“Huwag Na Kayong Mabalisa”
“Huwag Na Kayong Mabalisa”
“Nasimot ang pera namin sa bangko, pati na ang naitabi namin para sa mga bata. Ilang buwan kaming walang pinagkakakitaan.”
● May pinatatakbo akong paaralan sa isang liblib na lugar sa India. May pagkakataong umabot nang mga 500 ang estudyante roon. Maganda na sana ang takbo ng lahat. Pero isang kilalang paaralan sa lunsod ang nagsimulang magpadala ng mga bus sa aming lugar para madali nang puntahan ang kanilang paaralan. Siyempre pa, marami sa mga estudyante namin ang lumipat doon. Sa katunayan, mga 60 estudyante lang ang natira sa amin. Ang masakit pa nito, noong mga panahong iyon, hindi makabayad ang isa sa mga opisyal ng paaralan na nangutang sa akin. Tapos, marami pa akong mga tauhan sa paaralan na dapat suwelduhan. Kaya ang laki talaga ng problema ko.
Pinag-usapan naming pamilya ang aming sitwasyon. Lahat kami ay nagpakita ng mapagsakripisyong espiritu. Sinikap naming sundin ang payo ni Jesus na magkaroon ng ‘simpleng mata’ sa pinansiyal na paraan—ibig sabihin, hindi kami gumastos nang higit sa badyet namin. (Mateo 6:22, 25) Hindi muna namin ginamit ang aming sasakyan para makaiwas sa gastos sa gasolina at pagmamantini. Sa gabi kami namimili ng pagkain, kasi may discount kapag paubos na ang mga tinda. Binawasan din namin ang mga uri ng pagkaing inihahain namin.
Mga Saksi ni Jehova kami, at alam naming mahalagang makipagtipon sa aming mga kapananampalataya sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Hebreo 10:25) Kaya bagaman napakahirap ng sitwasyon namin, determinado kaming daluhan ang lahat ng pulong at asamblea—kahit pa maglakbay kami nang malayo. Bilang mga ministro, nagpupunta kami sa malalayong lugar para magturo sa mga tao tungkol sa Bibliya. Nagmomotor na lang kami sa halip na magkotse. Pero siyempre, dalawa lang ang makakasakay sa motor.
Sa kabila nito, hindi namin binawasan ang panahon namin sa ministeryo. Gumugol pa nga ng mas maraming panahon sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya ang aking asawa at anak na babae. Kung minsan, naglalakad sila nang 12 hanggang 16 na kilometro balikan, para magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Sinikap din namin ng aking anak na lalaki na gumugol ng higit na panahon sa pagtuturo sa iba tungkol sa Bibliya.
Ngayon, medyo nakakaluwag na kami sa pinansiyal. Pero dahil sa pinagdaanan namin, natutuhan naming pamilya na huwag masyadong umasa sa materyal na mga bagay. Natutuhan din naming huwag masyadong mabalisa sa mga bagay na wala kaming kontrol. Nakapagpatibay sa amin ang sinasabi ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” Napatunayan naming totoong-totoo ang mga pananalitang iyan noong panahong hiráp na hiráp kami.—Ipinadala.