Isang Sinaunang Relo
Isang Sinaunang Relo
● Ang mekanikal na relo ay malamang na inimbento sa Tsina mahigit 900 taon na ang nakalilipas. Mula noon, malaki na ang isinulong sa paggawa ng relo. Isang natatanging pagbabago ang ginawa noong kalagitnaan ng ika-17 siglo, nang gamitin ang pendulo sa mga mekanikal na relo. Mabuti na lang at naimbento ito, naging mas tumpak ang mga relo at nagkaroon ito ng bagong kamay—ang kamay para sa minuto! Ang bagong disenyo—na may pendulo, pabigat, at mekanismo na medyo mabigat—ay nangangailangan ng isang matatag at patayong kaha. Dahil dito, nakilala ang pahabang relo, o grandfather clock, sa buong daigdig. Sinabi ng isang eksperto sa relo na ito ay “lubos na maaasahan at tumpak kahit sa masamang lagay ng panahon.” *
Sa simula, ang mamahaling relong ito ay ginagawa lang sa malalaking lunsod sa Europa, gaya ng London at Paris. Pero unti-unti, ginawa na rin ito sa malalayong bahagi ng kontinente ng Europa. Kaya maliban sa orihinal na disenyo nito, napaganda pa ito ng ibang lokal na mga disenyo. Ang hugis nito ay puwedeng deretso o pakurba; ang katawan naman ay payat o mataba. Maaaring gawa ito sa pino, ebano, kamagong, oak, o walnut, at ang kaha nito ay maaaring simple lang o maraming disenyo. Kaya naging popular ang grandfather clock, hindi lang dahil primera klaseng relo ito, kundi elegante at napakaganda rin nitong dekorasyon sa kuwarto.
Maaaring may iba pang dahilan kung bakit gustung-gusto ng mga tao ang grandfather clock. Mukha kasi itong tao. “Halos kasintaas ito ng karaniwang tao at waring nangungusap at may damdamin,” ang sabi ng mananaliksik sa Finland na si Dra. Sinikka Mäntylä. Ang tik tak nito ay parang tibok ng puso. Sa ngayon, ang malalaki at patayong relong ito ay pinalitan na ng tumpak at murang mga relong quartz. Pero maging sa abalang mga oras, kahit paano, nakarerelaks ang grandfather clock. Sinasabi ng aklat na Keeping Time—Collecting and Caring for Clocks: “Sa paanuman, ang grandfather clock na may di-nagbabago at di-nagmamadaling tik tak ay nakapagpapakalma rin at parang nagpapaalaala sa atin ng panahon noon na mas mapayapa.”
[Talababa]
^ par. 2 Ang pangalang grandfather clock, ang tawag sa mga pahabang relo sa ilang lugar, ay sinasabing kuha sa isang popular na kanta noong 1876 na may pamagat na “My Grandfather’s Clock.”
[Larawan sa pahina 19]
Isang orasan na posibleng mula pa noong unang mga taon ng ika-19 na siglo