Ang Pinakamaliit na Paniki sa Daigdig
Ang Pinakamaliit na Paniki sa Daigdig
● Noong 1973, ang biyologong taga-Thailand na si Kitti Thonglongya at ang kaniyang grupo ay nakahuli ng mahigit 50 hindi pa kilalang uri ng paniki sa mga kuweba malapit sa talon ng Sai Yok sa Thailand. Ipinadala niya ang ilan kay Dr. J. E. Hill sa British Museum of Natural History sa London para pag-aralan. Sayang at namatay si Kitti bago pa malaman na bagong uri pala ng paniki ang natuklasan niya. Bilang pag-alaala sa kaniya, tinawag ni Hill na Craseonycteris thonglongyai ang uring ito ng paniki. Kitti’s hog-nosed bat ang karaniwang tawag dito.
Ito ang pinakamaliit na paniki at isa sa pinakamaliit na mamalya, na 30 milimetro lang ang haba at mga 13 sentimetro naman ang lapad ng mga pakpak kapag nakabuka. Sa katunayan, dahil sa sobrang liit nito, tinatawag din itong bumblebee bat. Ang ilong nito ay parang sa baboy (kaya tinawag itong hog-nosed bat), wala itong buntot, at mayroon itong malalaking tainga na may namimintog na tragus na siyang tumatakip sa kanal ng tainga.
Maliit na Teritoryo
Matatagpuan lamang ang mga paniking ito sa Sai Yok National Park sa Thailand at sa kalapit na mga lugar sa Myanmar. Katulad din ng iba pang uri, ang Kitti’s hog-nosed bat ay gumagamit ng sonar sa paghahanap ng insektong makakain nila. Dahil malapad ang mga pakpak nito, kaya nitong “magpalutang-lutang” sa ere para manghuli ng insekto sa mga dahon ng puno. Nagpapahinga sila sa mga lungga sa itaas na bahagi ng kuwebang batong-apog, na ang pinakakisame ay pagkatataas at maraming uka. Mas ligtas rito at mas mainit. Mahalaga kasi para sa maliliit na mamalyang katulad nila na mapanatiling mainit ang kanilang katawan. Talagang kahanga-hanga ang instinct at kakayahang ibinigay ng ating Maylalang sa maliliit na nilalang na ito!—Apocalipsis 4:11.
Mangilan-ngilan na lang ang Kitti’s hog-nosed bat at maliit lang ang kanilang teritoryo kaya nanganganib silang maubos. Dahil dito, may ginawang mga pagsisikap para mapangalagaan sila. Kaso, tuloy pa rin ang pagkalbo sa kagubatan, pagtotroso, paggawa ng daan, at turismo. Hindi natin alam kung maliligtasan ng maliliit na mamalyang ito ang pagsira ng tao sa kanilang tirahan.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
ANG PINAKAMALAKI AT ANG PINAKAMALIIT
Mayroong halos 1,000 uri ng paniki, at sila lamang ang mga mamalyang nakakalipad. Ang pinakamalaking paniki (1), ang flying fox, ay may bigat na mga isang kilo, at ang mga pakpak nito kapag nakabuka ay may lapad na mga isa’t kalahating metro. Samantala, ang Kitti’s hog-nosed bat (2) ay may lapad na mga 13 sentimetro at tumitimbang lang ng mga dalawang gramo.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Photos: © Merlin D. Tuttle, Bat Conservation International, www.batcon.org