Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maiiwasan ang Pornograpya?

Paano Ko Maiiwasan ang Pornograpya?

“Isang larawan ng hubad na babae ang nakadikit sa pinto ng locker ng isang kabataang lalaki sa iskul. Magkalapit lamang ang locker namin.”​—Robert. *

“Nagsasaliksik ako sa Internet para sa aking report sa iskul nang biglang lumitaw ang isang pornograpikong Web site.”​—Annette.

NOONG ang mga magulang mo ay kasing-edad mo, kung gusto ng mga tao na makakita ng pornograpikong larawan, kailangan pa nilang hanapin ito. Ngayon, waring pornograpya na ang lumalapit sa iyo. Katulad ni Robert, na binanggit kanina, maaaring di-sinasadyang mapatingin ka sa malaswang larawan na dinala ng iyong kaeskuwela. O, gaya ni Annette, baka hindi mo sinasadyang makita iyon habang gumagamit ka ng Internet. Ganito ang sinabi ng 19 na taóng gulang na babae: “Kung minsan, gumagamit ako ng Internet para magtingin-tingin o mamili o para lang alamin kung magkano na ang pera ko sa bangko​—bigla na lang may lilitaw na pornograpya!” *

Pangkaraniwan na lamang ito. Sa isang pag-aaral, 90 porsiyento ng mga kabataang edad 8 hanggang 16 ang nagsabing hindi sinasadyang nakakita sila ng pornograpya sa Internet​—karaniwan nang habang gumagawa ng kanilang takdang-aralin! Ang totoo, napakadali na lamang makakita ng pornograpya ngayon higit kailanman dahil milyun-milyong Web site ang naglalaman ng daan-daang milyong malalaswang larawan o mensahe. Maaari pa ngang makakita nito sa cellphone. “Usung-uso ito sa aming iskul,” ang sabi ng 16 na taóng gulang na si Denise. “Parang ang usapan tuwing Lunes ay, ‘Anu-anong litrato ang nai-download mo sa cellphone noong Sabado at Linggo?’”

Dahil napakaraming tao ang tumitingin sa pornograpya, baka maitanong mo, ‘Talaga nga kayang masama iyon?’ Ang sagot ay oo, sa maraming kadahilanan. Pansinin ang tatlo lamang sa mga ito:

Pinabababa ng pornograpya ang pagkatao ng gumagawa nito at ng tumitingin dito.​1 Tesalonica 4:3-5.

Ang pagiging mahilig sa pornograpya ay katulad ng pagiging gahaman sa sekso ng masasamang espiritu noong panahon ni Noe.​—Genesis 6:2; Judas 6, 7.

Ang pagtingin sa pornograpya ay kadalasan nang humahantong sa imoralidad.​—Santiago 1:14, 15.

Napapahamak ang mga nasisilo ng pornograpya. Pansinin ang dalawa lamang sa mga halimbawa:

“Bata pa ako nang makakita ako ng pornograpya, at talagang nahirapan akong ihinto iyon. Mga taon na ang nakalilipas, pero hindi pa rin nabubura sa isipan ko ang mga larawan. Waring lagi itong laman ng aking isip, at parang hindi na talaga magiging malinis ang budhi ko. Sinisira ng pornograpya ang paggalang mo sa iyong sarili, at pakiramdam mo ay marumi ka at walang halaga. Lagi kang may mabigat na dalahin sa loob mo.”​—Erica.

“Sampung taon akong nalulong sa pornograpya, at 14 na taon na ang nakalipas mula nang huminto ako. Pero hanggang ngayon, araw-araw ko pa rin iyong pinaglalabanan. Bagaman nasusupil ko ang paghahangad dito, hindi pa rin iyon naaalis. Naroroon pa rin ang pagnanais kong tumingin. Ang mga larawan ay nasa isipan ko pa rin. Sana’y hindi ko na lang sinimulan ang napakasamang bisyong iyon. Sa umpisa, mukhang hindi naman iyon masama. Pero hindi pala. Ang pornograpya ay nakapipinsala, napakasama, at pinabababa nito ang pagkatao ng lahat ng kasangkot. Anuman ang sabihin ng mga nagtataguyod nito, walang anumang mabuti sa pornograpya​—talagang wala.”​—Jeff.

Pagsusuri sa Sarili

Paano mo maiiwasan kahit ang makakita ng pornograpya nang di-sinasadya? Una, suriin mo ang kalagayan.

Gaano ka kadalas makakita ng pornograpya nang di-sinasadya?

Hindi pa Paminsan-minsan

Linggu-linggo Araw-araw

Saan mo ito madalas makita?

Internet Iskul

TV Iba pa

Sa anong pagkakataon mo ito madalas makita?

Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

Pinadadalhan ka ba ng ilan sa iyong kaeskuwela ng pornograpikong larawan o mensahe sa e-mail o sa cellphone? Ngayong napag-isip-isip mong ganito ang nangyayari, mauudyukan ka nitong burahin ang mga ito nang hindi na binubuksan ang ipinadadala nila.

Kung gumagamit ka ng Internet, may bigla bang lumilitaw na mensahe o larawan kapag ipinapasok mo ang ilang partikular na salita sa paghahanap ng impormasyon? Kung gayon, maaaring makatulong sa iyo na maging espesipiko sa pagpasok ng mga salita kapag naghahanap ka ng impormasyon.

Itala sa ibaba ang mga pagkakataong nakakita ka ng pornograpya.

․․․․․․․․․․

Kung isasaalang-alang mo ang nabanggit sa itaas, ano ang maaari mong gawin upang mabawasan ang mga pagkakataong makakita ka ng pornograpya nang di-sinasadya? (Isulat ang maiisip mo sa ibaba.)

․․․․․․․․․․

Ano ang ginagawa mo kapag nakakita ka ng pornograpya?

Umaalis ako kaagad.

Tumitingin ako sandali para mag-usyoso.

Patuloy akong tumitingin at naghahanap ng iba pa.

Kung pangalawa o pangatlo ang pinili mo, ano ang maaari mong gawing tunguhin tungkol dito?

․․․․․․․․․․․

Paghinto sa Bisyo

Ang ilang nakakakita ng pornograpya nang di-sinasadya ay nagiging mausisa at, sa kalaunan, nagiging bisyo na nila iyon. Hindi madaling huminto sa gayong bisyo. Si Jeff, na binanggit kanina, ay nagsabi: “Bago ako nag-aral ng Bibliya, nasubukan ko na ang halos lahat ng kilalang ilegal na droga. Pero sa lahat ng naging bisyo ko, pornograpya ang pinakamahirap ihinto.”

Kung nalulong ka sa pagtingin sa pornograpya, huwag mawalan ng pag-asa. Maaari kang matulungan. Paano?

Unawain kung ano talaga ang pornograpya. Paraan ito ni Satanas upang pasamain ang isang bagay na ginawang marangal ni Jehova. Kung uunawain mo ang pornograpya sa ganitong paraan, matutulungan ka nitong ‘kapootan ang kasamaan.’​—Awit 97:10.

Isipin ang ibubunga. Sinisira ng pornograpya ang pag-aasawa. Inaalisan nito ng dignidad ang mga babae at lalaki. Pinabababa nito ang pagkatao ng mga tumitingin dito. May magandang dahilan ang Bibliya nang sabihin nito: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Isulat sa ibaba ang halimbawa ng kapahamakang maaari mong danasin kapag nakaugalian mong tumingin sa pornograpya.

․․․․․․․․․

Mangako. “Ako ay gumawa ng taimtim na pangako na hindi kailanman titingin nang may pagnanasa sa isang babae,” ang sabi ng tapat na lalaking si Job. (Job 31:1, Today’s English Version) Narito ang ilang “taimtim na pangako” na maaari mong gawin:

Hindi ako gagamit ng Internet kapag mag-isa lamang ako sa kuwarto.

Isasara ko kaagad ang anumang lilitaw na site na may malaswang mensahe o larawan.

Ipakikipag-usap ko sa isang may-gulang na kaibigan kapag tumingin akong muli sa pornograpya.

May maiisip ka pa ba na magagawa mo na tutulong sa iyong mapaglabanan ang pagkalulong mo sa pornograpya? Kung mayroon, itala iyon sa ibaba.

․․․․․․․․․․․

Manalangin. Nanalangin ang salmista kay Jehova: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” (Awit 119:37) Totoong mahirap iwasan ang isang bagay na kaakit-akit sa makasalanang laman. Pero gusto ng Diyos na Jehova na magtagumpay ka, at maaari ka niyang bigyan ng “lakas na higit sa karaniwan” para magawa mo kung ano ang tama!​—2 Corinto 4:7.

Ipakipag-usap ito. Nahihiya ka bang gawin ito? Malamang! Pero isipin mong gagaan ang iyong pakiramdam kapag naihinga mo ang iyong niloloob. Ang taong pagsasabihan mo ay maaaring maging gaya ng “isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Kadalasan nang ang pagpili ng isa na mapagsasabihan mo ng iyong niloloob ay isang mahalagang hakbang para tuluyan mo nang maihinto ang iyong bisyo!

Kung naging bisyo mo nang tumingin sa pornograpya, isulat sa ibaba ang pangalan ng taong may-gulang na mapagsasabihan mo ng tungkol dito.

․․․․․․․․․․

Maaari kang magtagumpay sa pakikipagpunyagi laban sa pornograpya. Sa katunayan, sa bawat pagkakataong naiiwasan mo ito, nagtatagumpay ka. Sabihin kay Jehova ang tagumpay mong iyon, at pasalamatan siya sa lakas na ibinigay niya sa iyo. Lagi mong tandaan na sa pag-iwas mo sa pornograpya, napasasaya mo ang puso ni Jehova!​—Kawikaan 27:11.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/​ype

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 5 Ang terminong pornograpya ay tumutukoy sa malalaswang materyal na dinisenyo upang pukawin ang damdamin ng mga nakakakita, nagbabasa, o nakikinig nito. Kasama rito ang mga larawan pati na ang anumang materyal na mababasa o mapapakinggan.

PAG-ISIPAN

◼ Paano pinasasamâ ng pornograpya ang isang bagay na marangal?

◼ Ano ang praktikal mong magagawa para maiwasan ang pornograpya?

◼ Paano mo matutulungan ang iyong kapatid na maaaring nalulong sa pornograpya?

[Larawan sa pahina 12, 13]

Pinadadalhan ka ba ng ilan sa iyong kaeskuwela ng pornograpikong larawan sa cellphone?