Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Dapat ba Akong Sumunod sa Aking Curfew?

Dapat ba Akong Sumunod sa Aking Curfew?

Galing ka sa mga kaibigan mo at gabing-gabi ka nang umuwi. Lampas ka na sa curfew mo, at kailangan mo ngayong humarap sa mga magulang mo. Nag-aalangan kang pumasok ng bahay. ‘Sana tulog na ang Tatay at Nanay,’ ang sabi mo sa sarili mo. Dahan-dahan mong binuksan ang pinto, at hayun—nakatingin sila sa orasan at naghihintay ng paliwanag mo.

NARANASAN mo na ba ang situwasyong gaya ng binanggit sa itaas? Nagtalo na ba kayo ng mga magulang mo dahil hindi kayo magkasundo pagdating sa curfew? “Tahimik naman sa lugar namin,” ang sabi ng 17-anyos na si Debora, “pero takot na takot ang mga magulang ko kapag hatinggabi na’y wala pa ako sa bahay.” *

Bakit kaya napakahirap sumunod sa curfew? Mali bang gustuhin mo na maging mas malaya? Paano kung istrikto ang mga magulang mo pagdating sa curfew?

Mga Isyu

Talagang nakakadismaya ang curfew, lalo na kung nalilimitahan nito ang pakikisama mo sa iyong mga kaibigan. “Nakakainis ang curfew,” ang sabi ng 17-anyos na si Natasha. “Minsan, alam naman ng mga magulang ko na nasa kapitbahay lang ako at nanonood ng pelikula kasama ng mga kaibigan ko. Pero dalawang minuto pa lang akong lampas sa curfew, tinawagan na nila agad ako!”

May reklamo rin ang kabataang si Stacy. “Ang gusto ni Tatay at Nanay, nasa bahay na ako bago sila matulog,” ang sabi niya. “Kung paghihintayin ko pa sila, dadatnan ko silang alalang-alala at mainit ang ulo.” Ano ang kasunod? “Kokonsiyensiyahin nila ako,” ang sabi ni Stacy, at idinagdag niya: “Nakakainis talaga. Bakit kasi hindi na lang sila matulog!” Kung ganiyan din ang nararanasan mo, baka pareho kayo ng naiisip ng 18-anyos na si Katie, na nagsabi, “Sana naman magtiwala sila sa akin, para hindi magmukhang pinipilit ko sila.”

 Marahil pareho kayo ng nadarama ng mga kabataang nabanggit. Kung oo, tanungin ang iyong sarili:

Bakit gustung-gusto kong umalis ng bahay? (Lagyan ng tsek ang napili mo.)

  • Pakiramdam ko’y malaya ako.
  • Nababawasan ang tensiyon ko.
  • Nakakasama ko ang mga kaibigan ko.

Makatuwiran naman ang mga dahilang iyan. Natural lamang na gusto mong maging mas malaya habang lumalaki ka, at ang magagandang libangan ay talagang nakakarelaks. Bukod diyan, hinihimok ka ng Bibliya na humanap ng mabubuting kaibigan. (Awit 119:63; 2 Timoteo 2:22) Mahirap gawin iyan kung lagi ka lang sa bahay!

Pero paano ka magkakaroon ng kalayaan kung waring napakahigpit ng curfew sa iyo? Isaalang-alang ang mga sumusunod.

Unang hamon: Pakiramdam mo’y para kang bata dahil sa iyong curfew.

“Pakiramdam ko’y para akong bata kapag kailangan kong istorbohin ang iba para magpahatid makauwi lang nang maaga,” ang sabi ni Andrea, 21 anyos na ngayon.

Tulad ng lisensiya sa pagmamaneho, ang iyong curfew ay tanda ng iyong pagsulong

Kung ano ang makatutulong:

Ipagpalagay nating kukuha ka ng lisensiya sa pagmamaneho sa unang pagkakataon. Sa ilang lugar, may batas na nagtatakda ng mga restriksiyon kung saan at kailan ka dapat magmaneho, o kung sino ang dapat mong kasama—mga restriksiyong maaalis lang kapag nasa tamang edad ka na. Hindi ka na lang ba kukuha ng lisensiya dahil ang katuwiran mo: “Kung may ganito pang mga restriksiyon, hindi na lang ako magmamaneho kahit kailan”? Siyempre hindi! Ituturing mong malaking tagumpay kapag nakakuha ka ng lisensiya.

Sa katulad na paraan, ituring mong tanda ng pagsulong ang iyong curfew—isang hakbang sa tamang direksiyon. Magtuon ka ng pansin, hindi sa mga limitasyon, kundi sa kalayaang ibinibigay nito sa iyo. Hindi ba mas malaya ka naman ngayon kaysa noong bata ka?

Kung bakit ito mabisa:

Mas madaling tanggapin ang curfew kung ituturing mo itong oportunidad sa halip na hadlang. Kung susunod ka sa curfew ngayon, malamang na bigyan ka ng mga magulang mo ng higit na kalayaan sa dakong huli.—Lucas 16:10.

Ikalawang hamon: Hindi mo maintindihan kung bakit napakaaga ng curfew mo.

Si Nikki, na nagrereklamo noon tungkol sa kaniyang curfew, ay nagsabi, “Akala ko, gumagawa ng batas si Nanay dahil gusto lang niya.”

Kung ano ang makatutulong:

Ikapit ang simulain na masusumpungan sa Kawikaan 15:22, na nagsasabi: “Nabibigo ang mga plano kung saan  walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Mahinahong ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang tungkol sa curfew mo. Alamin kung bakit gusto nilang nasa bahay ka na sa oras na sinabi nila. *

Kung bakit ito mabisa:

Mauunawaan mo ang iyong mga magulang kung makikinig ka sa paliwanag nila. “Sinabi sa akin ng tatay ko na hindi makatulog si Nanay hangga’t wala pa ako sa bahay,” ang sabi ni Stephen. “Hindi ko ’yun alam noon.”

Tandaan: Mas mabuting makipag-usap nang maayos sa halip na magalit at makipagtalo—tiyak na hindi maganda ang kahihinatnan nito. “Kapag nagagalit ako sa mga magulang ko,” ang sabi ni Natasha, na nabanggit kanina, “lalo lang nila akong hinihigpitan.”

Ikatlong hamon: Pakiramdam mo’y kinokontrol ng mga magulang mo ang iyong buhay.

Kung minsan, sinasabi ng mga magulang na ang mga batas sa bahay—kasali na ang curfew—ay para sa kabutihan mo. “Kapag sinasabi ’yun sa akin ng mga magulang ko,” ang sabi ni Brandi na 20 anyos, “pakiramdam ko, ayaw nilang gumawa ako ng sarili kong desisyon o hindi sila interesado sa opinyon ko.”

Kung ano ang makatutulong:

Maaari mong sundin ang payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 5:41: “Kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” Nakaisip si Ashley at ang kuya niya ng praktikal na paraan para maikapit ang simulaing iyan. “Madalas na sinisikap naming makauwi ng bahay nang 15 minutong mas maaga kaysa sa curfew namin,” ang sabi niya. Puwede mo rin kayang gawin iyan?

Kung bakit ito mabisa:

Mas masarap gawin ang isang bagay dahil gusto mo at hindi dahil sa kailangan mo lang gawin iyon! At pag-isipan ito: Kapag ipinasiya mong umuwi nang medyo mas maaga, ikaw ang kumokontrol sa oras mo. Baka maalaala mo rin ang simulaing ito: “Ang iyong mabuting gawa ay [maaaring] maging, hindi waring sapilitan,  kundi ayon sa iyong sariling malayang kalooban.”—Filemon 14.

Magtitiwala rin sa iyo ang mga magulang mo kung umuuwi ka nang mas maaga, kaya malamang na bigyan ka nila ng higit na kalayaan. Sinabi ni Wade, 18 anyos, “Kung makukuha mo ang tiwala ng mga magulang mo, hindi ka nila masyadong hihigpitan.”

Isulat ang iba pang hamon na napapaharap sa iyo dahil sa curfew mo.

․․․․․

Ano ang makatutulong sa iyo na maharap ang hamong ito?

․․․․․

Bakit kaya ito magiging mabisa?

․․․․․

Balang-araw, malamang na bubukod ka rin sa mga magulang mo at magiging mas malaya ka na. Pero sa ngayon, magtiis ka muna. “Baka hindi mo magawa ang lahat ng gusto mong gawin,” ang sabi ni Tiffany, 20 anyos na ngayon, “pero kung matututuhan mong sundin ang mga restriksiyon, hindi magiging malungkot ang buhay mo.”

^ par. 4 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 21 Para sa mga mungkahi, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Napakaraming Bawal?” sa Gumising!, isyu ng Disyembre 2006.

PAG-ISIPAN

  • Bakit ang curfew mo ay katibayan na nagmamalasakit sa iyo ang mga magulang mo?
  • Kung hindi ka nakasunod sa curfew mo, paano mo maibabalik ang tiwala ng mga magulang mo?