Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?
Kumusta ang relasyon mo sa bawat isa sa iyong mga kapatid?
․․․․․ Matalik na magkaibigan
․․․․․ Madalas na nagkakasundo
․․․․․ Pinagpapasensiyahan ang isa’t isa
․․․․․ Laging nag-aaway
ANG ilang magkapatid ay talagang malapít sa isa’t isa. Halimbawa, sinabi ng 19-anyos na si Felicia, “Isa sa mga best friend ko ang 16-anyos kong kapatid na si Irena.” * Sinabi naman ng 17-anyos na si Carly tungkol sa kaniyang kuyang si Eric na 20 anyos: “Magkasundung-magkasundo kami. Hindi kami nag-aaway.”
Pero marami rin ang katulad nina Lauren at Marla. “Lahat na lang pinag-aawayan namin,” ang sabi ni Lauren, “kahit ang maliliit na bagay.” O baka masasabi mo rin ang gaya ng sinabi ni Alice, 12 anyos, sa kaniyang kuyang si Dennis na 14 anyos: “Naiinis ako sa kaniya! Basta na lang siya pumapasok sa kuwarto ko at ‘nanghihiram’ nang walang paalam. Isip-bata talaga siya!”
May kapatid ka bang kinaiinisan? Siyempre pa, pananagutan ng mga magulang mo na tiyaking laging nagkakasundo ang pamilya. Pero balang-araw, kailangan mong matutong makisama sa iba. Matututuhan mo iyan habang kasama mo ang iyong pamilya.
Isipin ang mga pinag-awayan ninyo ng kapatid mo. Ano ang madalas na nagiging dahilan ng away ninyo? Tingnan ang listahan sa ibaba, at lagyan ng ✔ ang isa sa mga kahon o isulat kung ano ang nagpapagalit sa iyo.
□ Personal na gamit. “Nanghihiram” siya nang walang paalam.
□ Magkaibang ugali. Makasarili siya o walang konsiderasyon o dominante.
□ Privacy. Pumapasok siya sa kuwarto ko nang hindi kumakatok o nagbabasa ng mga e-mail ko o text message nang walang paalam.
□ Iba pa. ․․․․․
Kung lagi kang iniinis ng kapatid mo—dominante siya o mapakialam—baka mapuno ka na sa kaniya. Pero ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang pagpisil sa ilong ang nagpapalabas ng dugo, at ang pagpiga ng galit ang naglalabas ng pag-aaway.” (Kawikaan 30:33) Kaya kung nagkikimkim ka ng sama ng loob, baka bigla ka na lang sumabog sa galit. Lalala lang ang problema. (Kawikaan 26:21) Paano mo ito maiiwasan? Ang unang hakbang ay alamin kung ano talaga ang problema.
Away Lang ba o May Malalim na Problema?
Ang problema ng mga magkakapatid ay maihahalintulad sa isang tagihawat. Ibabaw lang ng
tagihawat ang nakikita natin. Pero hindi natin nakikita na sa ilalim nito ay may impeksiyon. Sa katulad na paraan, ang pag-aaway ng magkapatid ay “ibabaw” lang ng mas malalim na problema.Puwede mong tirisin ang isang tagihawat. Pero sintomas lang ang malulunasan mo, at baka mag-iwan pa nga ito ng peklat o magpalala sa impeksiyon. Mas mabuti kung gagamutin mo ang impeksiyon para hindi ito lumala. Ganiyan din pagdating sa problema mo sa iyong kapatid. Alamin mo kung ano talaga ang problema at masosolusyonan hindi lang ang pag-aaway kundi ang mismong ugat nito. Sa paggawa nito, masusunod mo rin ang payo ng matalinong haring si Solomon: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.”—Kawikaan 19:11.
Halimbawa, sinabi ni Alice, na binanggit sa simula, tungkol sa kapatid niyang si Dennis, “Basta na lang siya pumapasok sa kuwarto ko at ‘nanghihiram’ nang walang paalam.” Iyan ang pinag-aawayan nila. Pero ano sa tingin mo ang talagang problema? Malamang, kawalan ng paggalang. *
Puwedeng sabihan ni Alice ang kapatid niyang si Dennis na huwag pumasok sa kaniyang kuwarto o gamitin ang kaniyang mga gamit. Pero hindi iyan ang lunas sa problema at baka lumala pa nga ito. Samantala, kung makukumbinsi ni Alice si Dennis na igalang ang kaniyang privacy at personal na mga gamit, tiyak na magkakasundo sila.
Matutong Ayusin o Iwasan ang Di-pagkakasundo
Bahagi lang ng solusyon ang pag-alam sa talagang problema ninyong magkapatid. Ano ang puwede mong gawin para maayos ang isang problema at hindi na ninyo ito pag-awayan pa? Subukang gawin ang sumusunod na anim na hakbang.
Kawikaan 15:22) Para maiwasan ito, balikan ang tinukoy mong dahilan ng away ninyong magkapatid. Subukan kung makagagawa kayo ng kasunduan para maayos ito. Halimbawa, kung personal na gamit ang pinag-aawayan ninyo, puwede ninyong pagkasunduan, Una: “Laging magpaalam bago kumuha ng gamit ng iba.” Ikalawa: “Igalang ang karapatan ng kapatid mo na sabihin, ‘Hindi mo puwedeng gamitin iyan.’” Sa paggawa ng kasunduan, isipin ang utos ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Sa ganitong paraan, makagagawa kayo ng kasunduan na masusunod ninyo. Pagkatapos, ipaalam ito sa inyong mga magulang para matiyak kung sang-ayon sila rito.—Efeso 6:1.
1. Magkaroon ng kasunduan. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan,” ang isinulat ni Haring Solomon. (2. Sundin ang napagkasunduan. Isinulat ni apostol Pablo: “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?” (Roma 2:21) Paano mo ito maikakapit? Halimbawa, kung gusto mong igalang ng kapatid mo ang iyong privacy, kailangan mo ring kumatok muna bago pumasok sa kuwarto ng kapatid mo o magpaalam bago basahin ang kaniyang e-mail o text message.
3. Huwag madaling magalit. Bakit isa itong mahusay na payo? Dahil sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “Mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.” (Mangangaral, o Eclesiastes 7:9, Magandang Balita Biblia) Kung madali kang magdamdam, magiging miserable ka. Totoo, may magagawa o masasabi ang kapatid mo na makasasakit sa iyo. Pero tanungin ang iyong sarili, ‘Nagawa ko na rin kaya iyon sa kaniya?’ (Mateo 7:1-5) “Noong 13 anyos ako,” ang sabi ni Jenny, “Sa tingin ko, opinyon ko ang pinakaimportante at dapat masunod. Ang nakababata ko namang kapatid ang ganiyan ngayon. Kaya sinisikap kong huwag mainis sa mga sinasabi niya.”
4. Magpatawad at lumimot. Kailangang pag-usapan at ayusin ang mabibigat na problema. Pero dapat mo bang komprontahin ang kapatid mo sa tuwing nagkakamali siya? Matutuwa ang Diyos na Jehova kung handa kang “palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Sinabi ni Alison, 19 anyos: “Kadalasan na, naaayos namin ng kapatid kong si Rachel ang aming di-pagkakasundo. Pareho kaming madaling magsabi ng sorry at pinag-uusapan namin ang sa tingin namin ay dahilan ng away. Kung minsan, itinutulog ko muna bago ko sabihin ang problema. Kadalasan, kinabukasan puwede naman pala itong palampasin.”
5. Gawing tagapamagitan ang inyong mga magulang. Kung hindi ninyo maayos ang isang mabigat na problema, maaaring mamagitan ang inyong mga magulang. (Roma 14:19) Pero tandaan na kung naaayos ninyong magkapatid ang inyong di-pagkakasundo nang hindi na lumalapit sa kanila, tanda ito ng pagkamaygulang.
6. Pahalagahan ang magagandang katangian ng iyong mga kapatid. Malamang na may katangian ang mga kapatid mo na hinahangaan mo. Isulat ang isang katangian na gusto mo sa bawat isa sa kanila.
Pangalan Ang gusto ko sa kaniya
․․․․․ ․․․․․
Sa halip na laging tingnan ang pagkakamali ng mga kapatid mo, bakit hindi maghanap ng pagkakataon na sabihin sa kanila ang magaganda nilang katangian?—Awit 130:3; Kawikaan 15:23.
Bahagi ng buhay: Darating ang panahon na may makakasama kang ibang tao na makaiinis sa iyo—mga katrabaho at iba pa na walang-galang, manhid, at makasarili. Pinakamagandang matutunan mo kung paano ito haharapin sa loob ng iyong pamilya. Kung may kapatid kang mahirap pakisamahan, maging positibo. Isipin mo na lang na natutulungan ka niyang malinang ang mahahalagang katangian sa buhay!
Ipinakikita ng Bibliya na maaaring maging mas malapít ka sa ibang tao kaysa sa kapatid mo. (Kawikaan 18:24) Pero mapatitibay ninyong magkakapatid ang inyong ugnayan kung ‘patuloy ninyong pagtitiisan ang isa’t isa,’ kahit na ‘may dahilan kayong magreklamo.’ (Colosas 3:13) Sa gayon, malamang na hindi ka na masyadong maiinis sa mga kapatid mo. At sila rin sa iyo!
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 8 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 20 Tingnan din ang kahon sa ibaba.
PAG-ISIPAN
● Bakit mahalagang matukoy kung away lang o may malalim na dahilan ang nangyari sa inyong magkapatid?
● Alin sa mga nabanggit na hakbang ang pinakakailangan mong pasulungin?
[Kahon sa pahina 27]
ALAMIN KUNG ANO TALAGA ANG PROBLEMA
Gusto mo bang malaman kung paano mo madaling matutukoy kung ano talaga ang problema ninyong magkapatid? Kung oo, basahin ang talinghaga ni Jesus tungkol sa anak na naglayas at naglustay ng kaniyang mana.—Lucas 15:11-32.
Pansinin ang naging reaksiyon ng kuya nang bumalik ang kaniyang nakababatang kapatid. Saka sagutin ang sumusunod na mga tanong.
Ano ang ikinagalit ng nakatatandang kapatid?
Sa palagay mo, ano talaga ang problema?
Ano ang ginawa ng ama para malutas ang problema?
Ano ang kailangang gawin ng kuya para maayos ang problema?
Ngayon, mag-isip ng isang bagay na pinag-awayan ninyong magkapatid kamakailan. At isulat ang sagot mo sa sumusunod na mga tanong.
Ano ang pinagmulan ng away ninyo?
Sa palagay mo, ano kaya ang talagang problema?
Ano ang puwede ninyong pagkasunduan para maayos ang problema at hindi na maulit pa?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 28, 29]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Gusto kong maging kaibigan ang mga kapatid ko habambuhay, kaya dapat ko silang kaibiganin ngayon pa lang.”
“Laging nagtutulungan ang aming pamilya sa mga gawain, kaya lalo kaming napapalapít sa isa’t isa. Bihira na kami ngayong magtalu-talo.”
“Magkaiba kami ng ugali ng kapatid ko. Pero mahalaga siya sa akin. Hindi ko siya ipagpapalit kahit kanino!”
“Kung wala ang mga kapatid ko, wala rin ang pinakamagaganda kong alaala. Gusto kong sabihin sa mga may kapatid, ‘Huwag ninyo silang balewalain!’”
[Mga larawan]
Tia
Bianca
Samantha
Marilyn
[Larawan sa pahina 27]
Ang problema ng mga magkakapatid ay maihahalintulad sa isang tagihawat—para gumaling, kailangan mong gamutin ang impeksiyon, hindi lang ang sintomas