Mga Taong Puwede Mong Mapagkatiwalaan
Mga Taong Puwede Mong Mapagkatiwalaan
Hindi na nagdalawang-isip si Santiago, isang drayber ng taxi sa Argentina, kung ano ang gagawin niya. Nang may naiwang bag sa taxi niya, isinauli niya ito sa may-ari. Parang pangkaraniwan lang ang ginawa ni Santiago, pero ang laman ng bag ay mahigit $32,000!
DARATING kaya ang panahon na lahat ng tao ay mapagkakatiwalaan? Napakaganda nga kung mangyayari iyan! Hindi ka matatakot na iwan ang anak mo sa isang yaya. Hindi mo na rin kailangan ng mga susi o kandado sa pinto. Panaginip lang kaya ang mga ito?
Sumusunod sa Simulain ng Bibliya
Sinabi ng Kristiyano na si apostol Pablo tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Iyan ang sinisikap gawin ng mga Saksi ni Jehova. Tunguhin nilang magkaroon ng mga katangiang gaya ng mababasa sa Isaias 33:15: “May isa na lumalakad sa namamalaging katuwiran at nagsasalita ng bagay na matuwid, na nagtatakwil ng di-tapat na pakinabang na galing sa mga pandaraya, na nagpapagpag ng kaniyang mga kamay sa pagkuha ng suhol.” Paano sinusunod ng ilan ang simulaing ito?
● ‘Magsalita ng bagay na matuwid.’ Si Domingo, isang Saksi ni Jehova, ay nagtatrabaho sa isang koprahan sa Pilipinas. “Marami ang di-tapat sa kanilang mga amo,” ang sabi niya. “Halimbawa, kapag nagtitipon sila ng kopra, hindi nila sinasabi kung ilang sako talaga ang nakukuha nila. Kaya patago silang nakapagbebenta ng ilang sako ng kopra.”
Muntik nang mapaalis si Domingo at ang pamilya niya sa koprahan dahil ayaw nilang magsinungaling tungkol sa dami ng kanilang ani. Pero ikinuwento ni Domingo: “Sinabi namin sa aming amo na kahit paalisin pa kami, hindi kami magsisinungaling. Nang maglaon, sinabi ng amo namin na ang mga Saksi ni Jehova ay mabubuting tao at mapagkakatiwalaan, at binigyan niya kami ng karagdagang lupa para sakahin.”
● ‘Itakwil ang di-tapat na pakinabang.’ Si Pierre, chief tax officer sa isang rehiyon sa Cameroon, ay nagkaroon sana ng maraming pagkakataon na magkapera nang walang kahirap-hirap. Nang una siyang utusang magpasuweldo sa mga empleadong di-regular, may napansin siyang mali. “May nakalaan pa ring sahod kahit sa mga empleadong tapos na ang kontrata o patay na,” ang sabi ni Pierre. “Sa halip na isiping ibulsa ang pera, nag-ingat ako
ng tumpak na rekord at itinabi ko ang pondong ito.”Ano ang resulta? “Pagkatapos ng dalawang taon,” sinabi ni Pierre, “in-audit ang opisina namin. Buong-pagmamalaki kong ibinigay sa kanila ang tumpak na rekord at ang pondo, na noon ay malaki na. Pinasalamatan ako ng mga auditor dahil sa aking katapatan.”
● Huwag tumanggap ng “suhol.” Si Ricardo ay madalas na inaalukan ng suhol sa kaniyang pagnonotaryo sa Rio de Janeiro, Brazil. “Minsan,” ang sabi niya, “sinubukan akong suhulan ng isang abogado. Nagpadala siya ng CD player sa bahay namin nang hindi sinasabi sa akin. Bagong labas pa lang ang CD player noon at napakamahal pa.”
Ano ang ginawa ni Ricardo? “Hindi namin binuksan ng misis ko ang kahon,” ang sabi niya. “Nagulat ang abogado nang pumunta ako sa kaniyang opisina at isauli ko ang regalo. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon para ipaliwanag sa kaniya kung bakit ko ito isinasauli. Humanga ang sekretarya niya sa ginawa ko.”
Totoo, maraming tao ang nagsisikap na maging matuwid, pero ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa kanilang katapatan. Ito ang dahilan
kung bakit mga Saksi ni Jehova lang ang kinukuhang empleado ng isang Polako sa kaniyang mga tindahan ng damit. Sinabi ng kaniyang sales manager: “Maraming taong tapat, pero ang mga Saksi ni Jehova ay may prinsipyo at nanghahawakan sila rito.”Mapagkakatiwalaan Kahit Mahirap
Iniisip ng maraming tao na kapag mahirap ka, puwede ka nang mandaya. Halimbawa, iniulat ng CNN ang tungkol sa isang 14-anyos na lalaking taga-Nigeria na araw-araw nanggagantso sa Internet. “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” ang katuwiran niya. “Pinakakain ko ang pamilya ko—ang kapatid ko, nanay ko, at tatay ko. Kailangan naming mabuhay.”
Oo, hindi nangangako ang Bibliya na yayaman ang mga mananatiling matuwid, pero tinitiyak nito na hindi sila magkukulang sa kanilang pangunahing pangangailangan. Sinasabi sa Isaias 33:16: “Ang kaniyang tinapay ay tiyak na mabibigay sa kaniya; ang kaniyang laang tubig ay di-kakapusin.”
Pero baka maitanong ng ilan: ‘Praktikal bang maging tapat kahit napakahirap na ng sitwasyon? Paano naman ang mga isang kahig, isang tuka?’
Si Berthe ay isang biyudang taga-Cameroon na nagtitinda ng miando, suman na kamoteng-kahoy. “Ang isang balot ng miando ay mayroong 20 piraso,” ang sabi niya. “Karaniwan nang 17 o 18 lang ang inilalagay ng ibang tindera, pero ayokong mandaya para lang kumita.”
Palagi bang may benta si Berthe? Sinabi niya, “Madalas na lumilipas ang araw na wala akong
benta. . . . Inuutang ko muna ang aking pagkain sa tindahan at pumapayag naman sila dahil alam nilang babayaran ko sila kapag nagkapera na ako. Nakuha ko na kasi ang tiwala nila.”Isang Diyos na Mapagkakatiwalaan Natin
Lumalaki ang ating tiwala sa isa kapag ginagawa niya kung ano ang sinabi niya. Sinabi ni Josue, isang lider ng sinaunang Israel, tungkol sa Diyos: “Walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova . . . Ang lahat ay nagkatotoo.” (Josue 21:45) May matibay rin ba tayong dahilan para magtiwala sa Diyos?
Ang mga pangako ng Diyos ay talagang maaasahan. Itinulad niya ang kaniyang salita sa ulan. (Isaias 55:10, 11) Ano ang makapipigil sa pagbuhos ng ulan, anupat dinidilig nito ang lupa, at tumutubo ang mga halaman? Wala! Wala ring makapipigil sa katuparan ng mga pangako ng Diyos.
Nakaulat sa 2 Pedro 3:13 ang isa sa mga pangakong iyon, na nagsasabi: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Layunin ng Diyos na alisin sa lupa ang lahat ng nananamantala sa kanilang kapuwa. Gusto mo bang malaman nang higit kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin? Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa isang angkop na adres sa pahina 5 ng magasing ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
MAY GANTIMPALA ANG KATAPATAN
Nasubok ang pagkamatapat ni Lucio, isang Saksi ni Jehova sa Pilipinas. Habang nililinis niya ang isang lumang kabinet sa isang opisina, nakakita siya ng $27,500. Ang opisina—at ang pera—ay sa boss niya, na nagpunta sa ibang lugar para sa negosyo. “Noon lang ako nakakita ng dolyar!” ang sabi ni Lucio.
Nang bumalik ang boss ni Lucio, ibinigay niya rito ang pera. Ano ang resulta? “Binigyan ako ng higit na responsibilidad,” ang sabi ni Lucio. “Binigyan pa nga niya ng isang kuwartong matitirhan ang aking buong pamilya. Kahit na mahirap ang buhay rito sa Pilipinas, damang-dama ko ang pangangalaga ng Diyos na Jehova dahil sumusunod kami sa mga batas Niya.”
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
TIMBANGANG WALANG DAYA
Maraming suki si Moïse, nagtitinda ng isda sa palengke ng Douala, Cameroon. Sinabi niya, “Tinawag ko ang tindahan ko na ‘Timbangan ng Bayan,’ dahil ang timbangan ko ay isa sa iilang timbangan na walang daya sa buong palengke. Alam kong sinusubok ako ng mga tao. Kapag bumili sila ng isang kilong isda, eksaktong isang kilo ang ibinibigay ko. Titimbangin nila iyon sa ibang timbangan at makikita nila na sobra sa isang kilo ang nakuha nila! Kaya nalalaman nila na hindi ko sila dinadaya! Marami ang nagsasabi sa akin, ‘Sa ’yo kami bumibili kasi hindi ka nandadaya.’”
[Larawan sa pahina 7]
“Sinabi namin sa aming amo na kahit paalisin pa kami, hindi kami magsisinungaling.”—Domingo, Pilipinas.
[Larawan sa pahina 7]
“Pinasalamatan ako ng mga auditor dahil sa aking katapatan.”—Pierre, Cameroon.
[Larawan sa pahina 7]
“Sinubukan akong suhulan ng isang abogado. . . . Hindi namin binuksan ng misis ko ang kahon.”—Ricardo, Brazil.
[Larawan sa pahina 7]
Madalas na lumilipas ang araw na walang benta si Berthe. Inuutang muna niya ang kaniyang pagkain sa tindahan at pumapayag naman ang mga ito dahil alam nilang babayaran niya sila kapag nagkapera na siya.