Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Ang mga taong aktibo, hindi naninigarilyo, katamtamang uminom ng alkohol, at kumakain ng limang serving ng prutas o gulay araw-araw ay mas mahaba nang 14 na taon ang buhay, sa aberids, kaysa sa mga hindi gumagawa ng kahit isa sa mga ito.” Ang konklusyong ito ay batay sa 11-taóng pag-aaral sa 20,000 katao.—UC BERKELEY WELLNESS LETTER, E.U.A.
“Ang pagbabasa ang pinakamahusay na paraan ng pagrerelaks. . . . Kahit anim na minuto lang, malaking bagay na para mabawasan ang stress nang mahigit dalawang-katlo nito.”—INDIA TODAY INTERNATIONAL, INDIA.
Inabandonang mga “Laruan”
“Dahil sa bagsak na ekonomiya, parami nang parami ang pinababayaang bangka,” ang ulat ng The New York Times tungkol sa sitwasyon sa Estados Unidos. Kinukuskos ng mga may-ari ang pangalan ng kanilang mga bangka, tinatanggal ang numero ng rehistro, at inaabandona o pinalulubog ang mga ito. Bakit kaya? Kung minsan, ang habol nila ay insurance. “Ang ilan . . . ay may malaking problema gaya ng ilang may-ari ng bahay: napakalaki ng bayarin nila sa isang pag-aaring bumababa na ang halaga, anupat nagpasiya silang huwag na itong ituloy,” ang sabi ng Times. Ayon sa pahayagan, ang mga bangka ay parang “mga laruan na magastos imantini at wala nang datíng.” Ipinaliwanag pa ng Times: “Hindi na maibenta ng mga may-ari ang mga ito dahil sangkatutak na ang ibinebentang mga segunda-mano. Hindi na nila kayang gumastos nang daan-daang dolyar buwan-buwan para pambayad sa daungan at sa pagmamantini ng mga ito. At wala silang libu-libong dolyar na kailangan para madispatsa nang maayos ang mga ito.”
Mga Musmos na Conscious sa Figure?
Sinusubukan ng ilang apat-na-taóng-gulang na bata na “baguhin ang kanilang hitsura para gayahin ang pangangatawang hinahangaan ng lipunan,” ang ulat ng Sunday Telegraph ng Sydney. Ayon sa isang pag-aaral sa kaugalian sa pagkain at pag-eehersisyo ng mga batang hindi pa nag-aaral, ang mga bata ay nababahala sa kanilang figure—ang mga babae ay nag-iisip kung paano papayat at ang mga lalaki naman ay kung paano magpapalaki ng kalamnan. “Waring tinutularan ng mga bata ang pagkabahala sa hitsura ng kanilang nanay [na] karaniwan nang hindi masaya sa kanilang katawan,” ang sabi ng mga nagsagawa ng pag-aaral.
Mga Batang Namimili sa Internet
“[Sa United Kingdom, 20 porsiyento] ng mga bata ang namimili sa Internet nang walang paalam sa magulang at kalahati sa kanila ang gumagamit ng credit card ng mga magulang nila,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London. Alam ng maraming bata ang mga Web site at password na ginagamit ng kanilang mga magulang sa pamimili sa Internet. Nalalaman tuloy nila ang credit card number ng mga magulang nila. Inaakala ng ilang magulang na hindi makakabili sa Internet ang kanilang mga anak nang walang paalam. Ayon sa ulat, may “nakakaalarmang pagkakaiba” sa pagitan ng kung ano ang alam ng mga magulang na alam ng kanilang mga anak at kung ano talaga ang alam ng anak. Dahil dito, puwede ring maging biktima ng pandaraya ang mga magulang. Ganito ang payo sa mga magulang na namimili sa Internet: “Iwasang mag-save ng mga detalye ng credit o debit card sa Internet,” mga mapagkakatiwalaang Web site lang ang gamitin, at “mag-log out sa mga site pagkatapos.”