May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Nakabaligtad na Retina
● Ang mata ng tao ay may retina—isang lamad na may halos 120 milyong selula na tinatawag na mga photoreceptor. Nasasagap nito ang sinag ng liwanag at ginagawang electric signal. May nabubuong mga larawan pagdating ng mga signal na ito sa utak. Sinasabi ng mga ebolusyonista na ang puwesto ng retina sa mata ng mga vertebrate, o nilalang na may gulugod, ay patunay na walang nagdisenyo sa mata.
Pag-isipan: Ang retina ng mga vertebrate ay nakabaligtad kaya nasa likod nito ang mga photoreceptor. Para makarating dito, kailangang dumaan ng liwanag sa ilang suson ng selula. Ayon sa ebolusyonista at biyologong si Kenneth Miller, “dahil sa ganitong ayos, kumakalat ang liwanag anupat mas kaunting detalye ang nakikita natin kaysa sa maaari nating makita.”
Kaya sinasabi ng mga ebolusyonista na ang pabaligtad na retina ay katibayan ng pangit na disenyo—o talagang hindi dinisenyo. Sinabi pa nga ng isang siyentipiko na “walang-kuwenta ang pagkakaayos ng nakabaligtad na retina.” Pero ipinapakita ng higit pang pagsasaliksik na tamang-tama ang puwesto ng retina sa tabi ng pigment epithelium—ang suson ng selula na nagbibigay ng oksiheno at nutrisyon na mahalaga sa matalas na paningin. Sa katunayan, sinasabi ng ilang eksperto na kung ang suson ng mga selulang ito ay nasa harap ng retina, magiging malabo ang paningin.
Ang nakabaligtad na retina ay tamang-tama sa mga vertebrate na maliliit ang mata. Sinabi ng propesor na si Ronald Kröger, ng University of Lund sa Sweden: “Dapat na may tamang distansiya sa pagitan ng lente ng mata at ng mga photoreceptor para maging malinaw ang paningin. Dahil puno ng nerve cell ang distansiyang ito [ang retina], nakatipid sa mahalagang espasyo ang mga vertebrate.”
Bukod diyan, dahil dikit-dikit ang mga nerve cell sa retina at malapit sa mga photoreceptor, mabilis at tumpak nitong nasusuri ang mga nakikita ng mata.
Ano sa palagay mo? Ang pagkakaayos ba ng nakabaligtad na retina ay mali at nagkataon lang? O may nagdisenyo nito?
[Dayagram sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga selula ng photoreceptor
Liwanag
Pigment epithelium
Liwanag
Retina
Optic nerve