Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Katotohanan sa Likod ng Tagumpay ni Queen Elizabeth I

Ang Katotohanan sa Likod ng Tagumpay ni Queen Elizabeth I

Ang Katotohanan sa Likod ng Tagumpay ni Queen Elizabeth I

KILALANG-KILALA si Queen Elizabeth I ng Inglatera. Hanggang ngayon, laman pa rin siya ng akda ng mga awtor, makata, manunulat ng dula, at tagagawa ng pelikula. Nitong nakaraang mga taon, napakaraming eksibit at mga aklat ang inilabas tungkol sa kaniya. At sa isang internasyonal na surbey, isa siya sa sampung pinakakilalang Britano.

Bakit kaya sikat na sikat pa rin ang reynang ito na kilala bilang ang Virgin Queen at Good Queen Bess? Talaga nga bang matagumpay ang pamumuno niya?

Sumaló ng Maraming Problema

Ipinanganak si Elizabeth Tudor noong 1533. Dismayado ang ama niyang si Henry VIII dahil gusto nito na lalaki ang magmana ng kaniyang trono. Hindi nagkaanak ng lalaki ang kaniyang ina na si Anne Boleyn, ang ikalawang asawa ni Henry. Pinapugutan ng hari si Anne Boleyn dahil sa mga paratang na pinaniniwalaan ng marami na hindi totoo. Dalawang taon pa lang noon si Elizabeth.

Noong panahong iyon, hindi na rin maganda ang kaugnayan ni Henry sa papa ng Roma at idineklara niya ang kaniyang sarili na ulo ng Church of England. Nang mamatay si Henry noong 1547, tinangka ng mga espirituwal na tagapayo ng anak ni Henry na si Edward VI na gawing Protestante ang Inglatera. Namatay rin si Edward makalipas lang ang anim-na-taóng paghahari, at bumalik sa pagiging Romano Katoliko ang bansa sa ilalim ng maikli ngunit madugong pamamahala ni Mary I, ang kapatid sa ama ni Elizabeth. * Nang si Elizabeth na ang mamahala noong 1558 sa edad na 25, nagkabaha-bahagi na ang Inglatera dahil sa kaguluhan sa relihiyon at bagsak din ang ekonomiya nito. Naiwala pa ang huling sakop nito sa Pransiya at, nagbabanta ring sumalakay ang Espanya.

Pumili agad si Elizabeth ng mahuhusay na tagapayo, na ang ilan ay nanatiling kasama niya sa loob ng kaniyang 44-na-taóng pamamahala. Relihiyon ang unang problemang hinarap niya. Ayon sa National Maritime Museum, ipinasiya ni Elizabeth na “ibalik ang Repormasyon at magtatag ng Church of England na hindi Katoliko ni . . . Protestante man.” Sa halip na magsilbing ulo, siya ay nagsilbing tagapamanihala para lang mapatahimik ang mga hindi sang-ayon na babae ang maging ulo ng simbahan. Pagkatapos, ipinasá ng parlamento ang Act of Uniformity na nagsasaad ng mga paniniwala at gawain ng Church of England, bagaman pinanatili pa rin ang ilang Katolikong seremonya. Pero hindi ito nagustuhan ng karamihan sa mga Katoliko o ng mga panatikong Protestante, ang mga Puritan.

Mayroon pang isang problema si Elizabeth. Paano kaya niya makukuha ang suporta at respeto ng isang bansa na hindi pa nakakabangon mula sa mga problemang iniwan ni Mary I? Ginamit niya ang kaniyang pagiging babae. Ganito ang paliwanag ng istoryador na si Christopher Haigh: “Kapag nasa trono si Elizabeth, siya ang Virgin Queen; sa Simbahan, siya ay isang ina; sa mga kamag-anak siya ay tiyahin.” Ipinahiwatig din ni Haigh na ginamit ng reyna ang kaniyang karisma at husay sa pagsasalita sa mga maharlika at sa konseho. Lagi niyang sinasabi sa kaniyang mga sakop na mahal niya sila. Kaya naman minahal din nila siya.

Gustung-gusto ng parlamento na makapag-asawa ng Protestante si Elizabeth at magkaanak. Pila-pila ang mga prinsipeng manliligaw. Si Elizabeth naman ay magkukunwang interesado at paaasahin ang manliligaw sa loob ng maraming buwan​—kung minsa’y taon pa nga​—pero ang totoo, gagamitin niya lang ito sa pulitika. Sa bandang huli, hindi niya rin sila pakakasalan.

Bagaman “patas” si Elizabeth sa mga relihiyon, ilang ulit na pinagtangkaan ang buhay niya. Isa sa mga nag-aabang sa kaniya ang pinsan niyang Katoliko na si Mary Stuart, na kinikilala noon ng Katolikong Europa bilang ang karapat-dapat na tagapagmana ng trono ni Mary I. Umigting ang sitwasyon noong 1568 nang mapilitan si Mary na iwan ang kaniyang trono sa Scotland at tumakas patungong Inglatera. Bagaman nakakulong sa bahay, siya ang ginawang pain ng mga Katolikong gustong magpatalsik sa Protestanteng reyna. Pero ayaw ni Elizabeth na ipapatay ang kapuwa niya monarka. Noong 1570, nag-utos si Pope Pius V na itiwalag mula sa Simbahan si Elizabeth at sinabi niyang hindi na obligadong sumunod sa reyna ang kaniyang mga sakop. Mas masahol pa ang ginawa ng sumunod na papa, si Gregory XIII. Inihayag niya na hindi kasalanang sakupin ang Inglatera at patalsikin ang reyna. Napilitang kumilos si Elizabeth nang matuklasan ang plano ni Anthony Babington na ipapatay siya at sangkot dito si Mary. Isinulong ng parlamento ang pagpatay kay Mary, at napilitang sumang-ayon si Elizabeth noong 1587. Galít na galít ang Katolikong Europa​—lalo na si Philip II ng Espanya.

Pagsalakay ng Katolikong si Philip

Sa pagsisikap na mapanatiling Katoliko ang Inglatera, inalok ng kasal ni Philip​—na noo’y ang pinakamakapangyarihang tagapamahala sa Europa​—ang reynang si Elizabeth, pero tinanggihan siya nito. Sa loob ng maraming taon, ninakawan ng Inglatera ang mga barko at daungan ng Espanya sa pamamagitan ng mga barkong kinomisyon ng pamahalaan. Ginawa nila ito para hamunin ang kapangyarihan ng Espanya. At hindi lang iyan. Sinuportahan pa ni Elizabeth ang mga Olandes sa kanilang pag-aalsa laban sa Espanya para makamit ang kalayaan. Kaya nang ipapatay si Mary, napunô na si Philip. Udyok ng papa, nagplano ang hari ng Espanya ng isang malawakang pagsalakay gamit ang Armadang Kastila, na binubuo ng mahigit 130 barko. Maglalayag sila patungong Netherlands, magsasakay ng napakaraming kawal, at tatawid sa English Channel para sakupin ang Inglatera. Pero bago pa man pumalaot ang mga barkong ito, natuklasan na ng mga espiyang Ingles ang plano. Ipinadala ni Elizabeth si Francis Drake at ang 30 barko nito papunta sa Espanya sa daungan ng Cádiz, kung saan nila winasak ang maraming barko. Naantala tuloy nang isang taon ang pagsalakay ng Armada.

Nang sa wakas ay pumalaot ang Armada noong 1588, handa na ang hukbong-dagat ng Inglatera. Kahit pa sinasalakay, nakalusot ang Armada sa English Channel nang walang gaanong pinsala at dumaong sa Calais sa Pransiya. Kinabukasan, nagpadala ang Inglatera ng walong fireship. * Sa takot, nagkawatak-watak ang mga barko ng Espanya, at matapos ang matinding sagupaan, ang mga ito ay tinangay ng hanging mula sa timog-kanluran palayo sa Inglatera at patungong Scotland sa gawing hilaga. Kalahati ng mga barko ng Espanya ang nawasak dahil sa mga bagyo sa palibot ng Scotland at kanlurang baybayin ng Ireland, at ang natira naman ay napinsala at bumalik na lang sa Espanya.

Pasimula ng Tagumpay

Sa pasimula ng pamamahala ni Elizabeth, walang sakop sa labas ng bansa ang Inglatera. Samantalang ang Espanya, nakapagkamal na ng kayamanan sa maraming lupain na nasakop nito sa Hilaga, Sentral, at Timog Amerika. Nainggit ang Inglatera. Kaya naglayag ang mga manggagalugad para maging tanyag, magkamal ng kayamanan, at makahanap ng bagong mga ruta ng kalakalan patungong Tsina at Malayong Silangan. Si Francis Drake ang unang kapitan na nakapaglayag sa buong daigdig gamit ang kaniyang sariling barko. Dumaan siya sa kanlurang baybayin ng Hilaga at Timog Amerika kung saan niya pinirata ang mga barko ng Espanya na may dalang mga kayamanan. Hinamon naman ni Walter Raleigh ang pagmomonopolyo ng Espanya sa Bagong Daigdig. Sinubukan niyang magtatag ng isang kolonya sa Silangang Baybayin ng Hilagang Amerika. Pinangalanan niyang Virginia ang teritoryo na kaniyang nasakop bilang parangal sa Virgin Queen ng Inglatera. Kahit bigo sa pananakop noon ang Inglatera, pinukaw nito ang interes ng bansa na manakop ng mga lupain. Nang matalo nila ang “Di-malulupig na Armada” ng Espanya, lumaki ang tiwala ng Inglatera sa kanilang hukbong-dagat kaya sinuportahan ni Elizabeth ang kanilang pakikipagkalakalan sa kabilang panig ng daigdig sa timog-silangang Asia. Ito ang nagbukas ng daan sa pagsilang ng Imperyo ng Britanya na sa kalaunan ay sasakop sa iba’t ibang panig ng daigdig. *

Pinasulong ng Inglatera ang edukasyon. Nagbukas ng bagong mga paaralan para lumawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng panitikan. Dahil sa pagkauhaw sa panitikan, kasabay ng pagsulong sa larangan ng pag-iimprenta, lumawak at naging makulay ang kultura ng Inglatera. Ito ang panahon nina William Shakespeare at ng iba pang tanyag na manunulat ng dula. Dinagsa ng mga tao ang bagong bukás na mga teatro para makapanood ng dula. Sumulat ng magagandang tula ang mga makata at marami ring mga awit ang nakatha. Mayroon ding mahuhusay na pintor na nagpinta ng maliliit na imahe ng reyna at ng mga maharlika. Nagkaroon din ng mga bagong salin ng Bibliya sa mga simbahan at tahanan. Pero hindi nagtagal ang tagumpay na ito ng Inglatera.

Naglaho ang Ningning ng Tagumpay

Punô ng problema ang huling mga taon ni Elizabeth. Namatay na ang mga pinagkakatiwalaan niya kaya pumili siya ng bagong mga tagapayo. Pero ang mga ito pa ang naging dahilan ng kaguluhan sa korte at ng bigong paghihimagsik. Nagkabaha-bahaging muli ang kaniyang nasasakupan dahil sa relihiyon. Tumanggi ang mga Katoliko na dumalo sa mga sermon sa simbahan ng Protestante at dahil dito, naging tudlaan sila ng pag-uusig. Sa katapusan ng kaniyang pamamahala, mga 200 pari at karaniwang tao ang binitay. Ibinilanggo rin at ipinapatay ang ilang Puritan. Naghimagsik ang mga taga-Ireland laban sa Inglatera, at patuloy pa rin ang digmaan sa pagitan nila ng Espanya. Dumami ang mga walang trabaho at palaboy dahil sa apat na sunud-sunod na mahinang ani. Bumagsak ang pamamahala ni Elizabeth. Hindi na mahal ng Inglatera ang kanilang Virgin Queen.

Nawalan na ng ganang mabuhay si Elizabeth. Namatay siya, ang huling tagapamahalang Tudor, noong Marso 24, 1603. Ikinagulat ito ng bansa. Pero nang gabi ring iyon, nagkaroon sila ng kasayahan sa mga kalsada at bonfire bilang pagsalubong sa bago nilang pinuno. Sa wakas, mayroon na silang hari​—si James VI ng Scotland, ang Protestanteng anak ni Mary Stuart. Bilang ang James I ng Inglatera, nagawa niya ang hindi nagawa ni Elizabeth​—ang pagkaisahin ang dalawang kaharian sa ilalim ng isang monarka. Pero ang magandang pasimulang ito ay agad na nauwi sa kabiguan. Hinahanap-hanap nila ngayon ang panahong si Good Queen Bess pa ang reyna.

Talaga Nga Bang Nagtagumpay Siya?

Puring-puri ng mga istoryador noon si Elizabeth. Ilang taon pagkamatay niya, sinabi ni William Camden na naging matagumpay ang pamamahala ni Elizabeth. Noong panahong iyon, naging inspirasyon siya ng kaniyang mga nasasakupan. Ganiyan ang tingin sa kaniya sa loob ng maraming siglo. Lalo pa nga siyang hinangaan sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, nang ibigay sa kaniya ang kredito ng pagkakatatag ng Imperyo ng Britanya, na nakakasakop noon sa sangkapat ng daigdig.

Pero hindi sang-ayon ang lahat ng istoryador sa ganitong paglalarawan sa pamamahala ni Elizabeth. Sinabi ng aklat na The Oxford Illustrated History of Britain: “Labis-labis ang papuring tinanggap ni Elizabeth kung ikukumpara sa aktuwal niyang nagawa. Malinaw na dahil sa kaniyang sariling propaganda, . . . tagal ng pamamahala, tiyempong paglitaw ng mga gaya ni Shakespeare, at suwerteng pagkapanalo laban sa Armada, nahikayat tayong makiisa sa labis na pagpuri sa kaniya anupat ipinagwalang-bahala natin ang katotohanang hinayaan niyang maging magulo ang Inglatera.” Ipinaliwanag ni Haigh, na binanggit sa pasimula, kung bakit gayon na lang ang komento ng ilang istoryador: “Noong 1603, para sa mga tao, isa na lamang hamak na matandang babae si Elizabeth, palibhasa’y gusto nila ng isang haring Stuart. Pero pagsapit ng 1630, nang madismaya sila sa mga haring Stuart, natanto nilang mas mabuti pa siya kaysa sa sinumang hari.”

Talagang natatangi si Elizabeth. Palibhasa’y matalino at pursigido, naging matagumpay siya sa pakikipag-ugnayan sa mga tao sa tulong ng kaniyang mga ministro, na gumawa sa maganda niyang imahe sa publiko, mga talumpati, damit, at mga larawan para itaguyod ang maharlikang imahe at ang tagumpay nito.

[Mga talababa]

^ par. 6 Tingnan ang artikulong “Inamin Ngayon ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon” sa Gumising!, isyu ng Abril 8, 2000, pahina 12-14.

^ par. 13 Ang fireship ay isang barkong militar na kargado ng mga eksplosibo at iba pang materyales na madaling masunog. Sinisindihan ito at pagkatapos ay hahayaang tangayin papunta sa mga barko ng kalaban para lumikha ng matinding pinsala.

[Blurb sa pahina 22]

“Labis-labis ang papuring tinanggap ni Elizabeth kung ikukumpara sa aktuwal niyang nagawa”

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

 SI JOHN DEE AT ANG IMPERYO NG BRITANYA

Sinunod ni Elizabeth ang pilosopiya ni John Dee. (1527-1608/9) Si John Dee ay isang respetadong matematiko, heograpo, at astronomo. Hilig din niya ang astrolohiya at okultismo. Naging tagapayo siya ng reyna nang koronahan ito. Ginamit din niya ang kaniyang mga kakayahan sa paglilingkod sa reyna. Bilang ang nagpauso sa terminong “Imperyo ng Britanya,” pinasigla niya si Elizabeth na ituring ang sarili nito bilang ang emperatris ng isang imperyong sasakop sa mga karagatan at sa maraming lupain. Para maisakatuparan ito, itinuro niya sa mga manggagalugad kung paano sila maglalayag sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na kung paano hahanap ng daan sa Hilagang-silangan at Hilagang-kanluran patungo sa Silangan. Sinuportahan din niya ang mga planong sakupin ang kontinente ng Hilagang Amerika.

[Credit Line]

Photograph taken by courtesy of the British Museum

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

A. Mga “fireship” ng Inglatera na ipinadala sa Armadang Kastila B. Francis Drake C. Queen Elizabeth D. Globe Theatre E. William Shakespeare

[Credit Lines]

A: From the book The History of Protestantism (Vol. III); B: ORONOZ; C: From the book Heroes of the Reformation; D: From the book The Comprehensive History of England (Vol. II); E: Encyclopædia Britannica/11th Edition (1911)

[Picture Credit Line sa pahina 19]

© The Bridgeman Art Library International