel,” ang sabi ni Espen, “siguradong maibebenta pa namin iyon sa magandang presyo.” Pero ang paalaala niya: “Malaking panahon din ang kailangan sa paghahanap ng mga murang produkto.” *

Ikatlo, huwag magpadalus-dalos; mag-isip munang mabuti. Kung kailangan mo talagang bumili ng isang bagay, subukang maghanap nito sa mga naka-sale o sa tindahan ng mga segunda-mano. Bukod diyan, makakatipid ka kung iiwasan mong bumili ng isang produkto dahil lang sa kilalá ang brand nito. At sa halip na bumili ng mga usong damit na pambata sa mamahaling tindahan, baka puwedeng pagsuutin ang mga bata ng mga damit na pinagliitan ng iba.

Gayundin, ang isang ina ay maaaring gumamit ng nalalabhang mga telang diaper para sa kaniyang baby. Ang aklat na Budgeting​—Personal Spending and Money Management a Key to Weathering the Storm, ni Denise Chambers, ay nagsabi: “Sa mga disposable diaper, gagastos ka ng mga $2,000 o higit pa sa loob ng 2 taon. Sa mga telang diaper naman, . . . $300-500 lang sa loob ng 2 taon.” Sinabi pa niya: “Ang mga telang diaper sa ngayon ay napakadaling gamitin at hindi nakakasira sa kapaligiran!”

Ikaapat, tandaan na kadalasang mas matipid ang magluto ng pagkain sa bahay kaysa kumain sa labas. Kung may mga anak ka na nag-aaral pa, bakit hindi mo sila turuang gumawa ng sandwich sa halip na bigyan sila ng pambili ng mahal na mga pagkain? At sa halip na bumili ng mahal na inumin, uminom na lang ng tubig. Mas mabuti ito sa kalusugan at menos gastos pa.

Dati, may sariling taniman ng gulay ang bawat pamilya. Bakit hindi mo subukang magtanim? Maraming tao, kahit ang mga nakatira sa apartment o maliit na bahay, ang may lugar na mapagtatamnan. Baka magulat ka sa dami ng maaani sa kapirasong lupa!

Pag-isipan din: Kung kailangan mong magkaroon ng cell phone, puwede kayang gamitin mo lang ito kapag may emergency at prepaid card ang gamitin mo? O kung may dryer ka ng damit, puwede bang limitahan mo ang paggamit nito? Baka puwedeng isampay mo na lang ang ibang damit​—o ang lahat pa nga ng nilabhan mo​—para patuyuin. Baka puwede mo ring limitahan ang paggamit ng aircon at heater. Bago buksan ang mga ito, tanungin ang sarili, ‘Talaga bang kailangan ko itong gamitin?’ Puwede ka ring magtanung-tanong sa iba kung paano sila nakakatipid sa kuryente.

Makakatulong din kung magbubukas ka ng savings account. Pero ganito ang sabi ni Hilton, isang volunteer worker sa Timog Aprika: “Isang katalinuhan na huwag ilagay sa iisang institusyon ang pera mo. Puwedeng bumagsak ang mga bangko at mga pinansiyal na institusyon. Naranasan na namin iyan.” Kaya pumili ng isang bangko kung saan ginagarantiyahan ng gobyerno ang deposito mo sakali mang bumagsak ito.

Kung Paano Maiiwasang Mabaon sa Utang

Una, sikaping magbayad nang higit sa buwanang minimum na dapat mong bayaran para sa mga bayarin, credit card, o iba pang obligasyon.

Ikalawa, unahing bayaran ang utang na may pinakamataas na interes.

Ikatlo, kontrolin ang paggasta. Napakahalaga nito.

Madali ka bang madala ng mga advertisement? Nangyari iyan kay Danny, isang amang taga-Sweden. Maunlad ang negosyo niya pero kinailangan niya itong ibenta para makabayad sa mga utang sa credit card. Natuto siya ng leksiyon kaya kontrolado na niya ngayon ang paggasta. Ganito ang payo niya: “Huwag maging gahaman. Maging kontento at mamuhay ayon lang sa kinikita mo.”

Tamang Pangungutang

Iilang tao lang ang kayang magbayad nang minsanan para sa isang bahay o apartment. Kaya marami ang umuutang sa bangko para makabili ng bahay. Ang buwanang hulog nila sa bangko ay maituturing na renta sa bahay. Pero kapag natapos na nilang hulugan ang bahay, pag-aari na nila ito!

Praktikal din para sa iba na umutang para makabili ng sasakyang matipid sa gasolina. Binabayaran nila agad ang utang, kaya pagkabayad nila, para na rin nilang ipon ang halaga ng sasakyan. * Ang ilan ay bumibili ng segunda-manong sasakyan na nasa kondisyon pa at mababa pa ang milyahe. Ang iba naman ay sumasakay na lang sa pampublikong transportasyon o nagbibisikleta para makatipid.

Anuman ang sitwasyon mo, maging praktikal at makatuwiran sa pagbili, at mag-isip na mabuti bago magpasiya. Kung gasta ka nang gasta, makakasanayan mo ito at baka mamroblema ka lang sa bandang huli. Kaya sikaping maging maingat at matalino sa paggasta, na makakatulong para maging masaya ka sa buhay.

At para maging masaya ka pa rin kahit nagtitipid ka, dapat mong malaman kung paano matalinong gagamitin ang pera. Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

^ par. 10 Para matiyak na hindi nakaw ang bibilhin mo, humingi ng resibo na may pangalan at adres ng nagbenta.

^ par. 24 Tandaan na sakaling mawalan ka ng kita at hindi na makapaghulog, puwedeng kunin ng bangko ang bahay o kotse at mabale-wala ang lahat ng naibayad mo.

[Mga larawan sa pahina 5]

KUNG PAANO MAGTITIPID

Maghanap ng mga produktong naka-sale

Bumili ng damit sa mga discount store o mga tindahan ng segunda-mano

Turuan ang mga anak mo na maghanda ng baon nila

[Larawan sa pahina 6]

Para mabawasan ang gastos sa pagkain, magtanim. Makakatipid ka rin kung isasampay mo na lang ang mga damit para patuyuin