Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?
Alam ng marami ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova dahil ang mga publikasyon nila ay makukuha sa daan-daang wika sa buong daigdig. Narito ang sumaryo ng ilan sa pangunahin nilang paniniwala.
1. Bibliya
Naniniwala ang mga Saksi na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ganito ang isinulat ni Jason D. BeDuhn, isang propesor sa pag-aaral hinggil sa relihiyon: “[Isinasalig ng mga Saksi ni Jehova] ang kanilang mga paniniwala at gawain sa mismong sinasabi ng Bibliya nang hindi patiunang bumubuo ng sariling palagay hinggil sa sasabihin nito.” Iniaayon nila sa Bibliya ang kanilang mga paniniwala; hindi nila ito binibigyang-kahulugan para umayon sa kanilang mga paniniwala. Gayundin, alam nilang hindi lahat ng nasa Bibliya ay literal. Halimbawa, ang pitong araw ng paglalang ay makasagisag, tumutukoy sa mahahabang yugto ng panahon.—Genesis 1:31; 2:4.
2. Maylalang
Binigyan ng tunay na Diyos ang kaniyang sarili ng personal na pangalan—Jehova (o Yahweh, gaya ng ginamit sa Jerusalem Bible ng Romano Katoliko at mas gustong gamitin ng ilang kasalukuyang iskolar)—na nagpapakitang iba siya sa mga huwad na diyos. * (Awit 83:18) Ang banal na pangalan sa wikang Hebreo ay lumilitaw ng mga 7,000 beses sa orihinal na teksto ng Kasulatan. Para ipakitang mahalaga ang pangalang iyan, sinabi ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin: “Sambahin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Angkop lamang na hilingin ng Diyos ang ating bukod-tanging debosyon. Kaya ang mga Saksi ay hindi gumagamit ng mga idolo o imahen sa pagsamba.—1 Juan 5:21.
3. Jesu-Kristo
Siya ang Tagapagligtas, “ang Anak ng Diyos,” at “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Juan 1:34; Colosas 1:15; Gawa 5:31) Dahil siya ay nilalang, hindi siya bahagi ng Trinidad. “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin,” ang sabi ni Jesus. (Juan 14:28) Nabuhay si Jesus sa langit bago naging tao, at pagkatapos ng kaniyang sakripisyong kamatayan at pagkabuhay-muli, bumalik siya sa langit. “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan [niya].”—Juan 14:6.
4. Kaharian ng Diyos
Ito ay isang tunay na gobyerno sa langit na may Hari—si Jesu-Kristo—at 144,000 mga kasamang tagapamahala na “binili mula sa lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3, 4; Daniel 2:44; 7:13, 14) Pamamahalaan nila ang buong lupa at aalisin ang kasamaan. Milyun-milyong tao na may takot sa Diyos ang maninirahan dito.—Kawikaan 2:21, 22.
5. Lupa
Sinasabi ng Eclesiastes 1:4: “Ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.” Pagkatapos mapuksa ang masasama, ang lupa ay gagawing isang paraiso. Maninirahan doon magpakailanman ang matutuwid na tao. (Awit 37:10, 11, 29) Kaya matutupad ang panalangin ni Jesus na “gawin nawa ang iyong kalooban . . . sa lupa.”—Mateo 6:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
6. Mga hula sa Bibliya
‘Ang Diyos ay hindi nagsisinungaling.’ (Tito 1:2) Kaya lahat ng sabihin niya ay nagkakatotoo, kasama na ang mga hula sa Bibliya tungkol sa katapusan ng sanlibutan sa ngayon. (Isaias 55:11; Mateo 24:3-14) Sino ang makaliligtas sa nalalapit na pagkapuksa? “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman,” ang sabi ng 1 Juan 2:17.
7. Sekular na mga awtoridad
“Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos,” ang sabi ni Jesus. (Marcos 12:17) Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay sumusunod sa batas ng pamahalaan kung hindi ito salungat sa batas ng Diyos.—Gawa 5:29; Roma 13:1-3.
8. Pangangaral
Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay ipangangaral sa buong lupa bago dumating ang wakas ng sanlibutan sa ngayon. (Mateo 24:14) Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na isang karangalan ang makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Siyempre, nasa mga tao na kung makikinig sila o hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”—Apocalipsis 22:17.
9. Bautismo
Ang binabautismuhan lang ng mga Saksi ni Jehova ay ang mga taong dahil sa masusing pag-aaral ng Bibliya ay nagpasiyang maglingkod sa Diyos bilang kaniyang Saksi. (Hebreo 12:1) Ang bautismo, sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, ay sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos.—Mateo 3:13, 16; 28:19.
10. Posisyon ng klero
“Lahat kayo ay magkakapatid,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Mateo 23:8) Walang uring klero sa unang mga Kristiyano. Maging ang mga manunulat ng Bibliya ay hindi klero. Ang parisang iyan sa Bibliya ang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 4 Hindi inimbento ng mga Saksi ni Jehova ang pangalang “Jehova.” Maraming siglo na ang nakalilipas, isinalin ang pangalan ng Diyos bilang “Jehova” sa maraming wika katulad ng Ingles at Aleman. Nakalulungkot, pinalitan ng ilang tagapagsalin ng Bibliya sa ngayon ang banal na pangalan ng mga titulong gaya ng “Diyos” at “Panginoon,” anupat nagpakita ng matinding kawalang-paggalang sa Awtor ng Bibliya.