Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Huwag Ikabahala ang Bukas’

‘Huwag Ikabahala ang Bukas’

‘Huwag Ikabahala ang Bukas’

Gusto nang sumuko ni Renée. Mahigit tatlong taon nang walang permanenteng trabaho ang asawa niyang si Matthew. “Hirap na hirap na ako,” ang sabi ni Renée. “Nasisiraan ako ng loob dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin!” Para gumaan ang loob ni Renée, sinabi ni Matthew na nakakaraos naman sila. “Pero wala ka pa ring trabaho!” ang sabi ni Renée. “Kailangan natin ng pera!”

TALAGANG nakababalisa sa isa ang kawalan ng trabaho. ‘Kailan kaya ako makakakita ng trabaho?’ ang tanong nila. ‘Paano kaya kami makakaraos?’

Natural lang na mabahala nang gayon. Pero nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas . . . Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin.”​—Mateo 6:34, Magandang Balita Biblia.

Alamin ang Ikinababahala Mo

Hindi naman sinabi ni Jesus na huwag nating isipin ang problema. Gayunman, ang pag-iisip sa kung ano ang posibleng mangyari kinabukasan ay makadaragdag lang sa pasanin mo ngayon. Oo, hindi natin hawak kung ano ang mangyayari bukas, mabuti man ito o masama. Pero may magagawa tayo para harapin ang kasalukuyan.

Totoo, madali itong sabihin, pero mahirap gawin. Si Rebekah, na ang asawa ay 12 taon nang walang trabaho, ay nagsabi: “Kapag balisang-balisa ka, hindi ka na makapag-isip nang tama. Pero kailangan naming mag-isip nang tama. Kaya kinokontrol ko ang sarili ko. Nang hindi mangyari ang mga ikinababahala ko, natanto kong walang maitutulong ang pag-aalala. Hindi kami nai-stress kapag ang iniisip lang namin ay ang kasalukuyang problema.”

Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang labis kong ikinababahala? Posible kayang mangyari iyon? Nauubos ba ang lakas ko sa pag-iisip ng kung ano ang mangyayari o hindi mangyayari?’

Maging Kontento

Makaaapekto sa ating damdamin ang ating pananaw. Kaya hinihimok tayo ng Bibliya: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Masasabing kontento na tayo kung nililimitahan natin ang mga gusto natin at nasisiyahan na tayo kapag nasasapatan ang mga pangangailangan natin. Mahihirapan kang pasimplehin ang buhay mo kung maghahangad ka ng higit pa.​—Marcos 4:19.

Naging kontento si Renée matapos siyang magkaroon ng tamang pangmalas sa kanilang sitwasyon. Sinabi niya: “Kahit minsan, hindi naman kami nawalan ng kuryente at gas. Hindi pa rin naman kami natulog sa kalye. Ang talagang problema, hindi kami sanay sa ganitong buhay, at lalo lang akong nai-stress dahil hinahanap-hanap ko ang dati naming buhay.”

Naging malinaw kay Renée na ang talagang nakapagpapabigat sa kaniya ay hindi ang sitwasyon nila kundi ang pangmalas niya rito. “Kailangan kong tanggapin ang sitwasyon namin at kalimutan ang nakasanayan namin,” ang sabi niya. “Mas masaya ako nang maging kontento ako sa ibinibigay sa amin ng Diyos sa bawat araw.”

Tanungin ang iyong sarili: ‘Nasapatan ba ang pangangailangan ko sa araw na ito? Kung oo, maaari bang hindi ko muna isipin ang para sa susunod na araw dahil nagtitiwala naman akong masasapatan din ito?’

Ang pagkakaroon ng tamang pangmalas ang unang hakbang para maharap ang hamon na mamuhay nang simple. * Pero ano ang puwede mong gawin kapag wala kang trabaho?

[Talababa]

^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paghahanap ng trabaho at kung paano mananatili rito, tingnan ang Hulyo 8, 2005 ng Gumising!, pahina 3-11.

[Kahon sa pahina 5]

Sulit ang Pagtitiyaga!

Matapos ang ilang linggong paghahanap, nadama ni Fred na wala na siyang pag-asang makakita pa ng trabaho. “Para kang naghihintay ng sundo sa hintuan ng bus pero walang dumarating,” ang sabi niya. Nagpasiya si Fred na gawin kung ano ang magagawa niya. Nag-aplay siya kahit sa mga kompanya na parang hindi naman kailangan ang kaniyang kuwalipikasyon. Nag-follow up siya at naghandang mabuti para sa bawat interbyu. Naniniwala siya na “ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kawikaan 21:5) Sinabi ni Fred, “Sa isang kompanya, dalawang beses akong ginisa sa interbyu ng matataas na manedyer.” Sulit ang pagtitiyaga ni Fred. “Natanggap ako sa trabaho!” ang sabi niya.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mas Mahalaga Kaysa sa Trabaho

Ano ang mas mahalaga​—ang pagkatao mo o ang trabaho mo? Isipin ang dalawang kawikaan sa Bibliya.

“Mas mabuti ang dukhang lumalakad sa kaniyang katapatan kaysa sa isa na liko sa kaniyang mga lakad, bagaman siya ay mayaman.”​—Kawikaan 28:6.

“Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.”​—Kawikaan 15:17.

Maliwanag, hindi nakakababa ng dignidad ang kawalan ng trabaho. Kaya nang mawalan ng trabaho ang asawa ni Renée, sinabi niya sa kaniyang mga anak: “Inabandona ng ibang tatay ang pamilya nila. Pero hindi kayo pinabayaan ng tatay ninyo. Alam ninyong mahal na mahal niya kayo at lagi siyang nasa tabi ninyo kapag may problema kayo. Wala na kayong makikitang ganiyang tatay!”