Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Noong taóng 2007, mayroon nang “106 na bilyonaryo [batay sa dolyar ng Estados Unidos] sa Tsina, kung ikukumpara sa 15 bilyonaryo [noong 2006] at wala ni isa noong 2002.”—CHINA DAILY, TSINA.
▪ “Ang mga Indian na nagpapabaya sa kanilang matatanda nang magulang ay maaaring mabilanggo ayon sa isang batas na binuo dahil sa pangamba na ang mabilis na modernisasyon ay nagpapahina sa tradisyonal na malapít na ugnayan ng magkakamag-anak.”—REUTERS, INDIA.
▪ “Sa ngayon, magkasindami na ang mga aktibong Muslim at aktibong Anglikano sa Inglatera.”—THE ECONOMIST, BRITANYA.
Mga Puno sa Siberia na “Nagmimina” ng Mahahalagang Metal
Sa mga kagubatan sa Siberia, “posibleng makakuha ng purong ginto sa nabubulok na mga tuod ng puno,” ayon sa ulat ng magasing Vokrug Sveta sa Russia. Natuklasan ng mga siyentipiko mula sa mga lunsod ng Ulan-Ude, Irkutsk, at Novosibirsk na ang mga punong evergreen na tumutubo sa mga lupang sagana sa inambato sa Siberia ay nakakasipsip ng natunaw na mga metal mula sa lupa. Kapag namatay at nabulok ang mga puno, naiiwan sa ibabaw ng lupa ang mga metal. Mula sa isang tonelada ng nabubulok na mga puno, nakakuha ang mga siyentipikong taga-Siberia ng limang gramo ng platino, halos 200 miligramo ng ginto, at tatlong kilo ng pilak.
Paunang Lunas sa Panahon ng Libing
Ang mga sepulturero sa isang sementeryo sa Australia ay binigyan ng defibrillator. Bakit? Gagamitin nila ito para tulungang magkamalay ang napipighating inatake sa puso, ayon sa ulat ng pahayagang Sun-Herald sa Sydney. “Karaniwan nang may inaatake sa puso kapag may inililibing,” ang paliwanag ni Sisenanda Santos, tagapagsalita ng St. John Ambulance, isang ahensiyang nangangasiwa sa programang ito. “Siksikan ang mga tao, lungkot na lungkot sila, at bihis na bihis kahit mainit ang panahon.” Ang defibrillator ay may nakarekord na instruksiyon para sa gagamit nito, at kapag natukoy ng aparato na inaatake ang isang tao, naglalabas ito ng kuryente para mapanumbalik ang tibok ng puso nito.
Nakasasamâ sa Kapaligiran ang Pagdidiborsiyo
Ang mabilis na pagdami ng pagdidiborsiyo ay nakasasamâ sa kapaligiran, dahil pinalalaki nito ang konsumo sa mga likas na yaman. Dahil sa diborsiyo, mas maraming bahay ang kakailanganin, nababawasan ang nakatira sa bawat bahay, at mas tumataas ang konsumo kada indibiduwal, ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Proceedings of the National Academy of Sciences. “Kung ang konsumo ng mga pamilyang nagdiborsiyo sa [Estados Unidos] ay katulad ng konsumo ng isang nabubuklod na pamilya, nakatipid sana sila ng 38 milyong kuwarto, 73 bilyong kilowatt-hour ng kuryente, 627 bilyong galon [2.4 trilyong litro] ng tubig noong taóng 2005 lamang.” Noong taóng 2000 naman, iniulat na may 6.1 milyon ng ganitong uri ng pamilyang “maaksaya” sa Estados Unidos.
Bibliyang Mas Maliit Pa sa Ulo ng Aspile
Nagtagumpay ang mga siyentipikong Israeli na eksperto sa larangan ng nanotechnology na mailipat sa isang silicon chip na “mas maliit pa sa ulo ng aspile” ang buong “Matandang Tipan” sa wikang Hebreo, ayon sa isang balita mula sa Science Daily sa Internet. Nagawa ang pambihirang bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapatama ng sinag na may napakaliliit na gallium ion para maiukit ang mga titik sa chip na nababalutan ng ginto. “Ang proyektong nano-bible ay nagpapakitang kaya na naming paliitin ang kahit anong mga bagay,” ang paliwanag ni Propesor Uri Sivan ng Technion-Israel Institute of Technology. Puwede na rin ngayong “mag-imbak ng impormasyon sa pagkaliliit na espasyo.”
[Picture Credit Line sa pahina 30]
AP Photo/Ariel Schalit