Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lindol sa Haiti—Kung Paano Ipinakita ang Pananampalataya at Pag-ibig

Lindol sa Haiti—Kung Paano Ipinakita ang Pananampalataya at Pag-ibig

Lindol sa Haiti​—Kung Paano Ipinakita ang Pananampalataya at Pag-ibig

Martes, Enero 12, 2010, 4:53 ng hapon, nakarinig si Evelyn ng dagundong na gaya ng tunog ng napakalaking eroplano na pumapaitaas, at nagsimulang mayanig ang lupa. Dinig na dinig ang pagbagsak ng mga gusali. Nang huminto ang pagyanig, umakyat si Evelyn sa mataas na lugar para makita ang nangyayari. Narinig niya ang hagulhol ng mga tao sa palibot. Dahil sa kapal ng abo, halos walang makita sa kabisera ng Haiti na Port-au-Prince.

SA LOOB lang ng ilang segundo, gumuho ang mga bahay, gusali ng gobyerno, bangko, ospital, at paaralan. Marami ang namatay, mayaman at mahirap, bata at matanda​—mahigit 220,000 katao. Mga 300,000 ang nasugatan.

Marami sa nakaligtas ay tulalang nakatingin sa bumagsak nilang bahay. Ang iba naman ay natataranta at manu-manong naghuhukay sa mga guho para iligtas ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay. Nawalan ng kuryente, at napakadilim sa paligid, kaya flashlight at kandila lang ang gamit ng mga rescuer.

Sa lunsod ng Jacmel, naipit ang 11-anyos na si Ralphendy sa isang gusali na hindi pa lubusang bumagsak. Mga ilang oras ding sinikap ng rescue team sa lunsod na iyon na mailigtas siya. Patuloy ang pagyanig, kaya napilitan ang mga rescuer na huminto dahil baka tuluyan nang bumagsak ang gusali at matabunan sila. Pero ayaw sumuko ni Philippe, isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya, “Hindi ko maatim na iwan doon si Ralphendy at mamatay.”

Pinilit ni Philippe at ng tatlong iba pa na makapasok sa napakakitid na daan. Dahan-dahan silang lumapit kay Ralphendy na naipit ang mga paa sa guho. Hatinggabi na noon at maingat nilang tinanggal ang mga nakadagan kay Ralphendy. Sa bawat pagyanig, naririnig nilang nabibiyak ang mga semento. Alas-singko na ng umaga, mahigit 12 oras matapos lumindol, nang mailigtas nila si Ralphendy.

Pero hindi lahat ng gayong pagsisikap ay matagumpay. Sa Léogâne, isang lunsod na lubhang napinsala ng lindol, nakaligtas si Roger at ang nakatatanda niyang anak na si Clid sa pagbagsak ng kanilang bahay. Namatay ang nakababata niyang anak na si Clarence. Ang asawa naman niyang si Clana ay buhay at nakapagsasalita pa, pero naipit ang ulo nito sa bumagsak na kisame. Sinikap ni Roger at ng kaniyang kaibigan na makuha siya. “Dalian ninyo!” ang sigaw ni Clana. “Nanghihina na ako! Nahihirapan na akong huminga!” Pagkalipas ng tatlong oras, dumating ang isang rescue team. Pero patay na si Clana nang makuha nila.

Miyerkules, Enero 13, Ikalawang Araw

Pagsapit ng bukang-liwayway, kitang-kita na kung gaano kalaki ang pinsala. Nasalanta ang halos buong Port-au-Prince. Nang mapabalita ito sa buong daigdig, maraming tao at organisasyon ang napakilos na tumulong. Ang lindol ay naramdaman din ng mga boluntaryo sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic, mga 300 kilometro ang layo. Nalaman nila na ang sentro ng lindol ay malapit sa Port-au-Prince kung saan nakatira ang halos sangkatlo ng populasyon ng Haiti na siyam na milyon. Kaya nagplano agad ang mga Saksi sa Dominican Republic para makatulong.

Huling naramdaman ang isang malakas na lindol sa Haiti 150 taon na ang nakalilipas. Kaya naman, bibihira na ang mga gusaling itinatayo na makatatagal sa lindol. Ang nasa isip kasi ng mga tao ay ang bagyo at baha. Kaya karamihan ng pader at mabibigat na kongkretong bubong ay bumagsak sa lindol na may magnitude na 7.0. Pero sumunod sa pamantayan ng pagtatayo para sa lindol ang mga Saksi ni Jehova sa Haiti nang itinayo nila ang kanilang tanggapan noong 1987. Kaya kahit malapit ito sa dulong silangan ng Port-au-Prince, hindi ito napinsala.

Sa loob lang ng isang gabi, naging relief center na ang tanggapan sa Haiti. Dahil hindi na maaasahan ang mga linya ng telepono at Internet, dalawang beses nagbiyahe ang mga boluntaryo mula sa tanggapan patungong border ng Dominican Republic para magdala ng report. Samantala, dumagsa sa tanggapan sa Haiti ang daan-daang biktima na marami ay lubhang nasugatan. Maraming iba pa ang dinala sa iilan na lang ospital na hindi bumagsak. Pero sa dami ng pasyente roon, hindi na maasikaso lahat.

Sa mga ospital, nakahandusay sa sahig ang mga biktima​—humihiyaw sa sakit at duguan. Isa sa kanila si Marla, na walong oras na nadaganan sa isang gumuhong gusali. Hindi niya maigalaw ang kaniyang mga binti. Nailigtas siya ng kaniyang mga kapitbahay at dinala siya sa isang ospital, pero saan? Si Evan, isang doktor na Saksi mula sa Dominican Republic, ang naghanap kay Marla, bagaman pangalan lang nito ang alam niya.

Gabi na naman at mahigit 24 na oras na ang lumipas matapos ang lindol. Nananalangin si Evan at tinatawag ang pangalang Marla habang nahahakbangan niya ang mga bangkay sa labas ng isang ospital. Sa wakas, may narinig siyang sumagot, “Po!” Nakatingin sa kaniya si Marla at nakangiti. Nagtaka si Evan kaya itinanong niya, “Bakit ka nakangiti?” Sumagot siya, “Dahil kasama ko na ngayon ang kapatid ko sa pananampalataya.” Hindi mapigilan ni Evan na umiyak.

Huwebes, Enero 14, Ikatlong Araw

Nag-organisa ng relief operation ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos​—kasama na ang mga tanggapan sa Alemanya, Canada, Dominican Republic, Guadeloupe, Martinique, Pransiya, at iba pa​—para tiyaking magiging maayos ang transportasyon, komunikasyon, at ang pamamahagi ng pondo at mga suplay para sa mga biktima ng lindol. Isinaayos din nila ang gagawin ng mga boluntaryo. Lahat-lahat, 78 propesyonal sa medisina na mga Saksi ni Jehova, kasama ang maraming iba pang boluntaryo, ang dumating para tumulong. Pagsapit ng 2:30 ng umaga, umalis ang unang trak sa tanggapan sa Dominican Republic papuntang Haiti sakay ang mga 6,804 na kilo ng pagkain, tubig, gamot, at iba pa.

Nang dumating sa Haiti ang trak noong umaga ring iyon, inayos ng mga boluntaryo sa tanggapan ang suplay para maipamahagi ito. Gumawa ng paraan ang mga relief worker para ang kanilang kargada ay hindi maging takaw-tingin sa mga gustong magnakaw ng pagkain para lang ibenta. Gabi’t araw nagtrabaho ang mga boluntaryo. Hinati-hati nila ang mga pagkain at iba pang suplay at inilagay sa maliliit na bag para ipamigay sa mga pamilya at indibiduwal. Nang sumunod na mga buwan, nakapamahagi ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit 450,000 kilo ng donasyong relief, kasama na ang mahigit 400,000 pagkain.

Biyernes, Enero 15, Ikaapat na Araw

Tanghaling-tapat nang dumating sa Haiti ang 19 na doktor, nars, at iba pang propesyonal sa medisina na Saksi mula sa Dominican Republic at Guadeloupe. Gumawa agad sila ng isang first-aid clinic. Ginamot doon ang mga nasugatan kasama na ang napakaraming bata galing sa isang ampunan. Binigyan din ng mga boluntaryong Saksi ang ampunan ng mga pagkain at lona na masisilungan. “Laking pasasalamat ko sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng direktor ng ampunan na si Étienne. “Paano na lang kami kung wala sila?”

Nawala at Natagpuan

Nang lumindol, nakita ng siyete-anyos na si Islande mula sa bahay nila na pumuputok at napapatid ang mga linya ng kuryente. Gumuho ang mga dingding ng kanilang bahay. Nabagsakan siya, nabali ang kaniyang binti, at napinsala siya nang malubha. Nang makuha siya ng kaniyang tatay na si Johnny mula sa guho, dinala siya nito sa isang ospital sa Dominican Republic malapit sa border. Mula roon, inilipat siya sa isang ospital sa Santo Domingo, ang kabisera ng bansang iyon. Pero nang tumawag doon si Johnny, wala roon si Islande.

Dalawang araw na kung saan-saan hinanap ni Johnny si Islande, pero hindi niya ito nakita. Dinala pala si Islande sa ibang ospital. Doon, nanalangin siya kay Jehova, at narinig ito ng isang boluntaryo. (Awit 83:18) “Mahal mo ba si Jehova?” ang tanong ng boluntaryo. “Opo,” ang sagot niya habang naluluha. “Huwag ka nang mag-alala,” ang sabi ng boluntaryo. “Tutulungan ka ni Jehova.”

Humingi ng tulong si Johnny sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic para hanapin si Islande. Nagboluntaryo ang Saksing si Melanie na hanapin si Islande. Habang nagtatanong si Melanie sa isang ospital, narinig ito ng boluntaryong nakarinig sa panalangin ni Islande. Itinuro niya kay Melanie ang kinaroroonan ng bata. Kaya naibalik siya sa kaniyang pamilya.

Mga Operasyon at Rehabilitasyon

Hindi nagamot o hindi gaanong naasikaso ang marami sa mga nasaktan bago sila madala sa klinikang ginawa sa tanggapan ng mga Saksi sa Haiti. Kaya nagnanaknak na ang kanilang mga sugat sa biyas. Kadalasan, pagputol sa bahaging ito ng katawan ang tanging makapagsasalba sa buhay ng pasyente. Kulang na ang suplay ng gamot, anestisya, at kagamitan sa pag-oopera mga ilang araw pa lang matapos ang lindol. Nakakatrauma ang sitwasyon kahit sa mga doktor. Sinabi ng isang lalaki, “Sana mabura ng Diyos sa memorya ko ang mga nakita at narinig ko.”

Isang linggo pa lang ang nakalilipas matapos ang lindol, dumating ang mga doktor na Saksi mula sa Europa dala-dala ang mga kagamitan sa pag-oopera. May mga karanasan na sila sa pagsasagawa ng mga komplikadong operasyon na kailangang gawin agad. Nagsagawa sila ng 53 operasyon at libu-libong iba pang panggagamot. Si Wideline na 23 anyos at isang Saksi ay dumating sa Port-au-Prince isang araw bago ang lindol. Nadurog ang kanang braso niya nang lumindol kaya pinutol ito sa isang ospital doon. Pagkatapos, dinala siya ng kaniyang mga kamag-anak sa isang ospital malapit sa kanilang bahay sa Port-de-Paix na pitong oras na biyahe. Pero lalong lumala ang kondisyon ni Wideline, at inisip ng mga doktor at nars na wala na silang magagawa para mabuhay siya.

Nang malaman ito ng grupo ng mga doktor na Saksi, pinuntahan nila si Wideline at dinala siya sa Port-au-Prince para magamot. Napapalakpak ang ibang mga pasyente nang makita nila na kinuha siya ng kaniyang mga kapananampalataya. Sa tulong ng kaniyang pamilya at mga kakongregasyon, nakapag-a-adjust na ngayon si Wideline.

Sa Dominican Republic, umupa ng mga bahay ang mga Saksi ni Jehova para gawing rehabilitation center ng mga pasyente. Hali-halili ang mga boluntaryong Saksi sa pagbabantay​—mga doktor, nars, physical therapist, at caregiver. Masaya nilang inasikaso ang mga pasyenteng nagpapagaling doon.

Pagpapakita ng Pag-ibig at Pagbabahagi sa Iba ng Paniniwala at Pag-asa

Anim lang sa 56 na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa mga lugar na tinamaan ng lindol sa Haiti ang napinsala. Karamihan sa mga Saksing nawalan ng bahay ay tumira muna sa mga Kingdom Hall na hindi napinsala at iba pang ligtas na lugar. Sanay ang mga Saksi na magtipun-tipon kaya naging maayos ang kalagayan nila tulad ng ginagawa nila sa kanilang mga asamblea.

“Patuloy pa rin ang mga gawain ng kongregasyon,” ang sabi ni Jean-Claude, isang tagapangasiwa sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Napapatibay nito kapuwa ang mga bata at matanda.” Ano ang resulta? “Masayang-masaya akong makita na nangangaral pa rin ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng isang lalaki. “Dahil sa pagdalaw ninyo, gumaan ang pakiramdam namin.”

Pinatibay ng mga Saksi ang mga tao. “Halos lahat ng nakakausap namin ay naniniwala na parusa ng Diyos ang lindol,” ang sabi ng isang Saksi. “Ipinaliliwanag namin sa kanila na ang lindol ay isang likas na sakuna at hindi kagagawan ng Diyos. Ipinakikita namin sa kanila ang Genesis 18:25. Sinabi roon ni Abraham na imposibleng puksain ng Diyos ang mabubuting tao kasama ng masasama. Ipinakikita rin namin ang Lucas 21:11. Mababasa roon ang hula ni Jesus na magkakaroon ng malalakas na lindol sa panahon natin, at ipinaliliwanag namin sa kanila na malapit na niyang wakasan ang lahat ng pagdurusa at buhaying-muli ang mga mahal natin sa buhay na namatay na. Maraming tao ang labis na nagpapasalamat dahil nalaman nila ito.” *

Gayunman, nandiyan pa rin ang mga problema. “Una, ang lindol. Ngayon naman, ang resulta nito,” ang sabi ni Jean-Emmanuel, isang doktor na Saksi. “Posibleng kumalat ang sari-saring sakit dahil sa pagsisiksikan sa mga kampong hindi malinis at madalas na nababasa ng ulan. Problema rin ang naranasang trauma ng mga tao na hindi nila mailabas.”

Ilang linggo pagkatapos ng lindol, nagpunta sa klinika ang isang Saksi. Inireklamo niya na hindi mawala ang sakit ng ulo niya at hindi siya mapagkatulog, na karaniwang reklamo ng isang biktima ng sakuna. “Tinamaan ba ang ulo mo?,” ang tanong ng isang nars na Saksi. “Hindi naman,” ang simpleng sagot niya. “Namatay ang asawa ko na 17 taon ko nang kasama. Pero inaasahan naman natin iyon. Sinabi iyon ni Jesus.”

Nang makita ang posibleng dahilan ng problema, sinabi ng nars: “Pero namatayan ka ng asawa. Napakasakit noon! Okey lang na umiyak ka at magdalamhati. Si Jesus nga napaiyak nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro.” Nang sandaling iyon, napahagulhol ang lalaki.

Sa mahigit 10,000 Saksi sa lugar na iyon, 154 ang namatay sa lindol. Tinataya na mahigit 92 porsiyento ng mga nakatira sa Port-au-Prince ang namatayan ng isang mahal sa buhay o higit pa. Para matulungan ang mga nagdadalamhati, paulit-ulit na dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong nasaktan at natrauma. Binigyan nila ng pagkakataon ang mga ito na mailabas ang nadarama nila sa isa na mapagkakatiwalaan nila. Alam ng nagdadalamhating mga Saksi ang pangako sa Bibliya na pagkabuhay-muli at isang paraisong lupa. Pero kailangan pa rin nilang mailabas ang nadarama nila sa madamaying mga kapananampalataya at makarinig ng mga pampatibay-loob.

Pagharap sa Kasalukuyan at sa Hinaharap

Isinulat ni apostol Pablo: “Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Ang gayong mga katangian ang tumulong sa maraming Saksi sa Haiti na makayanan ang pinagdaraanan nila ngayon, patibayin ang iba, at harapin ang bukas nang walang takot. Kitang-kita sa mga pagsisikap na ito ang tunay na pananampalataya, pagkakaisa, at pag-ibig ng mga Saksi mula sa iba’t ibang bansa. “Ngayon lang ako nakasaksi ng ganitong pagpapakita ng pag-ibig,” ang sabi ni Petra, isang boluntaryong doktor na Saksi mula sa Alemanya. “Naiyak ako sa pagdurusang nakita ko. Pero mas naiyak ako sa tuwa dahil sa pag-ibig na nadama ko.”

Tinawag ng The Wall Street Journal ang lindol sa Haiti ng 2010 na “pinakamapangwasak na likas na sakuna na naranasan ng isang bansa batay sa ilang kategorya.” Pero nasundan pa ito ng malalaking sakuna na likas at gawa ng tao. Magwawakas pa kaya ang mga ito? Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova sa Haiti at sa buong daigdig na malapit nang tuparin ng Diyos ang kaniyang pangako: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

[Talababa]

^ par. 31 Tingnan ang kabanata 11, “Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 15]

“Hindi ko maatim na iwan doon si Ralphendy at mamatay”

[Blurb sa pahina 19]

“Masayang-masaya akong makita na nangangaral pa rin ang mga Saksi ni Jehova”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

PAGTATAYO NG BAHAY PARA SA MGA BIKTIMA

Isang buwan matapos ang lindol, tiningnan ng mga civil engineer na Saksi kung aling mga bahay ang puwede pang tirhan. Marami sa nawalan ng bahay ang kailangan ng pansamantalang matutuluyan hanggang sa magkaroon na sila ng permanenteng bahay.

“Mula sa natutuhan namin sa mga internasyonal na relief organization, nakapagdisenyo kami ng mga bahay na madaling itayo at hindi gaanong mahal. Halos kasinlaki ito ng dating bahay ng marami sa biktima,” ang sabi ni John, isang boluntaryo sa tanggapan sa Haiti. “Hindi ito basta magigiba, sakali mang may dumaang malakas na ulan, hangin, at lindol, kaya ligtas itong tirahan.” Tatlong linggo lang matapos ang lindol, nagsimula nang magtayo ng pansamantalang matitirhan ng mga biktima ang isang grupo ng mga boluntaryo mula sa Haiti at sa iba’t ibang bansa.

Nagsaya ang mga tao nang makita nilang dumadaan ang mga trak na may dalang mga bahagi ng bahay na nakahanda nang buuin. Isang opisyal ng adwana sa Haiti, na nag-apruba ng pagpasok ng mga materyales sa pagtatayo, ang nagsabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay isa sa mga unang dumating para tumulong. Hindi sila puro salita, ginagawa nila ito.” Sa loob lang ng ilang buwan matapos ang lindol, nakapagtayo na ng 1,500 bahay ang mga Saksi para sa mga biktima ng lindol.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HAITI

PORT-AU-PRINCE

Léogâne

Epicenter

Jacmel

DOMINICAN REPUBLIC

[Larawan sa pahina 16]

Marla

[Larawan sa pahina 16]

Islande

[Larawan sa pahina 16]

Wideline

[Larawan sa pahina 18]

Isang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Haiti na handang makipag-usap sa mga biktima ng sakuna para patibayin sila

[Larawan sa pahina 18]

Ginagamot ng isang doktor ang isang bata sa klinika na ginawa ng mga Saksi ni Jehova