Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naitataguyod ba ng Relihiyon ang Kapayapaan?

Naitataguyod ba ng Relihiyon ang Kapayapaan?

Naitataguyod ba ng Relihiyon ang Kapayapaan?

ITINUTURING ng ilan ang Church of the Holy Sepulchre sa Jerusalem na pinakabanal na simbahan ng Sangkakristiyanuhan, pero naging simbolo rin ito ng alitan sa pagitan ng mga relihiyon. Ayon sa tradisyon, sa simbahang ito “malamang na inilibing at binuhay-muli si Kristo.” Pero maraming marahas na sagupaan ang nangyari sa iginagalang na lugar na ito. Pinagtatalunan ng mga monghe at pari ng anim na denominasyong “Kristiyano” ang isyu tungkol sa karapatan nilang gumamit ng simbahang iyon. Tumindi pa ang alitang ito sa nakalipas na mga taon. Kinailangan ng mga armadong pulis na makialam at pansamantalang pangasiwaan ang lugar.

Kasaysayang Puno ng Karahasan

Ang mga pangyayari sa Church of the Holy Sepulchre ay bahagi ng kasaysayan na puno ng patayan dahil sa pagkapanatiko sa relihiyon. Sa pagsusuri sa mga kaguluhang nangyari kamakailan sa iba’t ibang lugar sa daigdig, sinabi ng aklat na Violence in God’s Name: “Mula sa Indonesia hanggang Hilagang Ireland, Gitnang Silangan hanggang Kashmir, India hanggang Nigeria, mga bansa sa Peninsula ng Balkan hanggang Sri Lanka, ipinagmamatuwid ng mga Kristiyano, Budista, Judio, Hindu, Muslim at Sikh ang paggamit ng karahasan para protektahan ang kanilang relihiyosong pagkakakilanlan at interes.”

Pero tinatanggap ng karamihan sa relihiyon ang kapayapaan at pagkakaisa bilang kanilang pangunahing turo. Sa loob ng maraming taon, aktibong itinataguyod ng relihiyon ang magagandang prinsipyo gaya ng pag-ibig sa kapuwa at paggalang sa buhay ng tao. Kung gayon, hindi ba dapat ginagamit ng relihiyon ang malakas na impluwensiya nito para itaguyod ang kapayapaan? Makabubuting pag-isipan ng mga taimtim na mananamba ang sagot sa tanong na ito.