Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghandaan ang mga Balakid

Paghandaan ang mga Balakid

Paghandaan ang mga Balakid

“Ipinasiya kong huminto sa paninigarilyo alang-alang sa anak namin na kasisilang pa lang. Kaya naglagay ako ng ‘No Smoking’ sign sa aming bahay. Pero isang oras pa lang ang nakalilipas, heto’t naghahanap na ng nikotina ang katawan ko. Hindi ko mapigil kaya nagsindi ako ng sigarilyo.”​—Yoshimitsu, Japan.

GAYA ng ipinakikita ng karanasan ni Yoshimitsu, may mga balakid sa paghinto sa paninigarilyo. Bukod diyan, ipinakikita ng mga pag-aaral na halos 90 porsiyento ng mga “nadapa” ay tuluyan nang bumalik sa dati nilang bisyo. Kaya kung gusto mong huminto sa paninigarilyo, mas malaki ang tsansa mong magtagumpay kung handa ka sa mga balakid. Anu-ano ba ang karaniwang balakid?

Ang paghahanap ng nikotina: Kadalasan nang pinakamatindi ang paghahanap na ito tatlong araw matapos ang huli mong sigarilyo, at saka humuhupa pagkalipas ng mga dalawang linggo. Sa panahong iyon, “pasumpung-sumpong ang paghahanap,” ang sabi ng isang dating naninigarilyo. Pero kahit lumipas ang mga taon, maaaring biglang bumalik ang pagnanasang manigarilyo. Kung mangyari ito, huwag magpadala. Palipasin ang limang minuto o higit pa, at tiyak na huhupa rin iyon.

Iba pang withdrawal symptom: Sa simula, nagiging antukin ang isa o nahihirapang magpokus at maaaring mas mabilis siyang tumaba. Baka makaranas din siya ng kirot, pangangati, pamamawis, at pag-ubo, pati na ang pagbabagu-bago ng mood​—madaling mawalan ng pasensiya, mainitin ang ulo, o nadedepres pa nga. Pero karaniwan nang nawawala ang mga sintomas sa loob ng apat hanggang anim na linggo.

Sa mahirap na panahong ito, may ilang praktikal na hakbang na puwede mong gawin. Halimbawa:

● Habaan ang iyong tulog.

● Uminom ng maraming tubig o juice. Kumain ng masustansiyang pagkain.

● Mag-ehersisyo nang katamtaman.

● Huminga nang malalim, at gunigunihing may pumapasok na malinis na hangin sa iyong bagà.

Mga Tukso: May mga gawain o pakiramdam na puwedeng tumukso sa iyo na manigarilyo. Halimbawa, malamang na madalas mong pagsabayin ang sigarilyo at anumang inumin. Kaya kung gusto mong huminto sa paninigarilyo, huwag gumugol ng mahabang oras sa pag-inom. Siyempre pa, darating din ang panahon na puwede ka nang magtagal sa pag-inom ng anumang inumin.

Pero kahit wala nang nikotina sa katawan mo, puwede ka pa ring matuksong manigarilyo kasabay ng isang partikular na gawain. “Labinsiyam na taon na akong huminto sa paninigarilyo, pero natutukso pa rin akong manigarilyo kapag nagkakape,” ang pag-amin ni Torben, na binanggit sa pasimula. Gayunpaman, karaniwan nang nawawala sa paglipas ng panahon ang pagnanais na manigarilyo kasabay ng isang espesipikong gawain.

Iba naman kapag alkohol ang pinag-uusapan. Habang sinisikap mong huminto sa paninigarilyo, baka kailangan mo ring umiwas sa alkohol at sa mga lugar na may ganitong mga inumin, dahil ang pag-inom ay madalas na nauuwi sa muling paninigarilyo. Bakit?

● Nadaragdagan ng kahit kaunting alkohol lang ang kasiyahang idinudulot ng nikotina.

● Kadalasan nang kasama sa inuman ang paninigarilyo.

● Apektado ng alkohol ang pagpipigil sa sarili at katinuan ng isa. Tama ang sinasabi ng Bibliya: “Alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.”​—Oseas 4:11.

Kasama: Maging mapamili. Halimbawa, iwasang makisama sa mga taong naninigarilyo o nag-aalok sa iyo na manigarilyo. Iwasan mo rin ang mga taong nagpapahina ng loob mo​—marahil ay tumutuya sa iyo na hindi mo kayang huminto sa paninigarilyo.

Emosyon: Ipinakikita ng isang pag-aaral na halos dalawang-katlo ng mga nanigarilyo uli ang natuksong gawin ito dahil sa stress o galit. Kung nakadarama ka ng tulad nito at natutukso kang manigarilyo, gumawa ng ibang bagay​—puwede kang uminom ng tubig, mag-chewing gum, o maglakad-lakad. Mag-isip ng positibong mga bagay. Maaari kang manalangin sa Diyos o magbasa ng ilang pahina ng Bibliya.​—Awit 19:14.

Mga Pagdadahilan na Dapat Iwasan

Isang hithit lang.

Ang totoo: Isang hithit lang ang kailangan para magising ang 50 porsiyento ng ilang nicotine receptor sa iyong utak sa loob ng tatlong oras. Ang resulta? Balik sa dating bisyo.

Nawawala ang stress ko kapag naninigarilyo.

Ang totoo: Ipinakikita ng mga pag-aaral na pinararami ng nikotina ang mga stress hormone. Ang waring pagkawala ng stress ay malamang na dulot lang ng pansamantalang pagkawala ng mga withdrawal symptom.

Sa tagal ko nang naninigarilyo, wala na akong pag-asa.

Ang totoo: Ang pagiging negatibo ay nakakasira ng determinasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Kaya huwag mong isiping hindi mo kaya. Puwedeng magtagumpay kahit sino, basta’t gusto niya talagang huminto at sinusunod niya ang praktikal na mga payo, gaya ng binabanggit sa magasing ito.

Hindi ko makakayanan ang mga withdrawal symptom.

Ang totoo: Hindi nga biru-biro ang mga withdrawal symptom, pero huhupa rin ang mga ito sa loob lang ng ilang linggo. Kaya manatiling determinado! Kung makaramdam ka uli ng pagnanasang manigarilyo pagkaraan ng mga buwan o taon, lilipas din iyan, marahil sa loob lang ng ilang minuto​—kung hindi ka magsisindi ng sigarilyo.

May sakit ako sa isip.

Ang totoo: Kung ginagamot ka dahil may karamdaman ka sa isip, gaya ng depresyon o schizophrenia, tanungin ang iyong doktor kung paano ka makakahinto sa paninigarilyo. Handa ka niyang tulungan at puwede niyang imonitor ang paggamot sa iyo o ang medikasyon para hindi lumala ang sakit mo dahil sa paghinto sa paninigarilyo.

Kapag nanigarilyo ako uli, madarama ko lang na bigo ako.

Ang totoo: Kung madapa ka at matukso muling manigarilyo​—gaya ng nararanasan ng ibang gustong huminto sa paninigarilyo​—hindi pa huli ang lahat. Bumangon ka at huwag sumuko. Hindi komo nadapa ka, ibig sabihin ay bigo ka na. Bigo ka kung hindi ka babangon. Kaya huwag sumuko. Magtatagumpay ka rin!

Tingnan ang karanasan ni Romualdo, na nanigarilyo sa loob ng 26 na taon at huminto mahigit 30 taon na ang nakalilipas. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako muling nanigarilyo,” ang isinulat niya. “Sa tuwing nangyayari iyon, nasisiraan ako ng loob. Pakiramdam ko, wala na akong pag-asa. Pero nang ipasiya kong magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at paulit-ulit na nanalangin, nagawa ko ring huminto.”

Sa huling artikulo ng seryeng ito, tatalakayin natin ang ilan pang praktikal na mungkahi na makakatulong sa iyo na magtagumpay sa paghinto sa paninigarilyo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

NAKAMAMATAY ANG LAHAT NG ANYO NITO

Ang tabako ay ginagamit sa maraming paraan. Ang ilang produkto ng tabako ay ipinagbibili pa nga sa mga tindahan ng herbal at ng mga food supplement. Gayunman, “lahat ng anyo ng tabako ay nakamamatay,” ang sabi ng World Health Organization. Nakamamatay ang mga sakit na nauugnay sa tabako, gaya ng kanser at sakit sa puso. Kapag naninigarilyo ang isang ina, maaari itong makasamâ sa kaniyang hindi-pa-naisisilang na sanggol. Anu-ano ba ang karaniwang produkto ng tabako?

Bidi: Ito ay maliit na sigarilyo na inirolyo ng kamay at kadalasan nang ginagamit sa Asia. Kumpara sa karaniwang sigarilyo, mas marami ang tar, nikotina, at carbon monoxide nito.

Tabako: Ito ay dinurog na dahon ng tabako na binalot sa dahon ng tabako o papel na gawa sa tabako. Dahil may alkaline ito, nasisipsip ng bibig ang nikotina kahit hindi ito sindihan.

Kretek, o sigarilyong gawa sa clove: Binubuo ito ng mga 60 porsiyentong tabako at 40 porsiyentong clove. Mas marami ang tar, nikotina, at carbon monoxide nito kumpara sa karaniwang sigarilyo.

Pipa: Hindi rin ligtas ang paggamit ng pipa dahil posible rin itong maging sanhi ng kanser at ng iba pang sakit.

Tabakong walang usok: Kasama na rito ang tabakong nangunguya, snuff, at tinimplahang gutkha, na ginagamit sa Timog-Silangang Asia. Ang nikotina ay pumupunta sa daluyan ng dugo sa pamamagitan ng bibig. Mapanganib din ang mga tabakong walang usok.

Water pipe (bong, hookah, narghile, shisha): Sa mga anyong ito, ang usok ng tabako ay dumaraan sa tubig bago malanghap. Gayunman, hindi nito nababawasan ang lason​—kasama na ang mga partikulang nagiging sanhi ng kanser​—na pumupunta sa baga.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

PAGTULONG SA ISA NA HUMINTO SA PANINIGARILYO

Maging positibo. Mas epektibo ang papuri kaysa sa sermon. Mas mabuting sabihin, “Kaya mo iyan. Huwag kang susuko” kaysa “Bigo ka na naman!”

Maging mapagpasensiya. Sikaping huwag pumatol kapag nagagalit sa iyo o nadidismaya ang isang gustong huminto sa paninigarilyo. Maging mabait sa iyong pananalita. Puwede mong sabihin, “Alam kong mahirap iyan, pero hanga ako sa iyo.” Huwag na huwag sasabihin, “Mas mabuti pang manigarilyo ka na lang uli!”

Maging tunay na kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Oo, maging matiisin at maibigin sa “lahat ng panahon” sa isang nagsisikap na huminto sa paninigarilyo​—anumang oras o anuman ang mood ng taong iyon.