Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nararamdaman ng mga May Depresyon?

Ano ang Nararamdaman ng mga May Depresyon?

“DOSE anyos ako noon, paggising ko isang umaga,” ang naalaala ni James, * “umupo ako sa kama, at naisip ko, ‘Ngayon na kaya ako mamamatay?’” Dumaranas ng major depression si James. “Araw-araw kong pinaglalabanan ang emosyonal at mental na sakit na ito,” ang sabi ni James makalipas ang 30 taon. Noong kabataan pa si James, pakiramdam niya’y wala siyang silbi kaya pinagpupunit niya ang mga litrato niya noong bata. “Naisip ko pa nga na walang nagmamahal sa akin,” ang sabi niya.

Lahat tayo’y nalulungkot paminsan-minsan, kaya kahit paano, naiintindihan natin ang nararamdaman ng isang may depresyon. Pero kumusta ang mga may clinical depression?

Biglang Umaatake

Ang clinical depression ay hindi lang pansamantalang kalungkutan na karaniwang nararamdaman, kundi matinding kalungkutan na madalas ay nakakaapekto na sa araw-araw na gawain ng isang tao.

Halimbawa, si Álvaro ay mahigit 40 taon nang laging “takót, tuliro, nalulungkot, at namimighati.” Ganito ang paliwanag niya: “Dahil sa depresyon, madali akong magdamdam sa sinasabi ng iba tungkol sa akin. Kapag nagkakaproblema, lagi kong sinisisi ang sarili ko.” Sinabi niya na sa depresyon, “dumaranas ang isa ng napakatinding kirot pero hindi alam kung saan galing, takót pero hindi alam kung bakit at, ang pinakamasaklap nito, ayaw niya itong sabihin sa iba.” Pero ngayon, medyo nakaramdam si Álvaro ng ginhawa. Alam na niya ang sanhi ng kaniyang mga nararamdaman. “Bumuti ang pakiramdam ko nang malaman kong hindi lang ako ang may ganitong problema,” ang sabi niya.

Sa Brazil, si Maria na 49 anyos ay hindi mapagkatulog, nananakit ang katawan, iritable, at nakadarama ng “kalungkutan na parang walang katapusan” dahil sa depresyon. Nang madayagnos ang kaniyang kondisyon, naginhawahan si Maria dahil nalaman niya na may tawag pala sa sakit niya. “Pero bandang huli, lalo akong nag-alala,” ang sabi niya, “dahil kaunti lang ang nakakaunawa sa depresyon at hindi maganda ang tingin ng iba sa sakit na ito.”

Walang Dapat Ikalungkot?

Bagaman kung minsan ay may malinaw na dahilan kung bakit dumaranas ng depresyon ang isa, madalas na bigla na lang itong umaatake. “Bigla ka na lang nalulungkot nang walang kadahi-dahilan,” ang sabi ni Richard na taga-Timog Aprika. “Wala namang namatay, at wala namang nangyaring masama. Pero napakalungkot mo at napakatamlay. At parang walang makapagpapasaya sa iyo. Gusto mo nang sumuko, at hindi mo alam kung bakit ganiyan ang nararamdaman mo.”

Hindi dapat ikahiya ang depresyon. Pero si Ana na taga-Brazil ay nahiya nang madayagnos na mayroon siyang depresyon. “Sa katunayan, walong taon na ang nakalilipas pero nahihiya pa rin ako,” ang pag-amin niya. Hirap na hirap siya partikular na sa nararamdaman niyang matinding kalungkutan. “Kung minsan, sumasakit ang buong katawan ko dahil sa matinding panlulumo,” ang sabi niya. Sa ganoong mga kalagayan, napakahirap bumangon sa higaan. May mga pagkakataon ding walang tigil sa pag-iyak si Ana. “Nanghihina ako sa kaiiyak,” ang sabi niya, “at pakiramdam ko’y hindi na dumadaloy ang dugo ko.”

“Bigla ka na lang nalulungkot nang walang kadahi-dahilan”

Sinasabi ng Bibliya na ang isang tao ay maaaring dumanas ng panlulumo na puwedeng magpahamak sa kaniya. Halimbawa, nababahala si apostol Pablo tungkol sa isang lalaki na baka “madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan.” (2 Corinto 2:7) Gulung-gulo ang isip ng ilang dumaranas ng depresyon kaya gusto na nilang mamatay. Tulad ni propeta Jonas, ganito ang nadarama ng marami: “Ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.”​—Jonas 4:3.

Ano ang puwedeng gawin ng mga dumaranas ng depresyon para magamot at makayanan ang nakapanghihinang sakit na ito?

^ Binago ang mga pangalan sa mga artikulong ito.