Pinigilang Mandayuhan ang Northern Bald Ibis
Pinigilang Mandayuhan ang Northern Bald Ibis
ISANG pamilya, na may limang miyembro, ang nakahanda na para sa isang mahabang paglalakbay. Naroon ang kanilang mga kaibigan para magpaalam. Sa huling pagkakataon, pinagmasdan ng pamilya ang lugar na matagal nilang tinirhan, at saka sila umalis. Sinundan sila ng tanaw ng kanilang mga kaibigan hanggang sa tuluyan na silang maglaho.
Ang eksenang ito ay naganap sa Bald Ibis Breeding Station sa Birecik, Turkey, isang bayan malapit sa Ilog Eufrates. Ang kaaalis lang na pamilya ay isang grupo ng mga northern bald ibis, isang endangered species. Bawat ibon ay kinabitan ng satellite tracker sa bukung-bukong. Pinagmamasdan ng mga kaibigan—mga tauhan ng istasyon at mga bisita—ang mga ibon habang patungo ang mga ito sa isang di-pamilyar na lugar. Nag-aalala sila na baka hindi na makabalik ang mga ito.
Ano bang uri ng ibon ang northern bald ibis? Saan sila nandarayuhan? At bakit gayon na lang ang pagsubaybay ng mga tao sa pandarayuhan ng mga ito?
Kilalanin ang Ating Kaibigang Ibon
Kapag sisiw pa lang ang northern bald ibis, may balahibo ito sa ulo, pero habang lumalaki, unti-unti itong nalalagas. Kaya naman angkop ang pangalan nitong bald (kalbo) ibis. Ang balahibo nito sa katawan ay itim, pero naghahalong kulay-ube, bronse at berde ito kapag nasisinagan ng araw. Kulay pula naman ang balat at tuka nito, maliban sa tuktok ng ulo nito. May mahabang balahibo rin ito sa batok.
Ang ibis ay ganap na adulto na pagtuntong nang tatlo o apat na taon. Ang karaniwang haba ng buhay nito ay 25 hanggang 30 taon. Kumakain ito ng insekto, butiki, at maging ng maliliit na mamalya. Ang babaing ibis ay nangingitlog ng hanggang tatlong itlog bawat taon at nililimliman nila iyon sa loob ng mga apat
na linggo. Pambihira ang ibong ito—isa lang ang kapareha nila sa buong buhay nila. Kapag namatay ang isa, nagluluksa ang kapareha. Sa katunayan, madalas na may nakikitang mga nagpapatihulog o hindi kumakain hanggang sa mamatay.Ayon sa mga taga-Birecik, bago ang ika-20 siglo, ipinagdiriwang pa ang pagbabalik ng nandarayuhang mga bald ibis. Palatandaan ito na malapit na ang tagsibol. Sa kapistahang ito, na ginaganap sa kalagitnaan ng Pebrero, ang mga bangka ay hinihila papuntang dalampasigan mula sa Ilog Eufrates, kasabay ng tunog ng tambol at mga kasayahan.
Noong mga panahong iyon, napakaraming bald ibis anupat para silang isang malaking itim na ulap. Pero sa nagdaang siglo—lalo na sa nakalipas na 50 taon—umunti na sila. Dati, may 500 hanggang 600 pares nito sa Birecik, pero bumaba ang bilang nito mula nang gamitan ng mga pesticide ang mga pananim noong dekada ng 1950. Sa ngayon, mangilan-ngilan na lang ang mga ibong ito.
Pangangalaga sa mga Ibis sa Turkey
Itinatag ang Bald Ibis Breeding Station sa Birecik noong 1977. Noon, pinahihintulutan pang mandayuhan taun-taon ang mga ibis. Pero noong 1990, isa lang ang nakabalik. Kaya pinigilan silang mandayuhan. Ikinukulong sila kapag mga buwan ng Hulyo at Agosto, kung kailan nandarayuhan sila. Saka lamang sila pinakakawalan pagsapit ng Pebrero o Marso ng kasunod na taon, kung kailan nagbabalikan na ang mga ito.
Noong 1997, muling nagpakawala ng 25 ibis para mandayuhan. Pero walang nakabalik ni isa. Mula noong 1998, hindi na sila hinayaan pang mandayuhan. Kaya dumarami na uli sila. Mayroon na ngayong halos 100 bald ibis sa breeding station.
Ang Kinabukasan ng Northern Bald Ibis
Nakalulungkot, nang pakawalan noong 2007 ang pamilyang binanggit sa simula ng artikulong ito, dalawa lang ang nakabalik. Pagkatapos, noong 2008, isa na namang grupo ng northern bald ibis ang hinayaang mandayuhan. Pero wala ring nakabalik. Ayon sa ulat, naglakbay ang mga ibong ito patimog hanggang makaabot sila sa bansang Jordan, kung saan sila nalason at namatay. Ibig sabihin, sa kabila ng pagdami nila sa breeding station at sa pagsisikap ng mga siyentipiko at ng pamahalaan, nanganganib pa rin ang mga ibong ito.
Ipinakikita nito na kahit pigilang mandayuhan ang mga ibis para sa kanilang kaligtasan, hindi pa rin mawawala ang kanilang instinct na mandayuhan. Katibayan ito ng sinasabi ng Bibliya sa Jeremias 8:7: “Ang siguana sa langit—nalalaman nitong lubos ang kaniyang mga takdang panahon; at ang batu-bato at ang sibad at ang tarat—sinusunod nilang mabuti ang panahon ng kani-kaniyang pagdating.”
[Picture Credit Lines sa pahina 10]
Kaliwa: Richard Bartz; kanan: © PREAU Louis-Marie/age fotostock