Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Bata at Internet—Ang Magagawa ng mga Magulang

Mga Bata at Internet—Ang Magagawa ng mga Magulang

 Mga Bata at Internet—Ang Magagawa ng mga Magulang

KUNG isa kang magulang, saan ka mas kakabahan—kapag hawak ng anak mo ang susi ng inyong kotse o kapag nakagagamit siya ng Internet nang walang limitasyon? Parehong may panganib dito, kaya kailangan niyang maging responsable. Hindi naman puwedeng habang-buhay na pagbawalan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamaneho, pero maaari nilang tiyakin na naturuan ang kanilang mga anak kung paano magiging maingat sa pagmamaneho. Sa katulad na paraan, maraming magulang ang nagtuturo sa kanilang mga anak kung paano magiging maingat sa paggamit ng Internet. Makatutulong ang sumusunod na mga simulain ng Bibliya.

“Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman.” (Kawikaan 13:16) Ang mga magulang na may mga anak na gumagamit ng Internet ay kailangang may alam din tungkol dito at kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak kapag nagpapadala ng mga instant message, tumitingin-tingin sa mga Web page, o iba pa. “Huwag mong isiping matanda ka na o walang gaanong pinag-aralan para matuto,” ang sabi ni Marshay na may dalawang anak. “Sumabay ka sa teknolohiya.”

“Magtayo ka ng maliit na pader sa paligid ng iyong [patag na] bubungan, sapagkat baka may mahulog mula roon.” (Deuteronomio 22:8, Biblia ng Sambayanang Pilipino) May mga Internet service provider at mga programa sa computer na naglalaan ng mga filter na maaaring magsilbing “pader” upang hindi makapasok ang mga mensaheng bigla na lamang lumilitaw at upang hindi rin mapasok ng gumagamit ng Internet ang mapanganib na mga site. May ilang programa pa nga na maaaring gamitin para hindi maibigay ng mga bata ang personal na mga impormasyon, gaya ng kanilang pangalan o adres. Pero tandaan, may limitasyon din ang mga filter na ito. Bukod diyan, maraming bata ang magaling sa computer at alam nila kung paano malulusutan ang mga ito.

“Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Ipinakikita ng isang pag-aaral sa United Kingdom na halos 1 sa bawat 5 kabataan na edad 9 hanggang 19 ang may computer sa kanilang kuwarto na nakakonekta sa Internet. Kung nasa sala ang computer, masusubaybayan ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak sa Internet at hindi mangangahas ang mga bata na pumasok sa mapanganib na mga site.

“Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Gumawa ng iskedyul kung kailan at kung gaano katagal maaaring gumamit ng Internet ang mga bata, at sabihin sa kanila kung anu-anong uri ng site ang puwede at hindi nila puwedeng puntahan. Bigyan sila ng mga tagubilin at tiyaking nauunawaan nila ang mga ito.

Siyempre hindi mo masusubaybayan ang iyong mga anak kapag wala sila sa bahay. Kaya mahalagang ikintal mo sa kanila ang wastong mga pamantayan para makapagpasiya sila nang tama kahit na hindi ka nila kasama. * (Filipos 2:12) Liwanagin sa kanila ang magiging parusa kung susuwayin nila ang mga tuntunin mo sa paggamit ng Internet. Saka ipatupad ang mga tuntuning iyon.

“Binabantayan [ng isang mabuting ina] ang mga lakad ng kaniyang sambahayan.” (Kawikaan 31:27)  Subaybayan ang inyong mga anak sa paggamit nila ng Internet, at ipaalam sa kanila na gagawin mo ito. Hindi ito panghihimasok. Tandaan, puwedeng buksan ng sinuman ang Internet. Inirerekomenda ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos na alamin ng mga magulang ang user name at password ng mga online account ng kanilang mga anak at tingnan ang ilan sa kanilang e-mail at ang mga Web site na pinupuntahan nila.

“Ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 2:11, 12) Hindi masusubaybayan ng mga magulang ang lahat ng ginagawa ng kanilang mga anak sa Internet. Pero malaki ang magagawa ng mga pamantayang itinuturo mo—at ng halimbawang ipinakikita mo—para maipagsanggalang ang iyong mga anak. Kaya maglaan ng panahon para kausapin ang iyong mga anak hinggil sa mga panganib sa paggamit ng Internet. Ang prangkahang pakikipag-usap sa iyong mga anak ang pinakamagaling na depensa para maipagsanggalang mo sila sa mga panganib sa paggamit ng Internet. “Kinausap namin ang dalawa naming anak na lalaki hinggil sa ‘masasamang’ tao sa Net,” ang sabi ni Tom, isang Kristiyanong ama. “Ipinaliwanag din namin sa kanila kung ano ang pornograpya, kung bakit ito dapat iwasan, at kung bakit hindi sila dapat makipag-usap sa mga hindi nila kilala.”

Maipagsasanggalang Mo ang Iyong mga Anak

Kailangan ang pagsisikap upang maipagsanggalang mo ang iyong mga anak sa mga panganib sa paggamit ng Internet, lalo na’t patuloy na nagbabago at sumusulong ang teknolohiyang ito. May malaking bentaha sa mga bagong teknolohiya, pero may kaakibat din itong matitinding panganib. Paano maihahanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga panganib na ito? “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya.—Eclesiastes 7:12.

Tulungan ang iyong mga anak na maging marunong. Tulungan din silang maintindihan kung paano iiwasan ang mga panganib sa Internet at kung paano ito gagamitin sa tamang paraan. Sa gayon, magagamit ang Internet sa kapaki-pakinabang na paraan sa halip na magsapanganib sa iyong mga anak.

[Talababa]

^ par. 7 Dapat tandaan ng mga magulang na maraming kabataan ang nakakapag-Internet sa cell phone, sa iba pang gadyet, at maging sa ilang yunit ng video game.

[Blurb sa pahina 8]

Sa United Kingdom, 57 porsiyento ng mga kabataang edad 9 hanggang 19 na linggu-linggong gumagamit ng Internet ang nakakakita ng pornograpya; gayunman, 16 na porsiyento lamang ng mga magulang ang naniniwalang nakakakita ng pornograpya sa Internet ang kanilang anak

[Blurb sa pahina 9]

Naniniwala ang mga eksperto na mga 750,000 masasamang tao ang gumagamit ng Internet araw-araw para mag-abang ng mabibiktima sa mga chat room at dating services sa Internet

[Blurb sa pahina 9]

Sa Estados Unidos, 93 porsiyento ng mga kabataang edad 12 hanggang 17 ang gumagamit ng Internet

[Larawan sa pahina 8, 9]

Matuturuan mo ba ang iyong mga anak sa tamang paggamit ng Internet?