Kamatayan ba ang Katapusan ng Lahat ng Bagay?
Kamatayan ba ang Katapusan ng Lahat ng Bagay?
‘ANO ang nangyayari pagkamatay natin?’ Iyan na marahil ang pinakamahirap at pinakamatagal na katanungan ng tao. Libu-libong taon nang pinag-iisipan ng matatalinong tao mula sa lahat ng sibilisasyon ang tanong na iyan. Pero samu’t saring mga teoriya at kuru-kuro lamang ang naibibigay ng pilosopiya ng tao at pananaliksik ng siyensiya.
Ano naman ang itinuturo ng Bibliya? Maaaring ikatuwiran ng ilan na nakalilito rin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan at kabilang-buhay. Pero upang maging makatuwiran, dapat nating tanggapin ang katotohanan na nagkaroon ng kalituhan dahil hinaluan ng maraming relihiyon ng mga kasinungalingan at alamat ang malinaw na mga turo ng Bibliya. Kung susuriin mo lamang kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya at hindi mo paniniwalaan ang mga tradisyon at kuru-kuro, matutuklasan mong may makatuwirang turo na nagbibigay ng pag-asa.
Bago Ka Umiral
Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Haring Solomon na sinipi sa naunang artikulo. Malinaw na binabanggit ng dalawang kasulatang iyon na ang mga patay—kapuwa tao at hayop—ay wala nang anumang nalalaman. Kaya sinasabi ng Bibliya na wala nang gawain, kabatiran, damdamin, ni kaisipan man sa kamatayan.—Eclesiastes 9:5, 6, 10.
Mahirap bang paniwalaan iyan? Pag-isipan ito: Ano ba ang kalagayan ng tao bago siya nabuhay? Nasaan ka bago nagsama ang maliliit na selula mula sa iyong mga magulang upang mabuo ka? Kung may di-nakikitang bagay na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng tao, nasaan iyon bago ka ipaglihi? Ang totoo, wala kang maaalaala na umiral ka bago ka naging tao dahil bago ka ipaglihi, hindi ka naman talaga umiiral. Ganiyan lamang kasimple iyan.
Kaya makatuwirang isipin na kapag namatay tayo, babalik tayo sa kalagayan natin bago tayo nabuhay—wala tayong kabatiran. Gaya ito ng sinabi ng Diyos kay Adan nang sumuway siya: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Sa gayong diwa, walang kaibahan ang tao sa hayop. Ganito ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay: “Ang tao ay walang kahigitan sa hayop.”—Eclesiastes 3:19, 20.
Ibig bang sabihin nito na ang buhay ng tao ay limitado lamang sa iilang dekada at pagkatapos ay magwawakas na nang habang panahon? O
mayroon bang pag-asa para sa mga patay? Pansinin ang mga sumusunod.Likas na Pagnanais na Mabuhay
Ang kamatayan ay itinuturing ng halos lahat ng tao na isang di-kaayaayang paksa. Waring lalo nang iniiwasan ng maraming tao na pag-usapan o kahit pag-isipan man lamang ang kanila mismong kamatayan. Sa kabilang panig, sila ay palaging nakakapanood sa telebisyon at sa pelikula ng mga taong namamatay sa iba’t ibang paraan at nakababalita at nakakakita ng mga taong aktuwal na namamatay na iniuulat ng media.
Kaya tila pangkaraniwan na lamang kapag namatay ang ibang tao. Pero di-pangkaraniwan naman kapag namatay ang isa nating mahal sa buhay o tayo mismo. Ito ay dahil nakatanim sa isip ng tao ang likas na pagnanais na mabuhay. Palaisip din tayo sa panahon at alam natin ang konsepto ng kawalang-hanggan. Isinulat ni Haring Solomon na “naglagay [ang Diyos] ng kawalang-hanggan sa puso ng mga tao.” (Eclesiastes 3:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Sa ilalim ng normal na kalagayan, gusto nating mabuhay nang walang hanggan. Gusto natin ng buhay na hindi magwawakas. Walang pahiwatig na may gayon ding paghahangad ang mga hayop. Nabubuhay sila nang hindi iniisip ang hinaharap.
Ang Napakalaking Potensiyal ng Tao
Hindi lamang ninanais ng mga tao na mabuhay nang walang hanggan kundi mayroon din silang potensiyal na manatiling abala at gumawa ng maraming bagay magpakailanman. Tila walang limitasyon ang kakayahang matuto ng tao. Sinasabing walang katulad ang utak ng tao sa pagiging masalimuot at sa kakayahan nitong bumagay sa mga pagbabago. Di-gaya ng mga hayop, mayroon tayong malikhaing isip na may kakayahang mangatuwiran at makaunawa ng abstrak na mga konsepto. Katiting pa lamang ang nauunawaan ng mga siyentipiko sa potensiyal ng utak ng tao.
Karamihan sa potensiyal na iyon ay nananatili pa rin kahit tumanda na tayo. Kamakailan lamang nalaman ng mga neuroscientist na karamihan sa nagagawa ng utak ay hindi naaapektuhan ng pagtanda. Ganito ang paliwanag ng mga mananaliksik ng The Franklin Institute’s Center for Innovation in Science Learning: “Ang utak ng tao ay patuloy na nagbabago at lumilikha ng bagong mga koneksiyon ng nerbiyo. Kahit sa pagtanda, nakagagawa ito ng mga bagong neuron. Ang malubhang paghina ng kakayahan ng isip ay karaniwan nang dahil sa pagkakasakit, pero ang pagiging malilimutin o paghina ng koordinasyon sa pagkilos kapag tumatanda na ay dahil lamang sa kawalan ng ginagawa at kakulangan ng ehersisyo na magpapagana at pupukaw ng isip.”
Sa ibang pananalita, kung pananatilihin nating aktibo at malusog ang ating utak, maaari itong gumana nang habang panahon. “‘Ang utak,’ ang sabi ng molecular biologist na si James Watson, isa sa mga nakatuklas ng pisikal na kayarian ng DNA, ‘ang pinakamasalimuot na bagay na natuklasan sa ating uniberso.’” Ipinaliwanag ng aklat ni Gerald Edelman, isang neuroscientist, na ang isang bahagi ng utak ng tao na sinlaki ng ulo ng posporo ay “naglalaman ng halos isang bilyong koneksiyon ng nerbiyo na maaaring pagsama-samahin sa di-mabilang na paraan—mga sampu na sinusundan ng milyun-milyong zero.”
Makatuwiran bang isipin na mabubuhay lamang ang tao nang ilang dekada samantalang binigyan siya ng napakalaking potensiyal? Hindi nga! Para kang gumamit ng mabilis at mahabang tren para dalhin ang isang butil ng buhangin sa layo na ilang sentimetro lamang! Pero bakit gayon na lamang kalaki ang kakayahan ng tao na lumikha at matuto? Di-tulad ng hayop, hindi kaya nilalang ang tao upang mabuhay magpakailanman at hindi para mamatay?
Pag-asa Mula sa Diyos na Pinagmumulan ng Buhay
Dahil mayroon tayong likas na hangaring mabuhay at napakalaking kakayahan na matuto, makatuwirang isipin ang konklusyong ito: Dinisenyo
ang tao na mabuhay nang mas mahaba kaysa sa 70 o 80 taon lamang. Ito ay umaakay naman sa isa pang konklusyon: Tiyak na may isang Disenyador, isang Maylalang, isang Diyos. Ang di-nagbabagong mga batas ng pisikal na uniberso at ang di-maarok na pagkamasalimuot ng buhay ay nagpapatibay sa paniniwalang may isang Maylalang.Kung talaga ngang nilalang tayo ng Diyos para mabuhay magpakailanman, bakit tayo namamatay? At ano ang nangyayari pagkamatay natin? Layunin ba ng Diyos na buhaying muli ang mga patay? Waring makatuwirang isipin na sasagutin ng marunong at makapangyarihang Diyos ang mga tanong na ito, at gayon nga ang kaniyang ginawa. Pansinin ang sumusunod:
◼ Hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao ang kamatayan. Ipinahihiwatig ng unang pagbanggit ng Bibliya sa kamatayan na hindi ito ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao. Ipinaliliwanag ng ulat ng Bibliya sa Genesis na binigyan ng Diyos ng simpleng pagsubok ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, upang hayaan silang ipakita ang kanilang pag-ibig at katapatan sa Kaniya. Ito ay ang pagbabawal na kumain mula sa isang partikular na puno. Sinabi ng Diyos: “Sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Mamamatay lamang sina Adan at Eva kapag nagrebelde sila, sa gayo’y hindi nakapasa sa pagsubok. Isinisiwalat ng ulat ng Bibliya na hindi sila napatunayang tapat sa Diyos kaya namatay sila. Sa ganitong paraan, nagsimula ang di-kasakdalan at kamatayan sa pamilya ng tao.
◼ Inihahambing ng Bibliya ang kamatayan sa pagtulog. Binabanggit nito ang ‘pagtulog sa kamatayan.’ (Awit 13:3) Bago buhaying muli ni Jesus ang kaibigan niyang si Lazaro, ipinaliwanag niya sa kaniyang mga apostol: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” At gayung-gayon nga ang ginawa ni Jesus! Sinasabi ng Bibliya na nang tumawag si Jesus, “ang taong [si Lazaro na] namatay ay lumabas” mula sa “alaalang libingan”—muling buháy na buháy!—Juan 11:11, 38-44.
Bakit tinukoy ni Jesus na pagtulog ang kamatayan? Dahil ang taong natutulog ay walang
ginagawa. Kapag mahimbing ang tulog ng isa, wala siyang kabatiran sa mga nangyayari sa palibot niya ni sa pagdaan ng panahon. Hindi siya nakadarama ng kirot o pagdurusa. Sa katulad na paraan, kapag namatay ang isa, wala na siyang nalalaman ni magagawa man. Pero may higit pang matututuhan sa paghahambing na iyon. Kapag natutulog ang isa, inaasahang gigising siya. At ganiyang-ganiyan ang ibinibigay na pag-asa ng Bibliya para sa mga namatay.Ipinangako mismo ng Maylalang: “Mula sa kamay ng Sheol [ang karaniwang libingan] ay tutubusin ko sila; mula sa kamatayan ay babawiin ko sila. Nasaan ang iyong mga tibo, O Kamatayan? Nasaan ang iyong pagiging mapamuksa, O Sheol?” (Oseas 13:14) Sinasabi ng isa pang hula sa Bibliya na “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Ito ang tinatawag na pagkabuhay-muli.
◼ Saan maninirahan ang mga bubuhaying muli? Gaya ng nabanggit na, may likas na pagnanais ang tao na mabuhay nang patuluyan. Saan mo gustong mabuhay magpakailanman? Masisiyahan ka bang malaman na pagkamatay mo, patuloy kang iiral bilang isa na lamang bahagi ng puwersa ng buhay sa uniberso, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon? Gugustuhin mo bang umiral bilang ibang tao na walang alaala tungkol sa kung sino ka bago ka namatay? Matutuwa ka bang muling mabuhay bilang isang hayop o isang puno? Kung papipiliin ka, gusto mo ba talagang mabuhay sa isang daigdig na walang anumang bagay na nakasanayan mo at nakapagpapasaya sa iyo bilang tao?
Hindi mo ba gugustuhing mabuhay nang walang hanggan sa ilalim ng magagandang kalagayan dito sa lupa? Ganiyang-ganiyan ang pag-asang ibinibigay ng Bibliya—ang mabuhay magpakailanman dito mismo sa lupa. Nilalang ng Diyos ang lupa para sa layuning iyan—upang tirhan ng mga taong iibig at maligayang maglilingkod sa kaniya magpakailanman. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29; Isaias 45:18; 65:21-24.
◼ Kailan magaganap ang pagkabuhay-muli? Yamang itinulad ang kamatayan sa pagtulog, nagpapahiwatig ito na karaniwan nang hindi kaagad bubuhaying muli ang isa pagkamatay niya. May panahon ng “pagtulog” sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay-muli. Sa Bibliya, nagtanong ang lalaking si Job: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” Saka siya sumagot: “Maghihintay ako [sa libingan], hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Job 14:14, 15) Kaylaki ngang kagalakan kapag dumating ang panahong iyon at muling makasama ng mga namatay ang kanilang mahal sa buhay!
[Ang Diyos] ay tatawag, at ako ay sasagot.” (Hindi Na Kailangang Matakot
Sabihin pa, hindi naman inaalis ng pag-asa mula sa Bibliya ang lahat ng pagkatakot sa kamatayan. Likas lamang na mangamba ka sa kirot at pighating maaaring idulot ng kamatayan. Mauunawaan naman kung natatakot kang mawalan ng isang mahal sa buhay. At likas din kung natatakot ka sa malungkot na ibubunga ng mismong kamatayan mo sa iyong mauulila.
Pero tinutulungan tayo ng Bibliya na alisin ang kahila-hilakbot na pagkatakot sa kamatayan nang isiwalat nito ang tunay na kalagayan ng mga patay. Hindi mo kailangang matakot na pahihirapan ka ng mga demonyo sa maapoy na impiyerno sa kabilang-buhay. Hindi mo kailangang matakot sa madilim na daigdig ng mga patay kung saan balisa at walang-tigil na gumagala ang mga kaluluwa. At hindi mo kailangang matakot na hindi ka na iiral nang habang panahon sa hinaharap. Bakit? Dahil walang hanggan ang alaala ng Diyos, at nangangako siya na muli niyang bubuhayin dito sa lupa ang lahat ng namatay na nasa kaniyang alaala. Ginagarantiyahan iyan ng Bibliya sa pagsasabing: “Ang tunay na Diyos para sa atin ay isang Diyos ng mga gawa ng pagliligtas; at kay Jehova na Soberanong Panginoon ang mga daang malalabasan mula sa kamatayan.”—Awit 68:20.
[Blurb sa pahina 5]
“Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”—Genesis 3:19
[Blurb sa pahina 6]
“Naglagay [ang Diyos] ng kawalang-hanggan sa puso ng tao.”— Eclesiastes 3:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
SAGOT SA IYONG MGA TANONG TUNGKOL SA KAMATAYAN
Walang alinlangan, may mga tanong tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli na hindi tinalakay sa mga artikulo ng magasing ito. Marami ang nakasumpong ng kasiya-siyang sagot sa kanilang mga tanong nang makipag-aral sila ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hinihimok ka namin na gayon din ang gawin. Narito ang ilan lamang sa mga tanong na sasagutin:
◼ Ano ang kahulugan ng termino sa Bibliya na “impiyerno” at “lawa ng apoy”?
◼ Kung walang maapoy na impiyerno, paano parurusahan ang masasamang tao?
◼ Ayon sa Bibliya, humihiwalay ang espiritu sa katawan pagkamatay. Ano ang espiritung iyon?
◼ Bakit napakaraming ulat ng pakikipagtalastasan sa mga namatay?
◼ Ano ang ibig sabihin ng salitang “kaluluwa” sa Bibliya?
◼ Kailan mangyayari ang pagkabuhay-muli sa paraisong lupa?
◼ Mabubuhay bang muli ang lahat ng patay anuman ang kanilang ginawa noong buháy pa sila?
Ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay nagbibigay ng malinaw at salig-Bibliyang sagot sa mga tanong na ito. Pakisuyong sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito para humiling ng isang kopya.
[Larawan sa pahina 7]
Sinabi ni Jesus na ‘gigisingin niya si Lazaro mula sa pagkakatulog’
[Larawan sa pahina 8, 9]
Guni-gunihin ang kagalakan kapag binuhay-muli ang mga namatay nating mahal sa buhay!