Pagtahak sa Ruta ng mga Alipin
Pagtahak sa Ruta ng mga Alipin
MULA noong ika-17 hanggang ika-19 na siglo, naging sentro ng bentahan ng mga alipin sa Kanlurang Aprika ang lunsod ng Ouidah, na matatagpuan ngayon sa Republika ng Benin. Nasaksihan nito ang pangangalakal sa mahigit isang milyong alipin. Madalas ipagbili ng mga Aprikano ang kanilang mga kababayan kapalit ng alak, tela, pulseras, kutsilyo, espada, at lalo na ng mga baril, na kailangang-kailangan noon dahil sa pagdidigmaan ng mga tribo.
Sa pagitan ng ika-16 at ika-19 na siglo, tinatayang 12 milyong Aprikano ang dinala sa kabilang ibayo ng Atlantiko para gawing alipin sa mga plantasyon at minahan sa Bagong Daigdig (Hilaga at Timog Amerika). Ayon sa aklat na American Slavery—1619-1877, mga 85 porsiyento ng mga alipin ang “dinala sa Brazil at sa iba’t ibang kolonya ng mga Britano, Pranses, Kastila, at Olandes sa Caribbean.” Mga 6 na porsiyento naman ang napunta sa mga kolonya na nang maglaon ay naging bahagi ng Estados Unidos. *
Sa pasimula ng kanilang paglalakbay, karamihan sa mga alipin ay nakakadena, bugbog-sarado, at may herong tanda. Nilalakad nila ang apat-na-kilometrong ruta na ngayon ay mula sa Ouidah Museum of History, isang tanggulan na itinayong muli, hanggang sa tinatawag na Door of No Return, na nasa tabing-dagat. Ito ang dulo ng Ruta ng mga Alipin. Makasagisag lang ito dahil hindi naman dito aktuwal na sumakay ng barko ang lahat ng alipin. Bakit nga ba lumaganap ang pang-aalipin?
Isang Masaklap na Kasaysayan
Noong unang panahon, ibinebenta ng mga tagapamahalang Aprikano ang kanilang mga bihag sa digmaan sa mga mangangalakal na Arabe. Nang maglaon, sumali sa kalakalan ng alipin ang makapangyarihang mga bansa sa Europa, lalo na nang makapagtatag sila ng mga kolonya sa mga lupain sa Amerika. Noong panahong iyon, ginagawang alipin ang mga nabihag sa pagdidigmaan ng mga tribo. Kaya naman, naging magandang negosyo ang digmaan para sa mga nagwawagi at sa mga sakim na nangangalakal ng alipin. Naging alipin din ang iba matapos silang dukutin. Ang
iba naman ay kinuha ng mga mangangalakal na Aprikano mula sa ibang bahagi ng Aprika. Kahit sino ay puwedeng ibenta bilang alipin, maging ang isang maharlika na itinakwil ng hari.Isa sa mga kilalang mangangalakal ay si Francisco Félix de Souza na taga-Brazil. Noong 1788, pinamahalaan ni De Souza ang tanggulan na sentro ng bentahan ng mga alipin sa Ouidah na nasa Bight of Benin. Sakop pa noon ng Kaharian ng Dahomey ang Ouidah. Pero nagkaroon ng di-pagkakasundo si De Souza at si Haring Adandozan ng Dahomey. Kaya si De Souza, marahil habang nasa kulungan, ay nakipagsabuwatan sa kapatid ng hari para mapatalsik si Adandozan. Naisakatuparan nila ito noong 1818. Dito nagsimula ang magandang samahan ng bagong hari na si Ghezo at ni De Souza, na inatasang mamahala sa bentahan ng mga alipin. *
Gustong palawakin ni Ghezo ang kaniyang kaharian. Para magawa ito, kailangan niya ng mga sandata mula sa Europa. Kaya inatasan niya si De Souza bilang viceroy ng Ouidah para tumulong sa pangangasiwa ng kalakalan sa mga Europeo. Palibhasa’y kontrolado ni De Souza ang bentahan ng mga alipin sa bahaging iyon ng Aprika, madali siyang nakapagkamal ng kayamanan. Dinagsa ng dayuhan at lokal na mga mangangalakal ang bentahan ng mga alipin na malapit sa kaniyang bahay.
Isang Paglalakbay na Punô ng Hinagpis
Sa ngayon, kung bibisita ka sa Ruta ng mga Alipin sa Ouidah, magsisimula ang tour sa itinayong muli na tanggulan ng mga Portuges. Itinayo ito noong 1721, at ito na ngayon ang Ouidah Museum of History. Ang mga bihag noon na gagawing alipin ay ikinukulong sa malaking looban. Bago nito, ang karamihan ay naglalakad nang nakakadena sa isa’t isa sa loob ng maraming gabi. Bakit kaya sa gabi sila pinalalakad? Ito ay para lituhin sila at mahirapang makauwi ang mga tatakas.
Kapag dumarating ang isang grupo ng mga alipin, nagkakaroon ng subasta. Ang mga alipin ay hineherohan ng mga nakabili sa kanila. Pagkatapos, ang mga aliping ibibiyahe ay dinadala sa tabing-dagat at isinasakay sa maliliit na bangka na maghahatid sa kanila sa mga barko.
Makikita rin sa Ruta ng mga Alipin ang dating kinaroroonan ng Tree of Forgetfulness, na ngayon ay pinagtayuan ng isang monumento bilang pag-alaala rito. Sapilitang pinaiikot noon sa Tree of Forgetfulness ang mga alipin—malamang na siyam na ulit para sa mga lalaki, at pitong ulit naman sa mga babae. Sinabi sa kanila na malilimutan nila ang kanilang lupang tinubuan kung gagawin nila ito. Sa gayon, mas malamang na hindi nila maiisip na magrebelde.
Madaraanan din sa ruta ang monumento na nagpapaalaala sa mga kubong Zomaï. Ang Zomaï ay tumutukoy sa kadiliman sa loob ng
mga kubo, kung saan sinasanay ang nagsisiksikang mga bihag sa miserableng kalagayan sa barko. Sa katunayan, maaaring nanatili sila sa mga kubo nang ilang buwan habang naghihintay ng biyahe. Ang mga namamatay ay sama-samang inililibing.Kapansin-pansin ang monumentong tinatawag na Zomachi, na sagisag ng pagsisisi at pakikipagkasundo. Tuwing Enero, pumupunta rito ang inapo ng mga alipin at ng mga mangangalakal ng alipin para ihingi ng kapatawaran ang mga may kagagawan sa pang-aalipin.
Ang pinakahuling madaraanan sa tour ay ang Door of No Return—isang arko na nagpapaalaala sa mga huling sandali ng mga alipin sa lupain ng Aprika. Sa malaking arkong ito, may inukit na larawan ng dalawang hanay ng nakakadenang mga Aprikano na magsasalubong sa kalapít na tabing-dagat at nakaharap sa Atlantiko. Dito, sinasabing ang ilang bihag na nawalan na ng pag-asa ay kumakain ng buhangin bilang alaala ng kanilang lupang tinubuan. Nagpapakamatay naman ang iba gamit ang kanilang mga kadena.
Paglaya sa Pagkaalipin
Sa pasimula ng ika-19 na siglo, tumindi ang pagsisikap na wakasan ang pang-aalipin. Noong Hulyo 1860, dumaong sa Mobile, Alabama, Estados Unidos, ang huling bangka na may lulang mga alipin mula sa Ouidah. Pero sandali lang naging alipin ang mga ito dahil inilabas ng pamahalaan ng Estados Unidos ang Emancipation Proclamation noong 1863. Tuluyang nagwakas ang pang-aalipin sa Kanlurang Hemisperyo noong 1888 nang itigil ng Brazil ang pag-aangkat ng mga alipin. *
Ang naiwang bakas ng bentahan ng mga alipin ay ang pangangalat ng mga Aprikano sa iba’t ibang bansa. Malaki ang naging impluwensiya nito sa demograpiya at kultura ng maraming lupain sa Amerika. Ang isa pa ay ang paglaganap ng voodoo, isang relihiyon na popular sa Haiti at nagsasangkot ng mahika at pangkukulam. “Ang terminong voodoo,” ayon sa Encyclopædia Britannica, “ay nagmula sa salitang vodun, tumutukoy sa isang diyos, o espiritu, sa wika ng mga Fon sa Benin (dating Dahomey).”
Nakalulungkot, nagpapatuloy pa rin ang ilang anyo ng malupit na pang-aalipin. Halimbawa, milyun-milyon ang nagpapaalipin para makaraos sa hirap ng buhay. Ang iba naman ay nagtitiis sa ilalim ng mapaniil na pulitikal na mga rehimen. (Eclesiastes 8:9) Milyun-milyon din ang nananatiling alipin ng mga turo at pamahiin ng huwad na relihiyon. Kaya bang palayain ng mga pamahalaan ng tao ang kanilang mga sakop mula sa ganitong pang-aalipin? Hindi. Ang Diyos na Jehova lamang ang may kakayahang gumawa niyan, at talagang gagawin niya iyan. Sa katunayan, ipinangangako ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na lahat ng sumasamba kay Jehova kaayon ng katotohanan sa Bibliya—ang katotohanang nagpapalaya sa mga tao—ay magtatamo ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21; Juan 8:32.
[Mga talababa]
^ par. 3 Lumaki nang lumaki ang populasyon ng mga alipin sa Estados Unidos pangunahin na dahil sa nagkaanak ang mga ito.
^ par. 7 Ang pangalang “Ghezo” ay binabaybay sa iba’t ibang paraan.
^ par. 17 Para malaman ang pangmalas ng Bibliya sa pang-aalipin, tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kinunsinti ba ng Diyos ang Pangangalakal ng mga Alipin?” sa Gumising!, isyu ng Setyembre 8, 2001.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
“ANG TAO AY NANUNUPIL SA TAO SA KANIYANG IKAPIPINSALA”
Naniniwala ang marami na nakuha ng mga mangangalakal ng alipin ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagsalakay sa mga nayon at pagdukot sa sinumang gustuhin nila. Bagaman maaaring nangyari iyan, malabong makakuha sila ng milyun-milyong tao kung “wala ang pakikipagsabuwatan ng mga tagapamahalang Aprikano at mga mangangalakal,” ang sabi ng propesor sa kasaysayan ng Aprika na si Dr. Robert Harms sa isang panayam sa radyo. Talaga ngang “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala”!—Eclesiastes 8:9.
[Credit Line]
© Réunion des Musées Nationaux/Art Resource, NY
[Mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tinatayang 12 milyong Aprikano ang dinala sa kabilang ibayo ng Atlantiko para gawing alipin
APRIKA
BENIN
Ouidah
Slave Coast
[Larawan sa pahina 22, 23]
Ang dating tanggulan ng mga Portuges na itinayo noong 1721, at ngayon ay ang Ouidah Museum of History
[Credit Line]
© Gary Cook/Alamy
[Larawan sa pahina 23]
Estatuwa ng isang alipin na nakagapos at may busal
[Larawan sa pahina 23]
Ang Door of No Return—isang bantayog na nagpapaalaala sa mga huling sandali ng mga alipin sa lupain ng Aprika
[Credit Line]
© Danita Delimont/Alamy