Di-makayanang Pangungulila
Di-makayanang Pangungulila
Malusog na bata si Nicolle. Isang gabi, dinala siya ng kaniyang mga magulang sa ospital dahil masakit ang ulo niya. Nang sumunod na gabi, habang nasa ospital pa, inatake siya sa puso. Lumabas sa mga pagsusuri na mayroon siyang kakaibang bacterial infection na kumalat sa kaniyang mga baga, bato, at puso. Sa loob lang ng 48 oras, wala na ang tatlong-taóng-gulang na si Nicolle.
ISA sa pinakamasakit na puwedeng mangyari sa isang tao ay ang mamatayan ng mahal sa buhay. Kung minsan, parang hindi mo makayanan ang pangungulila. “Miss na miss ko si Nicolle,” ang sabi ng nanay niyang si Isabelle. “Nami-miss ko ang kaniyang mga yakap, amoy, at paglalambing. Nami-miss ko rin ang pagbibigay niya sa akin ng bulaklak araw-araw. Lagi ko siyang naiisip.”
Nawalan ka na rin ba ng mahal sa buhay—isang anak, asawa, kapatid, magulang, o isang malapít na kaibigan? Paano mo haharapin ang iyong pagdadalamhati?