Ang Kinatakutang Sakit ng Ika-19 na Siglo
Ang Kinatakutang Sakit ng Ika-19 na Siglo
Taóng 1854 nang muling naging epidemya ang sakit na kolera sa London. Napakabilis kumalat ng sakit na ito. Marami ang malusog sa umaga pero kinagabihan ay patay na. Wala pang lunas noon para sa sakit na ito.
ITO ang kinatakutang sakit ng siglo, at misteryo noon ang sanhi nito. Akala ng ilan, ang kolera—isang sakit sa bituka na may kasamang matinding pagtatae at dehydration—ay dulot ng nalalanghap na mabahong amoy ng nabubulok na bagay. Makatuwiran naman ang kanilang hinala. Napakabaho ng Ilog Thames na bumabagtas sa buong London. Ang mabahong hangin kaya ang nagdala ng sakit?
Limang taon bago ang epidemyang ito, sinabi ng doktor na si John Snow na malamang na hindi sa maruming hangin nakukuha ang kolera kundi sa kontaminadong tubig. Naniniwala naman ang doktor na si William Budd na isang nabubuhay na organismong parang fungus ang sanhi ng sakit na ito.
Sa kasagsagan ng epidemya noong 1854, gustong malaman ni Snow kung tama ang hinala niya. Pinag-aralan niya ang mga taong nagkasakit ng kolera sa distrito ng Soho sa London. ‘Ano kaya ang kanilang pagkakatulad?’ ang gusto niyang malaman. Nakagugulat ang natuklasan ni Snow. Lahat ng may kolera sa lugar na iyon ay nakainom ng tubig mula sa iisang poso na kontaminado ng baktirya ng kolera na galing sa imburnal. *
Nang taon ding iyon, may isa pang mahalagang tuklas sa medisina na inilathala ng Italyanong siyentipiko na si Filippo Pacini. Inilarawan niya ang isang buháy na organismo na sanhi ng kolera. Pero sa pangkalahatan, hindi pinansin ang resulta ng pagsasaliksik niya, pati na rin ang kay Snow at kay Budd. Patuloy na kumalat ang kolera hanggang noong 1858.
Dahil sa Napakabahong Amoy
Hindi agad inasikaso ng Parlamento ang pagtatayo ng bagong sistema ng imburnal na maglilinis sa Thames. Pero dahil sa matinding init noong tag-araw ng 1858, napilitan silang umaksiyon. Napakabaho talaga ng ilog na malapit sa
House of Commons anupat napilitan ang mga pulitiko na maglagay sa kanilang bintana ng kurtinang ibinabad sa disinfectant para mabawasan ang mabahong amoy. Ito ang nagtulak sa Parlamento na kumilos. Pagkalipas ng 18 araw, inilabas na ang utos na magtayo ng bagong sistema ng imburnal.Gumawa ng malalaking imburnal para sa halip na mapunta ang maruming tubig sa ilog, mailihis ito patungong silangan ng London. Pagkatapos, pakakawalan ito sa dagat kapag high tide para maanod palayo. Napakaganda ng naging resulta. Matapos magawa ang bagong sistema ng imburnal sa buong London, natapos rin ang epidemya ng kolera.
Isang bagay ang natiyak: Hindi mabahong hangin ang sanhi ng kolera kundi kontaminadong tubig o pagkain. Maliwanag, mahalaga ang kalinisan para maiwasan ito.
May Batas Na Noon Pa Man
Libu-libong taon bago pa magkaroon ng epidemya ng kolera sa London, pinangunahan ni Moises ang bansang Israel palabas ng Ehipto. Mga 40 taon silang naglakbay sa ilang sa Sinai. Pero wala silang naranasang anumang epidemya gaya ng kolera. Paano nangyari iyon?
Inutusan ang mga Israelita na ibaon ang kanilang dumi sa isang lugar malayo sa kampo para manatiling malinis ang kampo at hindi makontamina ang pinagkukunan nila ng tubig. Ganito ang utos na nakatala sa Bibliya sa Deuteronomio 23:12, 13:
“Magtakda kayo sa labas ng kampo ng mapagtatapunan ng inyong dumi. Maghahanda kayo ng panghukay at kung kayo’y makaramdam ng pagdumi, huhukay kayo ng inyong dudumihan at pagkatapos dumumi, tatabunan ninyo.”—“Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.”
Dahil sa simpleng tagubiling ito, naiwasan ng mga Israelita ang maraming sakit na sumalot * Narito ang isang halimbawa.
sa kalapit nilang mga bansa. Ang ganitong mga kaugalian sa kalinisan ay nakasagip din ng maraming buhay sa modernong panahon.“Walang Kumalat na Sakit sa Amin”
Noong dekada ’70, napilitang lumikas ang maraming Saksi ni Jehova mula sa Malawi dahil sa pag-uusig. Lumikas sila sa katabing bansa na Mozambique. Tumira sa sampung refugee camp ang mahigit 30,000 lalaki, babae, at bata. Gaya ng alam ng marami, madaling kumalat ang mga sakit na nakukuha sa tubig sa mga refugee camp. Ano kaya ang ginawa ng mga Saksi?
Si Lemon Kabwazi, kasama ang 17,000 iba pa, ay tumira sa pinakamalaking kampo sa Mlangeni. Naalaala niya: “Laging malinis ang kampo. May mga hukay sa labas ng kampo na nagsilbing palikuran, at walang pinahintulutang maghukay ng sariling palikuran sa loob. Naghukay rin kami ng mga tapunan ng basura malayo sa kampo. Sinigurado ng mga boluntaryo na malinis ang buong paligid, pati na ang tubig na mula sa mga balon na hinukay sa ibang lugar sa labas ng kampo. Kahit na hirap kami sa dami namin, sinunod namin ang pamantayan ng Bibliya sa kalinisan, kaya hindi kami nagkaroon ng anumang malubhang sakit, at walang nagkasakit ng kolera.”
Nakalulungkot, maraming lugar sa ilang bahagi ng daigdig ang wala pa ring maayos na sistema ng imburnal. Mga 5,000 bata ang namamatay araw-araw dahil sa mga sakit na nakukuha sa dumi ng tao.
Totoo, ang kolera at iba pang sakit na katulad nito ay maiiwasan. Ang pagsisikap ng mga tao na panatilihing malinis ang kapaligiran ay nakatulong din nang malaki para maiwasan ang mga sakit. Pero ang Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa na malapit nang mawala ang lahat ng uri ng sakit. Sinasabi sa Apocalipsis 21:4 na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Nangangako ang Bibliya na sa panahong iyon, “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan, tingnan ang Kabanata 3 at 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga talababa]
^ par. 5 Mayroon nang mga inidorong may flush noong 1854. Pero dahil napakaluma na ng sistema ng imburnal, ang dumi ng tao galing sa mga kanal ay napupunta rin sa Thames—pangunahing pinagmumulan ng tubig na iniinom.
^ par. 15 Dahil nakukuha ang kolera sa kontaminadong pagkain o tubig, mahalagang tiyaking malinis ang kinakain at iniinom para maiwasan ito. Siguraduhing nilutong mabuti ang pagkain.
[Blurb sa pahina 21]
Ang Ilog Thames na bumabagtas sa London ay nakontamina ng baktirya ng kolera na galing sa imburnal, gaya ng makikita sa maraming larawan noong panahong iyon
[Larawan sa pahina 22]
Mahigit 30,000 lalaki, babae, at bata ang tumira sa sampung refugee camp sa Mozambique, na pinanatiling malinis
[Picture Credit Lines sa pahina 20]
Death on Thames: © Mary Evans Picture Library; map: University of Texas Libraries