Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Kaya Mawawala ang Kalungkutan Ko?
“Kapag nahihirapan ang mga kaibigan ko sa problema nila, tinutulungan ko sila at gumagaan ang loob nila. Pero ang hindi nila alam, pag-uwi ko sa bahay, umiiyak akong mag-isa sa kuwarto.”—Kellie. *
“Kapag malungkot ako, gusto kong mapag-isa. Kapag may nagyaya sa akin, nagdadahilan ako. Kayang-kaya kong itago sa pamilya ko na malungkot ako. Akala nila ayos lang ako.”—Rick.
NADAMA mo na rin ba ang nadama ni Kellie o ni Rick? Kung oo, huwag mo agad isiping may problema sa iyo. Ang totoo, lahat naman ay nalulungkot paminsan-minsan. Maging ang mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya ay nalungkot din.
Minsan, alam mo kung bakit ka malungkot, pero minsan naman ay hindi. “Hindi ka lang naman nalulungkot kapag may problema ka,” ang sabi ng 19-anyos na si Anna. “Puwede itong mangyari sa iyo anumang oras, kahit wala ka namang problema. Mahirap itong ipaliwanag, pero nangyayari!”
Anuman ang dahilan—o kahit wala naman talagang dahilan—ano ang puwede mong gawin kapag nadadaig ka ng lungkot?
Tip #1: Ipakipag-usap ito. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
Kellie: “Gumagaan talaga ang loob ko kapag ipinakikipag-usap ko ito sa iba. Sa wakas, may nakaaalam na kung ano ang pinagdaraanan ko. Para bang may naghagis sa akin ng lubid at iniahon ako mula sa bangin!”
Mungkahi: Isulat sa ibaba ang pangalan ng iyong “tunay na kaibigan” na napaghihingahan mo ng loob kapag sobra na ang lungkot mo.
․․․․․
Tip #2: Isulat ito. Kapag naaapektuhan ng lungkot ang iyong pangmalas sa buhay, subukan Awit 6:6) Kung gagawin mo ito, ‘maiingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip.’—Kawikaan 3:21.
mong isulat ang laman ng iyong isip. Noon, ipinahahayag ni David kung minsan sa kaniyang mga awit na ipinasulat ng Diyos ang kaniyang matinding kalungkutan. (Heather: “Kapag malungkot ako at kung anu-ano ang naiisip ko, isinusulat ko ito lahat. Natutulungan ako nito na makita at maintindihan ang nararamdaman ko. Kapag nailalabas mo ang damdamin mo, nababawasan ang lungkot mo.”
Mungkahi: Gusto ng ilan na gumawa ng diary. Kung gagawin mo ito, ano ang puwede mong isulat? Kapag malungkot ka, isulat mo kung ano ang nadarama mo at kung ano ang maaaring dahilan nito. Paglipas ng isang buwan, basahin mo ito. Ganoon pa rin ba ang nadarama mo? Kung hindi na, isulat kung ano ang nakatulong sa iyo.
Tip #3: Ipanalangin ito. Sinasabi ng Bibliya na kung ipananalangin mo ang iyong mga kabalisahan, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan.’—Filipos 4:7.
Esther: “Anuman ang gawin ko, hindi ko malaman kung bakit ako malungkot. Ayoko nang maging malungkot nang walang dahilan. Humingi ako ng tulong kay Jehova para maging masaya. Sa wakas, nawala ang kalungkutan ko. Huwag maliitin ang nagagawa ng panalangin!”
Mungkahi: Tularan ang nasa Awit 139:23, 24 kapag nananalangin kay Jehova. Ibuhos ang iyong niloloob, at hilingin mong ipaalam sa iyo ang dahilan ng iyong kalungkutan.
Malaking tulong din sa iyo ang Salita ng Diyos. (Awit 119:105) Kung pupunuin mo ang iyong isip ng mga pampatibay mula sa mga ulat ng Bibliya, magkakaroon ito ng magandang epekto sa iyong pag-iisip, nadarama, at pagkilos. (Awit 1:1-3) Nakapagpapasigla at kapana-panabik ang mga ulat sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa. Makatutulong din sa iyong pagbabasa ng Bibliya ang pag-aaral sa siyam na “Mabuting Halimbawa” mula sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Kabilang sa mga ulat ng Bibliya na tinalakay roon ang karanasan nina Jose, Hezekias, Lydia, at David. Sa pahina 227, makikita mo kung paano napaglabanan ni apostol Pablo ang kaniyang mga negatibong damdamin na kung minsan ay nadarama niya dahil sa di-kasakdalan.
Pero paano kung nalulungkot ka pa rin sa kabila ng iyong mga pagsisikap?
Kapag Hindi Pa Rin Mawala ang Iyong Kalungkutan
Sinabi ni Ryan, “May mga umaga na ayaw ko nang bumangon sa kama para harapin ang isa na namang walang-kuwentang araw.” Si Ryan ay may clinical depression, at hindi siya nag-iisa. Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral na 1 sa 4 na kabataan ang dumaranas ng depresyon bago maging adulto.
Paano mo malalaman kung may depresyon ka? Kabilang sa mga sintomas ang kapansin-pansing pagbabago sa mood at paggawi, pagbubukod ng sarili, kawalan ng interes sa halos lahat ng gawain, malaking pagbabago sa kaugalian sa pagkain at pagtulog, pagkadama ng kawalang-halaga, at paninisi sa sarili nang walang dahilan.
Siyempre, halos lahat naman ay dumaranas ng isa o higit pa sa mga sintomas na ito paminsan-minsan. Pero kung mahigit dalawang linggo mo na itong nararanasan, bakit hindi mo hilingin sa iyong mga magulang na ipa-check-up ka? Maaari kang matulungan ng isang doktor na malaman kung may medikal na dahilan ang iyong kalungkutan. *
Kung may clinical depression ka, wala kang dapat ikahiya. Matapos magpagamot sa doktor, marami ang bumuti ang pakiramdam—marahil, ang pinakamabuting naramdaman nila pagkatapos ng matagal na panahon! Pero depresyon man o hindi ang dahilan ng iyong kalungkutan, tandaan ang nakaaaliw na mga salita sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 23 Kapag masyado nang matagal ang nadaramang kalungkutan, iniisip ng ilang kabataan na magpakamatay. Kung pumasok na ito sa iyong isip, makipag-usap ka agad sa isang mapagkakatiwalaang adulto.—Tingnan ang Gumising! ng Mayo 2008, pahina 26-28.
PAG-ISIPAN
● Nakatutulong ba ang pag-iyak?
“Hindi ako iyakin, pero hindi ko mapigilang umiyak kapag nalulungkot ako. Pagkatapos kong umiyak, nahihimasmasan ako. Nakapag-iisip ako nang malinaw at nakakakita na ako ng pag-asa, masayang bukas.”—Leanne.
● Paano makatutulong ang iba para malabanan mo ang kalungkutan?
“Kapag malungkot ako, iniiwasan kong lumayo sa iba. Oo, maaaring kailangan kong mapag-isa para makapag-isip-isip at makaiyak. Pero pagkatapos, alam kong kailangan kong makihalubilo sa iba, para hindi ko maisip ang anumang nagpapalungkot sa akin.”—Christine.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Madalas na nalulungkot ako kapag puro sarili ko ang iniisip ko. Kaya kapag ibinabaling ko sa iba ang pansin ko at tumutulong sa kanila, nagiging masaya ulit ako.”
“Kapag regular akong nag-e-exercise, nababawasan ang lungkot ko dahil gumaganda ang tingin ko sa sarili ko. Nauubos na ang lakas ko sa pag-e-exercise kaya hindi na ko nakapag-iisip pa ng di-maganda!”
[Mga larawan]
Drenelle
Rebekah
[Larawan sa pahina 22]
Sa pagsisikap mo at sa tulong ng iba, malalabanan mo ang matinding kalungkutan