Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Tinatayang $1464 na bilyon ang nagastos ng militar sa buong daigdig noong 2008. Mas mataas ito . . . nang 45 porsiyento kaysa noong 1999.”—STOCKHOLM INTERNATIONAL PEACE RESEARCH INSTITUTE, SWEDEN.
“Ayon sa Google, ilang bilyong web page ang nadaragdag [sa Internet] araw-araw.”—NEW SCIENTIST, BRITANYA.
“Tinatayang aabot sa pinakamataas na bilang ang nagugutom sa daigdig sa taóng 2009 yamang 1 020 milyon ang nagugutom araw-araw.”—FOOD AND AGRICULTURE ORGANIZATION OF THE UNITED NATIONS, ITALYA.
Unang Kamelyong Produkto ng Cloning
Mula 1996, nang magtagumpay ang mga mananaliksik sa pag-clone ng tupa, maraming iba pang mamalya—kasama na ang baka, kambing, at kabayo—ang nai-clone na. Ngayon, ang mga siyentipiko sa isang pasilidad para sa veterinarian research sa Dubai ay nakapag-clone na ng kamelyo. Ang batang babaing kamelyo ay pinangalanang Injaz, salitang Arabe para sa “tagumpay.” “Hindi na basta pag-eeksperimento ang pag-clone ng mga hayop,” ang sabi ng pahayagang The National sa Abu Dhabi. “Sa hinaharap, susuriin ng programa ang posibilidad na gamitin ang cloning sa pagpaparami ng genes ng magagandang klase ng kamelyong pangarera at pinagkukunan ng gatas.”
“Banggaan” ng mga Satelayt
“Sa loob ng maraming taon, dumami ang dumaraan sa mga ‘haywey’ sa itaas ng planetang Lupa. Pero noon lamang Pebrero [2009] nagkaroon ng grabeng banggaan sa pagitan ng dalawang satelayt,” ang ulat ng Science News. Mga 800 kilometro sa itaas ng Siberia, nagbanggaan ang isang satelayt na pangkomunikasyon ng Estados Unidos at isang sirang satelayt na pangmilitar ng Russia. Lumikha ito ng mga 700 malalaking pirasong labí. Habang dumarami ang mga labí sa mga “haywey,” mas lumalaki ang tsansang maulit ang aksidente. Ang mga 18,000 piraso ng basura sa kalawakan na mahigit sampung sentimetro ang lapad ay minomonitor ng mga tracking station. Pero kahit ang isang bagay na sinliit lang ng butil ng mais at kumikilos nang napakabilis ay puwedeng lumikha ng malaking pinsala kung babangga ito sa isang satelayt o sasakyang pangkalawakan na may lulang tao.
Walang Bayad, Walang Andar
“Hindi na nagbabayad ng bill sa cellphone ang ilang tao, dahil ang alam nila, hindi na ito gagana kapag hindi sila nagbayad,” ang ulat ng The Wall Street Journal. Ginagamit na rin sa mga kotse ang ‘walang-bayad, walang-andar’ na kondisyon. “Ang mga nagbebenta ng mga segunda-manong sasakyan ay nagkakabit sa mga kotse ng device na puwede nilang kontrolin para hindi mapaandar ang kotse kapag hindi na nakakapagbayad ang kostumer,” ang sabi ng pahayagan. Ang mga device—na nakakonekta sa ignition system ng kotse—ay isa sa mga kondisyon sa mga kostumer na bumibili ng hulugang kotse. Aalisin lamang ang mga device na ito kapag kumpleto na ang bayad ng kotse. Pero bihirang umabot sa punto na talagang hindi na umaandar ang sasakyan, ang sabi ng Journal, dahil ang device ay may alarm na umiilaw at tumutunog para “ipaalaala sa mga kostumer na maging maagap sila sa pagbabayad.”