Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Puwede Ka Nang Maghanap ng Bagong Trabaho”

“Puwede Ka Nang Maghanap ng Bagong Trabaho”

“Puwede Ka Nang Maghanap ng Bagong Trabaho”

BINANSAGAN siya sa kompanya na Fantastic Fred. * Sa loob ng anim na taon niya sa trabaho, malaki ang natipid ng kompanya dahil sa mga bagong ideya ni Fred. Kaya nang ipatawag siya ng boss niya, inisip niya na tataas ang suweldo o posisyon niya. Pero biglang sinabi sa kaniya ng boss niya, “Puwede ka nang maghanap ng bagong trabaho.”

Hindi makapaniwala si Fred sa narinig niya. “Malaki ang suweldo ko at masaya ako sa trabaho, pero sa isang iglap, biglang nabaligtad ang lahat,” ang sabi niya. Nang sabihin ni Fred sa asawa niyang si Adele ang nangyari, hindi rin ito makapaniwala. “Para akong pinagsakluban ng langit at lupa,” ang sabi niya. “Naisip ko, ‘Paano na kaya kami ngayon?’”

Ang nangyari kay Fred ay nangyayari din sa milyun-milyong iba pa sa buong daigdig, gaya ng ipinakikita ng graph sa ibaba. Pero hindi makikita sa mga numerong ito ang malaking epekto ng kawalan ng trabaho sa damdamin ng isa. Halimbawa, natanggal sa trabaho si Raúl, imigrant mula sa Peru, matapos ang 18-taóng serbisyo sa isang malaking hotel sa New York City. Naghanap ng trabaho si Raúl, pero hindi siya nakakita. “Halos 30 taon na ako ang nagtatrabaho para sa pamilya ko,” ang sabi niya. “Ngayon, parang nawalan ako ng dignidad.”

Ipinakikita ng karanasan ni Raúl ang isang bagay na karaniwang alam ng mga nawawalan ng trabaho. Hindi lang ito problema sa pera. Kadalasan, apektado nito pati ang pagkatao ng isa. “Ang baba ng tingin ko sa sarili ko,” ang sabi ng misis ni Matthew na si Renée. Mahigit tatlong taon nang walang trabaho si Matthew. “Kapag walang-wala ka, wala ka ring kuwenta sa ibang tao, at di-magtatagal, ganoon na rin ang tingin mo sa sarili mo.”

Hiráp na nga ang damdamin ng mga nawawalan ng trabaho, kailangan pa nilang maghigpit ng sinturon para makaraos. “Noong may pera pa kami, wala sa isip namin ang magtipid,” ang sabi ni Fred. “Pero ngayon na pareho lang ang gastusin at wala pa rin kaming trabaho, wala kaming magawa kundi pasimplehin ang buhay namin.”

Habang naghahanap ng trabaho, kailangan mong harapin ang mga kabalisahang dulot ng kawalan ng trabaho. Baka kailanganin mo ring magtipid. Tingnan muna natin ang dalawang hakbang para maharap ang mga kabalisahan.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito.

[Graph sa pahina 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng Walang Trabaho Noong 2008 sa Tatlong Bansa Lamang

Japan 2,650,000

Espanya 2,590,000

Estados Unidos 8,924,000