Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hari ng Kagubatan” sa Kanlurang Hemisperyo

“Hari ng Kagubatan” sa Kanlurang Hemisperyo

“Hari ng Kagubatan” sa Kanlurang Hemisperyo

ANO ito? Ang jaguar, ang pinakamalaking pusa sa mga lupain sa Amerika. Saan ito maaaring makita? Sa kagubatan, mga latian, disyerto, at kakahuyan ng Sentral at Timog Amerika. Hindi tulad ng karamihan ng pusa, komportable ito hindi lang sa lupa o sa mga puno kundi pati na sa tubig.

Kunwari ay katabi mo ang isang hustong-gulang na lalaking jaguar. Maaaring ang haba nito ay hanggang dalawang metro, hindi pa kasama ang buntot, at may bigat na 120 kilo o higit pa. Mapag-isa ang nilalang na ito at nakikisalamuha lang sa ibang jaguar kapag magpaparami. Handa nang magparami ang mga lalaking jaguar sa edad na tatlo o apat na taon, at ang mga babae naman ay maaari nang manganak sa edad na dalawang taon. Tatlo hanggang apat na buwan siyang nagbubuntis, at karaniwan nang dalawa ang ipinagbubuntis niya. Ang ilan sa inaalagaang jaguar ay nabubuhay nang mahigit sa 20 taon.

Ganito ang sinabi ng isang biyologo tungkol sa malalaking pusang ito: “Napakailap ng mga jaguar! Puwedeng may katabi na akong isa, . . . pero hindi ko pa ito nakikita.” Ang kayumangging manilaw-nilaw na balahibo nito ay may patse-patseng itim na may maliliit na batik sa loob. Dahil dito, nakapagtatago ang pusa at naglalaho nang hindi napapansin.

Mapag-isa at Tahimik na Mangangaso

Bilang isang makaranasang mangangaso, ang jaguar ay kumakain ng mga 85 uri ng hayop, kasama rito ang mga tapir, usa, at unggoy. Dahil sanay ang jaguar sa tubig, madali itong nakahuhuli ng mga isda at pagong. May mga nakakita sa isang jaguar na pumatay ng isang adultong kabayo, kinaladkad ito ng mga 80 metro sa tuyong lupa, at saka itinawid sa ilog.

Ang tusong pusa na ito ay madalas na nag-aabang ng mabibiktima habang tahimik na nagtatago sa isang puno. Habang dumadaan ang walang kamalay-malay na kawan ng isang uri ng baboy-ramo, biglang susunggaban ng jaguar ang isa sa mga ito. Isang kagat lang at mapapatay na niya ito. Dali-dali siyang babalik sa puno at maghihintay hanggang sa makaalis ang kawan at saka niya babalikan ang kaniyang biktima.

Pero sa malalaking pusa, ang jaguar ang malamang na hindi sasalakay sa mga tao, at hindi pa ito napasama sa listahan ng mga hayop na kumakain ng tao. Sa katunayan, di-hamak na mas nanganganib pa nga ang mga jaguar sa tao, kaysa ang mga tao sa jaguar.

Kung Bakit Napakakaunti Nila

Makikita noon ang mga jaguar mula sa timugang Estados Unidos hanggang sa dulo ng Timog Amerika. Halos kalahati na lang ng teritoryo nila noon, isang daang taon na ang nakalilipas, ang tinitirhan nila ngayon. Hanggang noong kalagitnaan ng dekada ’70, libu-libong jaguar ang pinapatay taun-taon ng mga mangangaso dahil sa balat nito. Noong 1968 lang, mahigit 13,500 sa mga ito ang iniluwas mula sa mga lupain sa Amerika. Noong 2002, tinatayang wala pang 50,000 ang populasyon ng jaguar. Ngayon, maaaring mga 15,000 na lang ang nabubuhay, hindi kasali ang mga nasa zoo.

Ayon sa isang pag-aaral ng Wildlife Conservation Society, halos 40 porsiyento ng likas na tirahan ng mga jaguar ang nasira na dahil sa pagkalbo sa kagubatan. Sa Mexico lang, iniulat na mga kalahating ektarya ang nasisirang likas na tirahan ng mga jaguar kada minuto. Kaya para mabuhay, napipilitan ang jaguar na biktimahin pati ang mga alagang hayop.

Pagsisikap na Iligtas Sila

Mga 200 bansa ang sumusuporta sa batas ng Convention on International Trade in Endangered Species na nagbabawal sa panghuhuli ng jaguar para ibenta. Ginawang mga pambansang parke ang kanilang likas na tirahan para maingatan ito. Noong 1986, ang Cockscomb Basin Wildlife Sanctuary sa Belize ang naging unang preserbasyon sa buong daigdig para sa mga jaguar. Sa Mexico naman, ginamit ang mahigit 150,000 ektarya ng tropikal na kagubatan sa Calakmul Biosphere Reserve sa Yucatán Peninsula para protektahan ang mga jaguar.

Hindi pa natin tiyak kung hanggang saan ang mararating ng mga pagsisikap na ito na ingatan ang “hari ng kagubatan.” Pero nakatutuwang malaman na malapit nang “ipahamak [ng ating maibiging Maylalang] yaong mga nagpapahamak sa lupa,” at magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop, gaya ng nilayon ng Diyos.​—Apocalipsis 11:18; Isaias 11:6-9.

[Mapa sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Tirahan ng Jaguar

Orihinal na tirahan

Kasalukuyang tirahan

HILAGANG AMERIKA

SENTRAL AMERIKA

TIMOG AMERIKA