Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Pagpapalang Higit Pa sa Kayamanan (Marso 2009) Sinipi ng artikulo si Kostas, na nagsabi: “Hindi gusto ng Diyos na mabuhay tayo sa karangyaan.” Akala ko hindi mahalaga kay Jehova kung marami o kaunti ang taglay ng kaniyang mga lingkod, basta ang mahalaga ay inuuna Siya. Mali bang mabuhay nang marangya kung naglilingkod ka naman nang tapat kay Jehova?
J. D., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Hindi sinasabi ng Bibliya na masamang maging mayaman. Sa katunayan, maraming lingkod ng Diyos noon ang mayaman. (Genesis 25:5; 26:12-16; Job 1:1-3) Pero pinaaalalahanan ang mayayaman na ang ‘pagpaparangya ng kabuhayan ng isa ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.’ (1 Juan 2:16) Bukod diyan, sinabi ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Sinabi niya na dahil sa kagustuhang yumaman, napabayaan ng ilan ang kanilang espirituwalidad, at sila ay “nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:10) Siyempre, hindi naman sinasabi ng Salita ng Diyos na dapat makonsiyensiya ang mayayaman dahil mas marami silang taglay kaysa sa iba. Hinihimok ang mga Kristiyano na “maging mapagbigay, handang mamahagi,” kaunti man o marami ang taglay nila.—1 Timoteo 6:18.
Walang Tinig Subalit Naririnig (Oktubre 2008) Talagang napatibay ako ng artikulo tungkol kay Hillary, na may Rett syndrome. Ang aking limang-taóng-gulang na apo ay hindi makakita, makarinig, makalakad, makapagsalita, at makaupo. Ngayon, umaasa ako na kahit paano alam niya kapag kumakanta ako, nagbabasa, at nagsasalita, at kapag minamasahe ko siya. Naiyak ako sa sinabi ng nanay ni Hillary: “Kahit hindi ko marinig ang sinasabi niya, naririnig naman iyon ni Jehova.” Dahil dito, natanto ko na kahit hindi makapagsalita ang apo ko, nababasa ni Jehova ang laman ng puso niya.
M. A., Japan
Ang anak ko ay 43 taóng gulang na, pero ito ang unang artikulong nabasa ko na nakatulong sa akin na maintindihan ang kaniyang kalagayan at ang dahilan ng kaniyang sakit. Naiintindihan ko ang pinagdadaanan ni Hillary, ng kaniyang nanay, at kapatid kahit na libu-libong milya ang layo ko sa kanila. Nararanasan ko rin ang nararanasan nila at hinahangaan ko ang kanilang pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata.
T. Y., Ghana
Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon (Hunyo 2009) Maraming salamat sa inyong serye ng mga artikulo tungkol sa aborsiyon. Noong ako ay mahigit 20 anyos, ipinalaglag ko ang dinadala ko, at sising-sisi ako sa ginawa ko. Kung hindi ko nalaman ang katotohanan, mawawalan na ako ng pag-asa. Laking pasasalamat ko dahil may pag-asa pala ako at nalaman kong nagpapatawad si Jehova.
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makakayanan ang Pagkamatay ng Aking Magulang? (Agosto 2009) Ako ay 22 anyos pa lang. Biglaan ang pagkamatay ni Itay at parang gumuho ang mundo ko. Gaya ng sinabi sa artikulo, hindi ko na siya makakasama sa pinakamahahalagang sandali sa buhay ko. Tatlong taon na ang nakalilipas, pero nahihirapan pa rin akong harapin ang buhay. Sa kabila nito, malaki ang naitulong sa akin ng artikulo. Kahit mahirap gawin, nakita kong mabisa ang mga mungkahi roon. Maraming salamat sa inyo. Napakahusay ng ginagawa ninyo.
N. P., Pransiya