Baikal—Ang Pinakamalalim na Lawa sa Daigdig
Baikal—Ang Pinakamalalim na Lawa sa Daigdig
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA RUSSIA
MALAON nang pinagpipitaganan ng mga tribo sa Mongolia sa liblib na rehiyong kilala ngayon bilang timugang Siberia ang lawa na ito. Bagaman maraming lawa ang mas malawak, ito ang pinakamalalim na tubig-tabang na lawa sa daigdig at may pinakamaraming tubig. Ang isa sa mga pangalan nito na kilala hanggang sa ngayon ay Baikal, na pinaniniwalaang nangangahulugang “Mayamang Lawa” o “Dagat.” Sa katunayan, dahil “napakalaki at may panahong maalon” ang lawa, maririnig kung minsan sa mga magdaragat na nasa pampang nito ang “pagtungo sa dagat.”
Malapít sa puso ng mga Ruso ang Lawa ng Baikal. Tinawag ito ng isang siyentipiko sa Moscow na “magandang piyesa sa musika na alam ng lahat ng bata.” Gaya ng musika na maraming “nota,” sagana ito sa makapigil-hiningang mga dalampasigan, kahanga-hangang malinaw na tubig, at sari-saring di-karaniwang mga nilalang na dito lamang matatagpuan.
Kung titingnan mula sa himpapawid, ang Lawa ng Baikal—mga 636 na kilometro ang haba at 80 kilometro sa pinakamalapad na bahagi nito—ay parang asul na matang bahagyang nakabukas. Dito natitipon ang 20 porsiyento ng lahat ng tubig-tabang sa lupa, mas marami kaysa sa limang pinagsamang Malalaking Lawa sa Hilagang Amerika! Ang lalim ng Lawa ng Baikal ay mahigit 1,600 metro. Kung bigla itong matutuyo, kakailanganin ang lahat ng tubig na umaagos sa lahat ng ilog sa daigdig sa buong taon upang muli itong mapuno!
Banggaan ng mga Kontinente
Ayon sa teoriya ng mga heologo, isang subkontinente na gumagalaw pahilaga ang bumangga noon sa Asia. Sa lakas ng pagsalpok, nagmistulang nilamukos na palara ang malaking bahagi ng pinakasahig na batuhan ng lupa na nagtulak pataas sa ibabaw ng lupa kaya nagkaroon ng kabundukan ng Himalaya. Naniniwala ang ilan na dahil sa banggaan ng mga kontinente, muling gumalaw at lalo pang lumalim ang ilang awang ng lupa sa Siberia. Isa na rito ang kilala ngayong Baikal Rift. Sa paglipas ng panahon, ang umaagos na banlik mula sa nakapalibot na mga bundok ang pumunô sa awang nang hanggang mga pitong kilometro. Napunô ito ng tubig at naging Lawa ng Baikal. Ngayon, mahigit 300 ilog at batis ang umaagos papasok sa lawa, ngunit isa lamang ang dumadaloy palabas dito, ang Angara.
Di-gaya ng karamihan sa sinaunang mga lawa ng daigdig, ang Baikal ay hindi napupuno ng banlik o nagiging latian. Naniniwala ang mga siyentipiko na dahil ito sa aktibong mga platong tektonik sa ilalim ng lawa na kumikilos pa rin anupat lalong lumalaki ang awang. Kaya sa halip na mapunô ng banlik sa paglipas ng panahon, ang lawa ay lalo pa ngang lumalalim taun-taon! Ang aktibong mga plato na ito rin ang dahilan ng manaka-nakang pagpulandit ng mainit na tubig na parang mga haligi sa pinakasahig ng lawa.
Isang Sulyap sa Ilalim ng Lawa ng Baikal
Medyo nakakatakot sa ilan ang pamamangka sa gitna ng Lawa ng Baikal. Napakalinaw ng malakristal na tubig nito anupat kitang-kita mo ang kailaliman hanggang mga 50 metro! Nililinis ng pagkaliliit na mga krustasyong tinatawag na epischura ang lawa at inaalis nito ang mga lumot at baktirya na nagpapalabo sa maraming lawa. Tumutulong din sa kanila ang ilang uri ng maliliit na ulang na “gumagala” sa lawa at kumakain ng dumi mula sa buháy na mga organismo na dapat sana’y mabubulok. Kaya napakalinis ng tubig nito. Sa katunayan, wala pang dalawang dekada ang nakalipas, sinuri sa laboratoryo ang sampol ng tubig na kinuha mula rito at lumilitaw na dumumi ang tubig dahil sa pinaglagyan nito!
Bukod sa malakristal na tubig nito, kilala rin ang Lawa ng Baikal sa saganang oksiheno ng tubig nito. Ang ilang malalalim na lawa ay nauubusan ng oksiheno sa isang tiyak na lalim, kaya karamihan ng mga nilalang sa mga lawang ito ay naninirahan sa mas mababaw na bahagi ng tubig. Pero dahil umaagos nang pataas at pababa sa lahat ng direksiyon ang tubig sa Lawa ng Baikal, nahahalo ang tubig at umaabot ang oksiheno nito sa pinakamalalim na bahagi ng lawa. Kaya namumutiktik sa buhay ang lawa kahit sa kailaliman nito.
Nabubuhay sa malamig at malinis na tubig nito ang mayabong na mga pananim. Nagsasanga na parang mga korales ang berdeng mga espongha at nagbibigay ito ng proteksiyon sa maraming maliliit na nilalang sa tubig. Nagkukumpulan sa palibot ng mga guwang ng mainit na tubig ang maraming organismong gusto ang init. Sa mahigit na 2,000 uri ng nilalang na nabubuhay sa lawa, 1,500 uri ang dito lamang matatagpuan.
Kilala rin ang Lawa ng Baikal sa omul, masarap na puting isda sa artiko na gustung-gusto ng mga mangingisda. Pambihira at kakaiba ang ilan pang nilalang na matatagpuan dito. Isang uri ng bulating-lapad ang humahaba nang mahigit isang piye at kumakain ng isda. Mayroon pa ngang isang-selulang organismo na nabubuhay sa pagitan ng mga butil ng buhangin! Natatangi rin ang lawa dahil sa isdang golomyanka—matatagpuan lamang sa Baikal. Ito marahil ang pinakakakatwang isda rito.
Ang katawan ng maliit na golomyanka ay tinatagos ng liwanag at kumikinang. Nabubuhay ito malapit sa pinakasahig ng lawa at naglalabas ng mga semilya. Ikatlong bahagi ng katawan nito ay taba na mayaman sa bitamina A. Natatagalan nito ang matinding presyon sa lalim na 200 hanggang 450 metro; gayunman, kapag nabilad ito sa liwanag ng araw, natutunaw ang katawan nito, maliban sa mga tinik at taba. Ang golomyanka ay paboritong pagkain ng marahil pinakakilalang nilalang na nakatira sa Lawa ng Baikal—ang nerpa, o poka ng Baikal. Ito ang tanging poka na nabubuhay lamang sa tubig-tabang.
Ang Nagbabagong Panahon
Sa loob ng mga limang buwan taun-taon, ang Lawa ng Baikal ay nababalot ng yelo. Sa mga huling bahagi ng Enero, ang yelo ay isang metro o higit pa ang kapal. May disenyo itong mga linya na parang moseyk at kumikinang sa araw na gaya ng mga salamin sa bintana. Ang yelo ay tila napakanipis—napakalinaw nito anupat nakikita ng mga taong lumalakad dito ang mga bato sa pinakasahig ng lawa. Sa katunayan, ang yelo ay karaniwang di-kapani-paniwalang matibay. Isang dantaon na ang nakalipas, noong taglamig ng Digmaang Ruso-Hapon, nagtayo ng riles ng tren sa yelong ito ang hukbong Ruso at matagumpay na dumaan dito ang 65 tren!
Sa dulong bahagi ng Abril hanggang Hunyo, parang mga kulog ang nababasag na yelo. Ang ingay na palaging naririnig mula sa lawa sa panahong ito ay lumilikha ng tinatawag ng mga tagaroon na “musika ng yelo.” Isinulat ng naturalistang si Gerald Durrell na ang yelo “ay tumataginting na gaya ng maliliit na simbalo [at] gumagaralgal na gaya ng maraming pusa.” Di-magtatagal, habang umiinit ang panahon, tinatangay ng hangin at alon ang yelo na animo’y kumikinang na mga bunton at inihahagis sa pampang.
Kapag nakikita na ang tubig ng lawa, nagbabalik na ang mga ibon. Ang ilan sa mga ibon sa Lawa ng Baikal, gaya ng dipper, ay nananatili sa buong taglamig sa bukana ng Ilog Angara, ang tanging bahagi ng lawa na hindi kailanman nagyeyelo. Habang umiinit ang panahon, sumasama sila sa iba pang ibon sa tubig—gaya ng mga bibi, gansa, sisne, at kandangaok.
Maaari namang makita ng mga pumapasyal sa lawa sa Hunyo ang mga pamilya ng oso na nagtutungo sa gilid ng tubig upang kumain ng kulumpon ng mga uod ng isang uri ng langaw na napipisa sa batuhan. Tuwang-tuwang dinidilaan ng mga oso ang mga insekto na di-alintana ang hugong ng nagliliparang insekto sa palibot nila. Maraming hayop at ibon ang nagpupunta sa pampang sa panahong ito, palibhasa’y naaakit sila sa maraming oso na nanginginain ng mga uod ng langaw sa tubig-lawa.
Sa simula ng tagsibol at tag-araw, sandaling sumisibol sa lawa ang mga lumot, na nagsisilbing pagkain ng maliliit na krustasyo at nagbibigay ng kulay berde sa tubig. Pero karaniwan na, gaya ng makikita mula sa baybayin, kulay turkesa ang tubig sa Lawa ng Baikal at sa pinakalaot naman nito ay matingkad na asul—ang kulay ng karagatan.
Makikita sa pampang ang mga burol ng buhanging tinangay ng hangin at matatarik na dalisdis. Maraming makapigil-hiningang tanawin ng kaakit-akit na mga look at tangos ang makikita rito sa tinatawag ng isang manunulat na parang “kumikinang na perlas”—isang pabagu-bagong tanawin ng tubig at kalangitan.
Sa dakong huli ng taon, madalas na nagiging maunos ang lawa. Kung minsan ang hangin sa taglagas na sinlakas ng bagyo ay bumababâ sa lawa. Mabilis na nag-aalimpuyo ang tahimik na ibabaw ng lawa at nagiging nagngangalit na alon na umaabot ng apat hanggang anim na metro ang taas. Kahit sa ibang bahagi ng taon, may malalaking barkong pampasahero at mga bangkang pangisda na lumubog dahil sa malakas na hangin.
Isang Lugar na May Iba’t Ibang Tanawin
Dahil sa matinding lamig sa Siberia, ang Lawa ng Baikal ay tila isang malamig at nagsosolong dambuhala, subalit sa katunayan, napaliligiran ito ng saganang buhay-iláng at iba’t ibang tanawin. Nakapalibot sa lawa ang apat na nagtataasang kabundukan na tirahan ng usang reno, gayundin ng nanganganib-malipol na kambing-bundok ng Siberia.
Nasa mas mababang lugar ang kaparangan. Ang ilang kaparangan ay matatawag na halamanan ng mga bulaklak ng Siberia dahil sa pambihira at sari-saring ligáw na bulaklak na masusumpungan dito. Kabilang sa bihirang uri ng mga ibon sa kaparangan ang isang uri ng tipol, ang demoiselle crane, na eleganteng tingnan at ang bustard, ang pinakamalaking ibon sa Asia.
Mahalaga sa Lawa ng Baikal ang taiga, ang makapal na kagubatan ng mga puno ng pino sa palibot nito. Doble ang laki ng taiga kaysa sa maulang kagubatan ng Amazon sa Brazil. Katulad nito, napakahalaga ng taiga sa pagpapanatili ng ekolohiya at klima ng daigdig. May ilang uri ng ibon dito, kabilang na ang capercaillie, isang uri ng grouse, na kilala sa magandang awit nito at pagtatanghal kapag nanliligaw. Madalas ding makita sa lawa ang magandang teal ng Baikal, na makikita sa pahina 17.
Kapansin-pansing mamalya ang Barguzin sable. Ang mga ito ay walang-awang hinuhuli noon dahil sa makintab na balahibo nito, pero dumarami na ngayon ang bilang nito, sa tulong ng mga conservationist. Sa pagsisikap na iligtas ang magandang nilalang na ito, naitatag noong 1916 ang Barguzin Nature Reserve sa baybayin ng Lawa ng Baikal. Ngayon, tatlong lugar na hindi basta-basta napapasok ng tao ang nasa baybayin ng lawa, pati na ang tatlong pambansang parke na puwedeng pasyalan ng publiko.
Pagbubulay-bulay sa “Lalim” ng Paglalang
Ang Lawa ng Baikal ay isang lugar na kabilang sa UNESCO World Heritage site at isang popular na pasyalan ng mga turista. Mahigit 300,000 turista mula sa buong daigdig ang pumupunta rito taun-taon. “Ang Baikal ngayon ay paraiso para sa mga mahilig sa kalikasan at magandang pasyalan sa bakasyon,” ang sabi ng isang artikulo tungkol sa paglalakbay. “Angkop lamang na maging isa sa pinakamagandang bakasyunan sa Asia ang Baikal dahil sa magagandang dalampasigan nito, maiinam na lugar para sa paglalakad, pagmamasid sa mga ibon, at kasiya-siyang pamamangka.”
Ang lawa ay napakagandang lugar upang bulay-bulayin ang sukdulang karunungan ng Diyos at ang karingalan ng kaniyang mga nilalang. Ang Diyos lamang ang makalilikha ng gayon kagandang lawa, taglay ang lahat ng pambihira at likas na proseso upang masustinihan ang napakaraming buhay rito! Kung tatayo ka sa dalampasigan ng Lawa ng Baikal, masasabi mo ang pananalita ng manunulat ng Bibliya na bumulalas: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!”—Roma 11:33.
[Kahon/Larawan sa pahina 16 17]
ANG POKA NA NABUBUHAY LAMANG SA TUBIG-TABANG
Libu-libong nerpa, o poka ng Baikal ang nakatira sa malalim na tubig ng Lawa ng Baikal at buong taóng nanginginain doon ng mga isda. Walang nakaaalam kung bakit doon lamang sa Siberia matatagpuan ang mga nerpa. Ang pinakamalapit nitong kauring poka ay matatagpuan mga 3,220 kilometro ang layo mula roon.
Ang nerpa ang pinakamaliit na poka sa daigdig na mga 1.4 metro ang laki. Magkalapit sa lapad na mukha nito ang kaniyang napakalaking mga mata. Kadalasang makikita ang mga ito na grupu-grupong nagpapaaraw sa malalaking bato, nang hindi nagkakagatan at nagtutulakan na karaniwang ugali ng karamihan ng mga poka. Oo, ang maaamong nerpa marahil ang pinakapalakaibigang poka sa daigdig.
Napansin ng isang biyologo ng mga poka na ang nerpa ay “mas maamo pa nga sa tahimik na ringed seal, anupat puwede mo itong hawakan nang hindi nangangagat kapag nahuli ito sa lambat para pag-aralan.” Binabanggit ng isang reperensiyang akda na lumapit ang mga maninisid sa mga nerpa na natutulog sa tubig. Iniulat nila na hindi nagising ang mga poka kahit nang hawakan o itihaya ang mga ito ng mga maninisid.
[Credit Line]
Dr. Konstantin Mikhailov/Naturfoto-Online
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
LUGAR PARA SA MGA TAPON
Mula 1951 hanggang 1965, maraming Saksi ni Jehova ang ipinatapon sa rehiyon ng Lawa ng Baikal dahil ayaw nilang ikompromiso ang kanilang relihiyosong mga paniniwala. Noong 1951, si Praskovya Volosyanko ay dinala sa Olkhon, ang pinakamalaking isla ng Baikal. Para makaraos, nangingisda siya kasama ng iba pang tapong Saksi. Gayunman, nakibahagi siya sa isa pang uri ng “pangingisda” sa pamamagitan ng kaniyang Bibliya upang sabihin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa maraming naninirahan sa Olkhon.
Noong 1953, si Praskovya at ang anim pang Saksi ay naaresto dahil sa kanilang pangangaral, at siya ay nahatulan ng 25 taóng pagkabilanggo. Nang makalaya, buong-katapatan siyang naglingkod sa isang kongregasyon sa Usol’ye-Sibirskoye, sa rehiyon ng Irkutsk, hanggang mamatay siya noong 2005. Mayroon na ngayong mga 30 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyon ng Baikal at sa kalapit na lunsod ng Irkutsk.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
RUSSIA
Lawa ng Baikal
[Larawan sa pahina 16, 17]
Lawa ng Baikal at ang Kabundukan ng Sayan
[Credit Line]
© Eric Baccega/age fotostock
[Larawan sa pahina 17]
“Teal” ng Baikal
[Credit Line]
Dr. Erhard Nerger/Naturfoto-Online
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Dr. Konstantin Mikhailov/Naturfoto-Online
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
© Eric Baccega/age fotostock; Boyd Norton/Evergreen Photo Alliance