Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Dahilan Upang Magtiwala sa Bibliya

1. Tumpak Ayon sa Kasaysayan

1. Tumpak Ayon sa Kasaysayan

Mahirap magtiwala sa isang aklat na maraming maling impormasyon. Isip-isiping nagbabasa ka ng isang aklat sa makabagong kasaysayan na nagsasabing ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nangyari noong mga taon ng 1800 o na tinatawag na hari ang presidente ng Estados Unidos. Hindi ka ba mag-aalinlangan kung talaga ngang mapananaligan ang buong aklat?

WALA pang matagumpay na nakapagpatunay na di-tumpak ang Bibliya ayon sa kasaysayan. Binabanggit nito ang mga taong nabuhay noon at ang mga pangyayaring talagang naganap.

Mga tao.

Nag-aalinlangan ang mga kritiko ng Bibliya kung nabuhay nga si Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Judea na siyang nagpabayubay kay Jesus. (Mateo 27:1-26) Makikitang nakaukit sa bato [1] na natuklasan noong 1961 sa daungang lunsod ng Cesarea sa Mediteraneo ang katibayan na si Pilato ay dating pinuno ng Judea.

Bago ang 1993, walang patotoo maliban sa Bibliya na talagang nabuhay si David, ang magiting na batang pastol na nang maglaon ay naging hari ng Israel. Gayunman noong 1993, nahukay ng mga arkeologo sa hilagang Israel ang isang batong basalto [2], na mula pa noong ikasiyam na siglo B.C.E., na ayon sa mga eksperto ay may nakaukit na pananalitang “Bahay ni David” at “hari ng Israel.”

Mga pangyayari.

Maraming iskolar ang dating nag-aalinlangan kung tumpak ang ulat ng Bibliya hinggil sa bansang Edom na nakipagbaka sa Israel noong panahon ni David. (2 Samuel 8:13, 14) Ikinakatuwiran nila na ang mga taga-Edom ay simpleng mga pastol lamang at hindi lubhang organisado o walang-kakayahang magbanta sa Israel noong panahong iyon. Gayunman, ipinakikita ng mga paghuhukay kamakailan na “ang Edom ay isang matatag at organisadong lipunan mga daan-daang taon bago nito [kaysa inakala nila], gaya ng ipinakikita sa Bibliya,” ang sabi ng isang artikulo sa babasahing Biblical Archaeology Review.

Tamang titulo.

Marami ang naging tagapamahala sa daigdig sa loob ng 16 na siglo habang isinusulat ang Bibliya. Kapag binabanggit ng Bibliya ang isang tagapamahala, lagi nitong ginagamit ang tamang titulo. Halimbawa, tumpak ang pagtukoy nito kay Herodes Antipas bilang “tagapamahala ng distrito” at kay Galio bilang “proconsul.” (Lucas 3:1; Gawa 18:12) Binabanggit ng Ezra 5:6 si Tatenai, ang gobernador sa lalawigan ng Persia sa “kabilang ibayo ng Ilog,” ang Ilog Eufrates. Ganito rin ang mababasa sa isang barya noong ikaapat na siglo B.C.E. na bumanggit sa gobernador ng Persia na si Mazaeus bilang tagapamahala ng lalawigan sa “Kabilang Ibayo ng Ilog.”

Mahalaga ang pagiging tumpak kahit sa kaliit-liitang detalye. Kung mapagkakatiwalaan natin ang mga manunulat ng Bibliya kahit sa maliliit na detalye, hindi ba mapatitibay nito ang ating pagtitiwala sa iba pang bagay na isinulat nila?